Monday, November 7, 2011

Ngumiti Rin Ang LANGIT...







Nakadungaw sa bintana habang minamasdan ang makulimlim na kalangitan. Nagbabadya ng muling pagtangis ang nagpipigil na pagdadalamhati ng langit. Kung maari lamang na lumipad at kilitiin ito upang pigilan ang namumuong pagsabog ng luha ay gagawin ko ngunit huli na ang lahat. Kasabay nang malalakas na ugong ng hangin, tuluyan nang lumangitngit ito na lalong nagpasilakbo ng aking pagkatakot at pangamba. Isang matinding pag-aalburuto ang aking nasaksihan maihahalintulad sa pagmamaktol ng isang paslit na napakahirap patahanin.

Dama ko ang pagsambulat ng pamumula ng langit, sa bawat pagluha ay gusto kong makiramay sa kanyang kapanglawan.Taliwas naman sa paningin sa mga ilang nilalang na  masayang-masayang nagtatampisaw dulot ng kanyang pighati. Sa bawat hagikgikan ng mga buhay na anino sa gitna ng ulan ay ang  hagulgol ng langit, sa bawat ngiti ay  ang kanyang pagngiwi  at sa bawat pagsayaw at pag indak ay ang pagkamanhid sa kanyang nararanasan.




Nakita ko na lamang aking sarili na nasa gitna nang malalakas na tikatik. Ang laksa-laksang agos nito ay nagpanginig ng aking nanlalamig na katawan. Walang puknat ang pagbuhos ng luha, nais kong yakapin sa aking mga bisig ang langit upang matigil na ang kanyang pagwawala. Tumingala at ipinikit ang mga mata upang saluhin ang pagtulo ng rumaragasang tubig na nagmumula sa kalangitan. Nais  kong ipakita sa lumuluhang langit na di siya nag-iisa, na tulad niya ay mayroon ding kasabay niyang tumatangis at nakikinig sa kanyang pagsusumamo. Na hindi lahat ay nasisiyahan sa kanyang pag-iyak. Sa kabila ng malalakas na dagundong pinilit kong sumigaw upang matigil na ang kanyang pagluha. Alam ko na maririnig ako ng langit sa aking pakiusap. Dahil tulad niya mayroon ding  nakauunawa sa kanya.

Naramdaman ko ang paghina ng ihip ng  hangin. Nahimasmasan na ang langit sa kanyang pagluha kung kaya’t idinilat ko na ang aking mga mata upang masilayan nang kabuuan ang kanyang muling pagngiti. Sa pagtila ng ulan, naglaho na ang lamig ng  pagdadalamhati. Sa pagtigil ng luha, ngiti ng araw ay naaninag at sa pagtatapos ng paghikbi, napahid na ang pangamba at sumilay ang bagong bahaghari ng buhay.