Friday, June 24, 2011

Kadama


Kadama...katawagan sa mga katulong na nagtatatrabaho rito sa bansang Kuwait. Magkahalo ang emosyon ang aking nararamdaman kapag may nakakahalubilo ako na mga kababayan nating kadama rito sa Kuwait. Di ko alam kung maaawa ako o hahangaan sila dahil sa sakripisyo na kanilang pinagdadaanan. Sa araw-araw na paghahanap-buhay, ibat' ibang kadama ang aking nakasasalamuha hindi lang mga kapwa natin kababayan  maging ibang lahi na rin. Sa bawat pagpapadala nila ng pera sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas, ang iba sa knila ay nagkukuwento ng kanilang mga hinanaing sa buhay. At minsan madadala ka sa mga karanasang kanilang pinagdadaanan.Hindi  ko tuloy maiwasan na makapag –isip kung nararamdaman  ba ng pamilya nila ang paghihirap at sakripisyo ng mga kababayan nating ito. Nakikita ba ng mga anak ang pawis na puhunan upang  maibigay lang ang luho at kanilang pangangailangan.

Karamihan sa kanila ay hindi man lamang makalabas ng bahay dahil sa takot ng amo na sila ay takasan. Masuwerte na  kapag binigyan sila ng isang day off. Ang iba nga ay hindi binibigyan ng pagkakataon na makatawag sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Malungkot man isipin ngunit yan ang katotohanan. Minsan nga nakikisuyo pa ang mga kababayan natin sa akin para maging tulay upang makarating ang mensahe para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Isang nakatawag pansin sa akin ang mga  kadama na  may edad na. Kung tutuusin dapat ang mga kababayan nating ito ay nasa pinas na at nilalasap na lang ang mga natitirang araw sa kanilang buhay. Ngunit nananatili pa rin  dito at kung anong kadahilanan ay talagang hindi ko maintindihan. Sinasambit ko sa aking sarili kung bakit hinahayaan na lamang ng mga kaanak nito na siya'y patuloy na manilbihan sa kabila ng kanyang katandaan.Minsan sa pakikipag-usap sa isa sa kanila, ayaw pa raw niya umuwi kasi pinag-aaral pa raw niya ang kaniyang apo.Kahit ugod-ugod na kailangan niya pang kumayod hanggat may natitirang lakas di raw sya titigil para sa kanyang mahal sa buhay.

Kakaibang sakripisyo pero hanggang kailan matatapos ito?  Hihintayin pa ba  na hindi na makalakad at lumabo na ang mga paningin ng ating mga kababayan para sapilitang makauwi sa Pilipinas. Sa puntong iyan, marahil sana makita at maramdaman ng mga kaanak ang kahalagahan nila  kaysa sa perang pinapadala. Marapat din na bigyang pansin ng ating pamahalaan ang isyung ito. Sa Pilipinas nga lang kapag umabot na sa 60 edad pinagreretiro na, bakit di gawin ng gobyerno ito para sa mga may edad na OFW.  Kawalan ba sa dagdag na kita sa kaban ng pinas kaya hinahayaan na lamang ng ating pamahalaan ang bagay na ito?  Kayo na ang humusga.






Friday, June 17, 2011

Ang Tsinelas

Ang akdang ito ay sinulat bilang pagpaparangal sa ating mga ama.






Bitbit ang tsinelas habang nakadungaw sa maliit na bintana ang isang batang paslit. Tinatanaw niya ang bawat mga taong dumaraan sa maliit na iskinita na kinatitirikan ng kanilang bahay. Palinga-linga at waring nananabik sa pagdating ng isang taong napakahalaga sa kanya. Sa di kalayuan, isang anino ang nakatawag pansin dali-dali siyang tumakbo patungo sa pintuan ng kanilang bahay. Inilagay ang isang maliit na silya at tumayo malapit sa pintuan upang salubungin ang kanyang ama.Pagbungad ng kanyang ama sa pintuan, lumundag ang batang paslit sa tuwa at gaya ng nakagawian  itoy nagmano  tanda ng paggalang.Umupo ang ama doon sa silya upang hubarin  ng anak ang  kanyang sapatos at isuot ang kanyang tsinelas. Habang isinusuot  ang tsinelas pinagmasdan ng ama  ang kanyang anak, hinaplos nya ang ulo nito at kahit pagod galing sa paghahanap-buhay, ang makita ang anak ay sapat na upang maibsan ang kanyang pagkahapo.

Lumipas ang mga panahon ang bata ay lumaki at nagsimulang magtaguyod ng kanyang sariling buhay. Kinailangan niyang dumaan  at harapin ang hamon ng panahon. Ngunit ang ama ay nanatili sa kanya at ginabayan siya upang di maligaw sa mapalinlang na mundo.Nakalimutan man ng anak ang tungkol sa tsinelas noong siya ay bata pa lamang ngunit sa diwa ng ama, ito’y buhay na buhay sa kanyang isipan.

Sa isang maliit na bintana na dati rati palagi ang anak ang nakadungaw doon, ngayon ang ama na ang pumalit at naghihintay sa pagbabalik ng kanyang anak. Ang mapawalay ang anak ang isa sa pinakamalungkot na yugto sa buhay ng isang ama. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot at ang kasabikang makita muli ang kanyang anak na lumisan upang makipagsapalaran sa ibang lupain. Habang nakatanaw sa malayo, bitbit ng ama ang tsinelas ng kanyang anak na kanyang itinago sa matagal na panahon. Niyakap niya ang tsinelas upang damhin ang pangungulilala sa kanyang anak. Sinimulan niyang sariwain ang alaala nito simula noong ito ay sanggol pa lamang hanggang sa ito ay magkamulat. Habang yakap –yakap ang tsinelas, nangarap ang ama na sa sandaling dumating ang kanyang anak, siya’y tatakbo palapit sa pintuan, pauupuin ang anak, huhubarin ang sapatos at isusuot ang tsinelas na kanyang iningatan.





Friday, June 10, 2011

Ang Ibon sa Palad ng Isang Musmos




Ikinulong sa rehas na bakal ang ibon na hinuli ng mga dayo mula sa ibang lupain. Dumanas  nang malalakas na hagupit  buhat sa mga kamay ng mga taong maiitim ang budhi. Lumatay ang sugat na nagpalala nang galit ng ibon sa mga dayuhang yumurak sa kanya.Pinilit niyang humulagpos ngunit ang mga paa’y tanikalang itinali sa isang sulok  nang madilim na hawlang kanyang kinasadlakan.Bagamat ginawang busabos,bumangon siya sa pagkakadapa at kahit paos ang tinig, umawit siya ng himno nang pagdadalamhati at nagbakasakaling may makarinig at tulungan siyang makawala. Ang madamdaming huni ng ibon ay nangibabaw sa kapuluan.Unti-unting  narinig na gumising sa  damdamin ng mga taong tunay na may karapatan sa lupang kanilang tinatapakan. Nakipaglaban upang maitaboy ang mga sakim na dayuhan at mabigyang laya ang naghihingalong ibon sa pagkabulid sa rehas.Tuluyan ngang nakalipad ang ibon dahil sa magigiting na taong nagtanggol at nagbuwis ng buhay para sa kanyang kalayaan. Nagsimulang maglakbay ang ibon sa himpapawid at nilasap ang dulot ng pagiging malaya.

Nakaramdam nang pagkahapo ang ibon at naghanap nang masisilungan. Sa pagkamangha, nakita niya na nagkakawatak-watak ang mga taong inaasahan niya na muling magtatanggol sa kanya laban sa anumang pagbabanta ng kasakiman. Oo nga’t malaya na siyang nakalipad sa palad ng mga dayuhang dati’y sa kanya’y bumihag ngunit mas nakatatatakot ang ngayo’y bumabalot sa kanyang katawan sapagkat hindi niya alam kung may nagmamalasakit pa sa kanya sapagkat pawang mga pansariling  kapakanan na ang naghahari sa lupang kanyang naging tirahan. Nangangamba siya na darating ang araw na bagamat siya’y nakalilipad  muling lalagyan ng tanikala ang kanyang mga paa tulad ng isang guryon na pinalilipad ng taong may hawak ng tali. Mas masahol pa ang magiging kahahantungan niya sapagkat  ang mga taong dapat kumikilala at  nagpapahalaga sa kanyang pagiging malaya ang siyang pipigil sa kanyang paglipad. Ang masaklap, gagawin siyang sunud-sunuran ng mga taong walang katakawan sa kapangyarihan.Habang pinipilit hanapan ng kasagutan ang tanong na bumabagabag sa kanya, hindi niya namalayan ang pagbuhos nang masaganang luha sa kanyang mga mata . Nasaan na ang mga magigiting na taong maaaring magtanggol at kikilala sa kanyang malayang paglipad. Mayroon pa bang magpapahalaga sa diwa ng paglaya?

Lumipad ang ibon bakas ang lungkot at paghihinayang sa kinahihinatnan ng lupang kanyang tinubuan. Pagod na pagod at hindi  alam kung saan makikisilong. Hanggang sa kanyang paglipad nakita niya ang isang bata na kumakaway sa kanya. Bumagal ang kanyang kampay at tinungo ang kinalalagyan ng munting musmos na ito. At habang papalapit, nakita niya itong lumulundag sa kasiyahan. Ibinuka  ng bata ang kamao nitong nakatikom upang malaya siyang makadapo sa kanyang palad. Naramdaman niya ang  mahinahong paghaplos ng bata sa kanya. Ingat na ingat upang siya’y di masaktan. Habang patuloy sa paghipo ang bata, nakadama siya ng ginhawa at doon tahimik na winika , na sana sa palad ng musmos na  ito magsisimula muling manariwa  ang pagmamahal sa kalayaan at lalabanan ang anumang banta nang kasakiman at pang-aabuso sa  kapangyarihan.

Wednesday, June 8, 2011

Awit : "Pasensya Na"


 

 Ang awiting ito ay sumasalamin sa buhay ng isang  inang OFW na napawalay sa kanyang anak. Habang pinakikinggan ang bawat liriko  ng musikang ito, naalala ko tuloy ang aking ina. Malaki ang pasalamat at pagpapahalaga naming mga magkakapatid sa aming ina sapagkat sinamahan kami hanggang sa aming paglaki. Nanatili siya sa amin at patuloy na naramdaman ang kaniyang pagmamalasakit. Ngunit sa ibang mga ina na mas pinili na mangibang bayan at doon ay manilbihan, ramdam ko ang malaking sakripisyo na kanilang dinaranas. Labag man sa kalooban na iwan ang kanilang mga mahal sa buhay, lalo na ang kanilang mga anak, ngunit tiniis nila ang pangungulila at hirap upang kahit paano ay mabigyan ng kahit konting katiwasayan ang kanilang pamumuhay.
 
Nakakaantig ng puso ang awiting ito, lalo tuloy lumaki ang aking paghanga sa mga inang nakipagsapalaran sa ibang bansa para sa kanilang pamilya.  Para sa mga inang OFW,  kayo ay marapat na hangaan at ipagmalaki.


Saturday, June 4, 2011

Sa Muling Pagbukas ng Tala-Larawan







Balisang-balisa ako sa aking pagkakahiga. Napakarami  ng ginawa ngunit ayaw pa rin akong dalawin ng antok. Hanggang sa maisipang iligpit ang mga gamit na naiwang nakakalat sa aking maliit na lamesa. Habang isinasaayos ito, nakita ko ang isang tala-larawang nakalagay sa tabi ng isang maliit na pantalya na nagsisilbing liwanag sa silid-tulugan. Kinuha ko iyon at nahiga. Naisipang buksan at sa unang pagbuklat, bumungad sa aking paningin ang mga kupas na retratong naging saksi ng aking mga karanasan at wari'y nang- aaakit upang yakapin muli ang bakas ng kahapon.






BSE-RE Siena College



Mother Francisca Formation Institute For Religion Teachers and Catechists
Catechists and Youth Animators Don Bosco Tondo
May ngiting pinagmasdan ang mga ito. Lalong nagpuyos ang aking damdamin nang lumantad ang mga larawan ng mga kabataang nakasama at naging kabahagi ng aking paglilingkod sa ibat ibang parokya na aking pinagsilbihan. Hinaplos ko ang bawat retrato sabay pikit ng aking mga mata upang ang mga  ito'y gumuhit at magkabuhay sa aking isipan. Sa isang iglap, inilipad ako ng aking diwa sa nakaraan at naglakbay pabalik sa dati kong mundong kinalalagyan. Ang katahimikan ng gabi ay nag mistulang ingay sa aking pandinig. Muling napakinggan ang samu't saring sigawan at halakhakan na nagmumula sa tinig ng mga kabataan. Parang isang musika na idinuyan ako patungo sa alapaap upang malayang marinig ang himno ng kaligayahang walang puknat sa piling ng mga munting nilalang ng daigdig.

Isang malaking karangalan ang makapaglaan ng panahon at makahalubilo ang itinuturing na pundasyon at pag-asa ng ating bayan. Kung maaari lamang na ang kamay ng orasan ay huminto sa kanilang kapanahunan marahil magiging hudyat ito ng isang masaya at makinang na mundo. Hindi maiwasan na muling sariwain ang dahon ng aking kamusmusan.Tandang-tanda ko pa na yakag-yakag ako ng aking ina sa  simbahan ng Don Bosco sa lugar ng Tundo upang mag-aral ng katesismo. Nasa ikatlong baytang ako nang nagsimulang maging aktibo sa simbahan at dahil sa mga karanasang iyon umusbong ang aking hangarin na maglingkod sa mga kabataan at maging sa pagpapaunlad ng pamayanan. Naging aktibong lider sa Sangguniang Kabataan sa aming baranggay at naging kaisa ng Arkidiyosesis ng Maynila sa pagtuturo ng Katekesis sa bawat pampublikong paaralan. Pinatibay ang damdaming ito nang magkaroon  ng pagkakataon na makapag misyon sa mga kababayan nating ita sa Porac, Pampanga at sa  mga kapatid nating igorot sa Mt.Province. Ang pagiging isang “Youth Moderator”sa bawat parokyang aking napuntahan ay nakapag- iwan din nang bakas sa aking pagkatao. Hindi lamang ang simbahan ang naging sentro ng paglilingkod. Binigyang pansin ang komunidad at nag organisa ng mga programang makatutulong para rito.Pinangunahan ang pagsasagawa ng “Non Formal Education” sa mga  "out of school youth" sa  huling parokyang aking pinaglingkuran, ang  San Jose de Trozo sa Sta Cruz Maynila at nagsagawa ng iba't ibang  pangkabuhayang programa sa mga maralita, katuwang ang Caritas Manila.
                      Apostolate in Porac Pampanga








                                             Don Bosco Youth Center




 


                                San Jose De Trozo Youth Ministry

Sa pagmulat ng aking paningin, muling sinilip ang tala-larawan at sa pagkakataong ito namalas ang mga larawang nagpapakita ng aking pakikipagsapalaran dito sa bansang Kuwait. Bigla akong napaupo buhat sa pagkakahiga, malalim na napabuntung-hininga at napalitan nang lungkot ang mukhang kanina'y punong-puno nang sigla.Hindi naging madali para sa akin ang lisanin ang ating bayan at makipagsapalaran sa lugar ng mga banyaga. Mahirap mapawalay sa pamilyang naging karamay at sumuporta sa lahat ng aking mga desisyon. Mabigat sa kalooban na pansamantalang ihinto ang paglilingkod sa mga kabataan na halos tumagal ng labinlimang taon upang magbigay daan sa aking pansariling pangangailangan at paglago. Kung tutuusin, napaka simple lamang ang buhay ko noon, kahit maliit lang ang kita, ang mahalaga ay ang kasiyahang tinatamasa buhat sa aking  mga ginagawa. Bilang isang manggawang OFW hinarap ko ang ibat ibang pagsubok na humamon sa aking pagkatao. Ang pangungulila sa mga mahal sa buhay ang numero unong kalaban ng bawat Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Pinasan ko ang lahat nang  hirap na hindi man lamang naranasan noong ako ay nasa Pilipinas. May mga sandaling gusto ko nang sumuko sa labang ito, ngunit kapag naiisip ko ang aking pamilya at ang aking mga pangarap para sa mga kabataan may kakaibang lakas na nag uudyok sa akin para maipagpatuloy ang pakikibakang ito.






Mag- aapat na taon na simula  nang iwan  ko ang ating bayan at hindi naging madali para sa akin ang mamuhay sa lupain ng ibang tao.Kahit pagod at masyadong nakatutok sa trabaho, sinikap ko pa ring  magtayo ng tulay na mag-uugnay sa mga kabataan gamit ang modernong pamamaraan. Kahit ako ay nagsusunog ng kilay dito sa bansang Kuwait, nagbigay ako ng oras at panahon para maipagpatuloy ang aking paglilingkod sa mga kabataang maituturing na pag-asa at tunay na na magpapabago sa ating lipunan.

Aking pinagmasdan ang tala-larawan, hahayaan ko itong manatiling nakabukas sapagkat hindi pa ito ang tamang oras upang isara at itago sa baul ng nakaraan. Sa aking pagbabalik sa bansang aking sinilangan, bukod sa mga pasalubong para sa aking mga mahal na magulang at mga pamangkin, bitbit ko ang tala-larawang ito dala ang sulo na naglalagablab upang muling pagningasin ang init ng pagkauhaw sa pagtulong sa mga kabataang naging bahagi ng aking buhay. Ang tala-larawan ay madaragdagan sa aking muling pagbabalik. Maglalaan ng puwang upang isama ang mga paparating na karanasang magdudulot ng pagbabago sa aking sarili, sa aking pamilya at sa mga kabataan. Isisilang ang mga bagong larawan na pinanday ng makabagong kaisipan at dinalisay nang katatagan sa laban ng buhay. Sa mukha ng mga retratong mailalagay sa talaan, maaaninag ang mga katangiang naging puhunan ay ang aking  pakikipagsapalaran sa lupain ng mga banyaga. Mga larawang nagpapahayag ng pagsasakripisyo, katatagan, pagtitiwala sa kakayahan, pagmamahal sa sarili, sa pamilya, sa kabataan at pag-ibig sa bayan.


 Wala nang sasarap pa na manirahan sa bayang ating sinilangan kaya't saan  man  tayo naroon, darating ang araw na muli nating hahagkan ang lupang ating tinubuan. Dadamahin ang tamis ng pagbabalik sa bansang nagsilbing tahanan at naging tatak ng ating pagkakakilanlan bilang isang lahing Pilipino. Sa aking pagbabalik, sisimulang ipakita ang larawan nang pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagpundar ng isang  maliit na negosyo mula sa aking pinaghirapan bilang isang OFW. Ang bunga ng aking pinaghirapan ay matitikman ng aking pamilya na siyang pangunahing dahilan kung bakit ako ay nakipagsapalaran sa bansang Kuwait. Ang larawan nang kakayahan at pagtitiwala sa sarili ay ibabahagi  sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang pangkabataang teatro. Ang aking karanasan bilang tagapagsanay sa larangang ito ang magbubukas ng pintuan upang maipakita ng mga kabataan ang kanilang husay at galing sa larangan ng sining at kultura. Sa ganitong paraan ay aking maipagpapatuloy ang naudlot na pagtulong sa mga kabataan. Kaakibat ang panibagong simula, ibabahagi ko ang aking tala-larawan upang magsilbing halimbawa ang aral ng karanasan upang pamarisan ng mga pausbong na mga kabataan. Ipauunawa sa kanila na ang pagkamit ng tagumpay at pagbabago ay hindi lamang nakatuon sa usapin ng pangingibang bansa ng ilan sa ating mga kababayan. Hindi kinakailangang manilbhan sa ibang lupain upang makamtan ang hinahangad na pagbabago sapagkat maraming mga umalis ng Pilipinas ang umuuwing luhaan. Ang pagtitiwala sa kakayahan, pagsasakripisyo at pagiging matatag sa hamon ng buhay ang siyang tungkod ng bawat  manggagawang OFW na bumabalik sa ating bansa upang suungin ang daan tungo sa landas ng pagbabago.

         Muli kong inilipat sa ibang pahina ang aking tala-larawan at sa pagkakataong ito, hindi na retrato  ang aking nasaksihan kundi mga katagang hahamon sa lahat ng mga  mangagawang Pilipino na nagtatrabaho sa  iba't ibang panig ng mundo.
      
       
Ang akdang ito ay ang aking opisyal na entry sa  PEBA 2011 ( Nominee no.7 ) para sa OFW BLOGGERS DIVISION. Ang tema sa taong ito, "Akoy Magbabalik Hatid koy Pagbabago,  I Will Return I Will bring Change. ".
 Mabuhay po ang lahat ng OFW sa buong mundo. Maraming Salamat.

Thursday, June 2, 2011

Kalayaan Noon... RH Bill Ngayon






Ilang araw na lang at gugunitain na ng sambayanang Pilipino ang pagdiriwang ng ika -113 taon ng araw ng kalayaan ng Pilipinas.  Sa araw na ito inililipad tayo sa nakaraan upang magbalik tanaw sa  napakahalagang pangyayari sa kasaysayan na naganap sa ating bansa,ang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas at  kasabay ng pagtugtog ng pambansang awit sa Kawit, Cavite bilang simbolo ng pagsilang ng kasarinlan ng bansang Pilipinas. Sa pagbabalik sa  mga pahina ng nakalipas, ipinamalas ng mga magigiting na pilipino ang  kanilang katapangan upang sumilay ang liwanag buhat sa madilim na kinasadlakan ng kalunos-lunos na bayan ni Juan dela Cruz. Ang pagsasariwa sa kagitingan ng mga pilipinong nakipaglaban ay nagbibigay sa atin ng lakas at determinasyon upang magkaisa at manguna sa anumang hamon na hinaharap natin sa kasalukuyan at maging sa mga darating pang panahon.Maging inspirasyon ang pagsasakripisyo ng ating mga ninuno upang palakasin ang Republika ng Pilipinas na pangunahing  sandigan na kumikilala at nagbibigay ng  pagpapahalaga sa dignidad ng bawat pilipino, lalong-lalo na sa usaping pampamilya, na siyang pundasyon  at pinakamahalagang salik ng ating lipunan.

Ngayon ang bansa ay humaharap sa sa isang malaking hamon na kung hindi magkakaisa ay maaring pagmulan ng pagkakawatak-watak ng sambayang pilipino. Pinag-uusapan ang pagsasabatas sa isang panukala, ang Reproductive Health  And Population and Development Act o mas kilala bilang RH Bill. Layunin ng panukalang ito na palawigin ang pangkalahatang paggamit ng iba’t ibang uri ng reproductive health care services kasama na ang artificial use of contraceptives. May apat na kadahilanan kung bakit itinutulak ang pagpapasabatas nito, una sagot  sa lumulobong populasyon na  dahilan ng kahirapan, pangalawa, upang maging ligtas ang bilang ng mga namamatay sa pagbubuntis, ikatlo, limitahan ang mga kabataang maagang nabubuntis, at panghuli para makaiwas sa pagkalat ng HIV at STD sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga condoms at uri ng contraceptives.








Bilang isa sa mga pro-life advocates, mariin kong tinututulan ang panukalang ito at ibahagi ang mga dahilan kung bakit ako ay nakikiisa sa panig ng simbahan at ibat ibang religious sectors na kontra rito. Una, hindi ang populasyon ang dahilan kung bakit patuloy tayong nakararanas ng kahirapan, kundi ang malawakang kurakutan at paglustay ng pondo ang siyang dahilan upang patuloy tayong mabaon sa hirap.Maglalaan ang gobyerno ng 3 bilyong piso upang ipambili ng ibat ibang contraceptives tulad ng condoms at mga kagamitan upang mapigilan ang pabubuntis ng isang ina. Saan manggaling yang pondong iyan?  sa pera ng taong bayan. Lulustayin ng pamahalaan ang pera ng taong bayan sa pamamagitan lamang ng pagbibili ng mga contraceptives. Kung yang 3 bilyon na yan ay ilalaan na lamang ng pamahalaan sa ibang proyekto na lubhang mahalaga tulad ng pagbibigay trabaho, pagpapagawa ng mga paaralan at libreng edukasyon, o pagpapatayo ng mga tirahan para sa mga nasa squatters area ay tunay na mapapakinabangan pa ng sambayanang pilipino. Malaking bentahe ang paglaki ng populasyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas, kaya ang dapat pigilin ay ang korupsyon hindi ang populasyon. Pangalawa, mas delikado ang paggamit ng mga contraceptives measures dahil may abortifacient effect ito na makapipinsala sa buhay at kalusugan ng nagbubuntis maging sa kanyang supling. Bakit hindi na lang ilaan ang pondo sa pagpapataas ng sahod ng mga duktor at nars at hindi ang pagtrato sa mga nabubuntis bilang sakit na dapat iwasan. Pangatlo, ang RH bill daw ay layunin upang limitahan ang maagang pagbubutis ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtuturo ng sex education sa paaralan. Lalong nakakabahala ang ganitong pamamaraan sapagkat lalong darami ang bilang ng mga kabataan na mabubuntis kapag naipatupad ito. Sa panukala, nakasaad na sisimulan ang pagtuturo sa Grade 5 tungkol sa sex education. Bakit hindi na lang ibigay sa mga magulang ang responsibilidad sa paggabay sa kanilang anak tungkol sa usaping ito. Mahalaga na ang pamahalaan ay magsagawa ng mga programa na tutulong sa mga magulang at kanilang mga anak sa pagpapahalaga sa buhay at pamilya.
Ikaapat, layunin ng RH bill na magpakalat ng condoms para maiwasan ang STD at HIV. Makasisiguro ba tayo na sa pamamagitan ng pagbibigay ng condoms maiiwasan ang mga sakit na nabanggit na ito? Malamang hindi rin. Bakit hindi na lang magsagawa ng programa ang pamahalaan   na magbibigay mpormasyon upang maturuan ang mga kabataan sa pre marital sex at isulong ang katapatan ng mag-asawa.


Isang bansa, ngayo’y nahahati  dahil sa usaping may kinalaman sa buhay at dignidad ng bawat pilipino. Kung noon ang mga ninuno natin ay nagsama-sama, nagkaisa at nagbuwis ng buhay  para makamtan ang kalayaang matagal nang ipinagkait ng mga dayuhang yumurak sa ating lahi. Ngayon kakaibang laban naman ang ating hinaharap, At ang labang ito ay mas matindi pa kung ihahalintulad natin noon, sapagkat  kapwa pilipino ngayon ang siyang ating kalaban. Mga pilipinong hindi kumikilala sa kahalagahan ng buhay at dignidad ng bawat pamilyang pilipino.