Sunday, August 28, 2011

Sa Pagtiklop ng Alon





Mga mata’y nakatingin sa bawat salpok ng alon sa dalampasigan, inaaliw ang sarili  habang natatalamsikan ng tubig ang mukhang larawan ng pagkabigo at kalungkutan.Hindi niya akalain na iyon ang kahihinatanan ng kanyang pag-ibig. Ang inakala niyang walang katapusang kaligayahan sa piling ng mahal sa buhay ay parang isang daluyong na tinangay nang malalakas na hangin papalayo sa kanya. Kasabay ng walang tigil na pagdampi ng alon ang pangingilid ng kanyang luha, ang mahinang impit na daing ay naging  hagulgol  at waring nakikipagsabayan sa lakas ng ingay ng  dagat. Nag uunahang bumagsak ang mga luha sa buhanginan at sa pagpatak nito tuluyan na itong nilamon at tinangay ng alon.

Bumalik sa alaala ang matatamis na pangako na ang piping saksi ay ang dagat. Habang hawak- kamay na tumatakbo sa dalampasigan at nangarap na sabay na babagtasin ang dulo ng karagatan. Walang bibitaw at magkatuwang na haharapin gaano man kalaki ang mga batong nakaharang sa pagsuong sa lalim ng dagat. Ngunit tila kumunoy ang kinasadlakan ng kanyang pag-ibig. Pinilit niyang sagipin ito at hawakan nang mahigpit para di makahulagpos sa kanya ngunit ito na mismo ang siyang kumawala sa kanyang kamay at tuluyang nagpatianod sa delubyo ng dagat. Wala siyang nagawa kundi tignan ang unti –unting pagkakalayo nito sa kanya. Nais niyang lumaya sa dusang naranasan ngunit patuloy na sumisiksik sa kanyang isipan ang mga kataga ng pamamaalam na iniwan sa kanya ng kanyang mahal, na hindi kaya ng pag-ibig niya ang buhay na gusto nitong maranasan.

Tuluyan nang napagod ang kanyang mata sa pagtangis. Lakas loob niyang isinigaw ang kanyang hinanaing ngunit wala man lamang nakaririnig sa kanya kundi ang alon ng dagat na abala sa pakikipaglaro sa malalakas na ihip ng hangin. Papalubog na ang araw ngunit ayaw pa niyang umalis sa kanyang kinatatayuan. Nais niyang matapos na ang pighati na kanyang nararanasan. Nais niyang makita ang pagtahan ng karagatan upang makadama siya ng katiwasayan kahit panandalian lamang. Hindi siya aalis hanggat hindi nanahimik ang dagat.Kapag payapa na ang lahat at kapag dumating na ang sandali na napagod na ang alon sa pag-indak,  lilisanin niya ang lugar na iyon at iiwan ang luha ng pagdadalamhati upang kasamang matangay sa agos nang PAGTIKLOP NG  ALON.

Tuesday, August 2, 2011

Huwag Matakot... Ako'y Narito


           



Huwag matakot… ako’y narito

Kapag nilukuban nang mapanglaw na dilim ang kalangitan,
Sa pagtatakip ng anino sa talukap ng matang may pangitain
Ako’y talang tatanglaw sa nanlalabong kasulukan
Na magpaparikit sa lumbay nang papatulog mong isipan.
Mangapa ka man sanhi ng  pagkabulag ng kapaligiran
Kakanlungin kita upang mapanatag ang naghihingalong kalooban.
Sa paghimlay sa aking mga bisig, ating pintig magkakapisan
Sa  pagkumpas ng mga pusong ngayo’y may ugnayan
Na nagpabigkis sa damdaming hindi mapaghihiwalay ninuman

Dumaan man ang malalakas na unos na nagpangatog ng katawan,
Balutin man ng lamig ang nangangatal na iyong kalamnan
Ako’y kumot na na yayakap sa iyong nanlalamig na katauhan
Upang pagningasin ang init na papawi sa ginaw na nararanasan
Tiklop-kamay na ikukulong kita sa aking mga bisig nang maramdaman
Ang haplos ng  pangakong  kailanman hindi ka bibitawan
Ilang bagyo man ang harapin, kahit ang baha ay sukdulan
Malakas man ang hampas ng hangin, ito’y walang takot na lalabanan
Magkatuwang na haharapin kahit mabigat man ang pasan.
           
Huwag  matakot… ako’y narito.
                

Monday, August 1, 2011

Tungkod







Bakas sa mukha ng isang nilalang ang kapaguran habang binabagtas ang daan patungo sa direksyong maging siya mismo ay hindi alam kung saan ang patutunguhan. Tagaktak ang pawis na dumadaloy sa kanyang hapong katawan bunga ng napakalayong paglalakbay na kanyang sinimulan. Kumakalam ang bawat  bahagi ng kanyang katawang nilalamon ng matinding pagkagutom sa kasiyahang pinagkait ng tadhana sa kanya. Makailang-ulit na niyang sinubukang makatagpo ng maaaring makasabay sa kaniyang paglalakbay ngunit patuloy siyang nabigo. Pakiramdam niya na siya’y pinagtakluban ng langit dahil sa wala man lamang gustong makapisan siya sa bawat bakas na kanyang sinusuong. Naranasan na rin naman niyang may sumabay at sa pag-aakalang sasamahan siya hanggang sa kahuli-hulihan ngunit kapag siya’y nadarapa buhat sa mga batong nakaharang, hinahayaan siyang nakahandusay at pitik-bulag na kumakaripas ng takbo palayo sa kanyang kinasasadlakan. Mahaba-haba na ang kaniyang tinahak ngunit patulo’y siyang nakatingin sa  kawalang direksyon at sa dibdib niya nangingibabaw ang  kawalan ng loob sa paghahanap ng magiging anino niya sa paglalakbay.

Naisipan niyang sumilong sa lilim ng isang puno, at habang nakaupo ibinuhos niya ang kanyang sama ng loob at di namalayan ang  pagdaloy ng masaganang luha sa kanyang mata. Pilit niyang ikubli ito ngunit sumisigaw ang hapdi ng sugat na lumalatay sa kanyang damdamin. Habang pumapatak ang mga mistulang hiyas na nag uunahang wumagayway sa kanyang mga mata, napansin niya ang isang tungkod sa gitna ng daan. Kinuha niya iyon at pinagmasdan. Katulad niya, ang tungkod na ito ay hindi pinapansin ng mga taong dumaraan. Isang tungkod na sa paningin ng iba ay walang silbi kung kaya’t hinahayaan na nakatiwangwang sa gitna ng daan.

Bigla niyang naisipang bitbitin ang tungkod na iyon. May makakasama na siya sa kanyang paglalakbay. Isang tungkod na magiging sandata niya sa mga batong nakaharang at sa mga lubak na lupa na nag-aabang sa kanyang lalandasin. Ang tungkod na  bagama't luma na dahil sa tagal ng panahon na pinabayaan ay magiging kanyang lakas panlaban sa kanyang pagkahapo. Tutulungan siya ng tungkod sa sandaling siya’y madapa upang bumangon mula sa pagkakalugmok sa lupa. Tungkod ang kanyang  magiging panangga sa anumang banta ng panahon. Ituturo nito sa kanya kung paano kumapit nang may katapangan upang di makabitaw sanhi ng pagkasilaw sa sinag ng araw at maging  sa paghampas nang malalakas na bagyo.

 Ang nilalang na ito ay malaya nang makapaglalakbay. Walang takot na susunguin ang landas kahit abutin man ng kadiliman. Wala ng pangambang maramdaman sa paglukob ng gabi. Sa bawat taong kanyang masasalubong sa kanyang landas na tinatahak, nais niyang makitang sila’y may mga  kasamang naglalakbay at kung mag-isa man, umaasa siya na tulad niya, ito ay may bitbit ring TUNGKOD.