Friday, July 8, 2011

Sa Pagsayaw ng mga Bituin





Habang binabalot ng dilim ang buong paligid agad akong nagmamadaling tumakbo patungo sa bintana ng aming bahay upang doon masaksihan ng aking mga mata ang unti-unting pagyuko ng araw at ang pangingibabaw naman ng karimlan. Manghang-mangha ako sa aking nasasaksihan.Lalong nagpapatindi ng aking pagkasabik ang unti-unting paglitaw ng mga mistulang alitaptap na nakakalat sa kalangitan. Sabik na minamasdan ang bawat pag indayog ng mga ito at sa bawat kislap na pahapyaw na nakasisilaw sa aking paningin, kuminang  sa aking isipan ang kasabikan na balang araw ay maging tulad nila na marating ang kalawakan at sumabay sa kanilang pagtatanghal.

Nagsimula akong mangarap, gusto kong abutin ang kalangitan at makisabay sa pagsayaw ng mga bituin. Ngunit hindi pala ganoon kadali. Ang alam ko noong una ay nasasabik ako na mamasdan sila dahil sa liwanag na taglay at sa taas ng kanilang kinalalagyan.Hinangad ko na maging kasing tayog nila upang makita ko ang kabuuan ng mundo. Ngunit may isang bagay pa pala na dapat kong gawin bago  makasabay sa kanilang pag-indak, kailangan ko munang yakapin ang dilim.


Lalamunin lamang ako at matatabunan ng anino ng kadiliman kung ako ay magpapadaig sa kulimlim ng gabi. Hindi ko magagawang maipakita ang kislap na taglay ko kung mananaig sa akin ang takot at pangamba dulot ng pagluksa ng araw.  Kinakailangan kong  maging matapang at ipakita na kaya kong sindihan ang ilaw  na hawak sa kabila ng pangingibabaw ng kadiliman. At kahit dumating ang sandali na aandap-andap ito, di ako susuko patuloy ko itong  pagniningasin  upang hindi  magpadaig sa malamlam na gabi. Alam ko na makakaya ko ito. Di ko bibiguin ang  pangarap ko na makasabay sa  PAGSAYAW NG MGA BITUIN.


Friday, July 1, 2011

Katas Ng Sibuyas





Iba’t ibang kwento ng pakikipagsapalaran ang ating naririnig mula sa mga katulad kong mangagawang pinoy sa ibayong dagat. Minsan ang simpleng kuwentuhan ng mga OFW ay nauuwi sa pagbabahaginan ng mga karanasan. Ang iba naman ay sadyang pinagtagpo ng panahon, nagkita sa isang hindi inaaasahang pangyayari ngunit nakapag- iiwan  ng aral sa isip at damdamin ng bawat isa.Na-engganyo ako na  isulat ang maikling pakikipag-usap sa isang kabayan natin na nagtatrabaho bilang kasambahay dito sa bansang Kuwait. Kakaiba kasi ang kuwento niya at kung malalaman lamang ng mga mahal niya sa buhay lalo na ng kanyang mga anak ang kanyang ginawa marahil lalo nilang mapapahalagahan ang sakripsiyo ng kanilang ina .

Nakita ko si kabayan na nakapila para magpadala ng pera sa pinas. Paglapit niya sa akin binigyan ko siya ng isang maliit na papel upang isulat kung saan at kanino niya ipadadala ito. Habang nagsusulat tinignan ko si kabayan  mukhang nakalimutan niya na magsuklay ng buhok, palihim akong napangiti. Ganun talaga kasi karamihan sa mga kasambahay hindi na makapag-ayos ng kanilang sarili  dahil sa kasabikang makalabas. Karamihan kasi sa kanila ay hindi pinapayagan ng kanilang amo na makalabas.Ang iba nga na kadama rito amo pa nila ang nagpapadala ng pera para sa kanila. Maya-maya pa ay iniabot na sa akin ni kabayan ang papel na binigay ko sa kanya. At doon nagsimula na mag kuwento si kabayan.

“ Alam mo Kabayan, ayaw pa nga talaga ibigay ang sahod ko ng amo namin, gumawa lang talaga ako ng paraan.”, wika ni kabayan sa akin.

Bakit naman, kailan ba kayo pinasasahod? Ang tanong ko.

“ Sa a singko pa dapat pero kabayan kailangan talaga ng anak ko dahil sa eskwela saka mapuputulan na raw sila ng kuryente", ang sagot ni kabayan sa akin.

“Ganun ba. Buti naman binigay agad ng amo mo yung sahod mo.”

“Kabayan kundi pa ako umiyak di nya bibigay sahod ko.Ang ginawa ko nilagyan ko ng katas ng sibuyas  ang mata ko  para talagang  makita niyang may luha at baka sakaling maawa sa akin” ang nangingiting sagot ni kabayan.

Sa puntong iyon, di ko alam kung matatawa ako o kaya maaawa kay kabayan.  Kakaiba ang istilo niya pero nakatatawa man di maiaalis ang katotohanan na ang ina gagawa at gagawa ng paraan para sa kanyang mga anak. Simpleng istorya ng isang OFW na nagpapakita ng tunay na pagsasakripisyo para sa kanyang pamilya. At ang naging puhunan niya ay ang  KATAS NG SIBUYAS.