Monday, November 7, 2011

Ngumiti Rin Ang LANGIT...







Nakadungaw sa bintana habang minamasdan ang makulimlim na kalangitan. Nagbabadya ng muling pagtangis ang nagpipigil na pagdadalamhati ng langit. Kung maari lamang na lumipad at kilitiin ito upang pigilan ang namumuong pagsabog ng luha ay gagawin ko ngunit huli na ang lahat. Kasabay nang malalakas na ugong ng hangin, tuluyan nang lumangitngit ito na lalong nagpasilakbo ng aking pagkatakot at pangamba. Isang matinding pag-aalburuto ang aking nasaksihan maihahalintulad sa pagmamaktol ng isang paslit na napakahirap patahanin.

Dama ko ang pagsambulat ng pamumula ng langit, sa bawat pagluha ay gusto kong makiramay sa kanyang kapanglawan.Taliwas naman sa paningin sa mga ilang nilalang na  masayang-masayang nagtatampisaw dulot ng kanyang pighati. Sa bawat hagikgikan ng mga buhay na anino sa gitna ng ulan ay ang  hagulgol ng langit, sa bawat ngiti ay  ang kanyang pagngiwi  at sa bawat pagsayaw at pag indak ay ang pagkamanhid sa kanyang nararanasan.




Nakita ko na lamang aking sarili na nasa gitna nang malalakas na tikatik. Ang laksa-laksang agos nito ay nagpanginig ng aking nanlalamig na katawan. Walang puknat ang pagbuhos ng luha, nais kong yakapin sa aking mga bisig ang langit upang matigil na ang kanyang pagwawala. Tumingala at ipinikit ang mga mata upang saluhin ang pagtulo ng rumaragasang tubig na nagmumula sa kalangitan. Nais  kong ipakita sa lumuluhang langit na di siya nag-iisa, na tulad niya ay mayroon ding kasabay niyang tumatangis at nakikinig sa kanyang pagsusumamo. Na hindi lahat ay nasisiyahan sa kanyang pag-iyak. Sa kabila ng malalakas na dagundong pinilit kong sumigaw upang matigil na ang kanyang pagluha. Alam ko na maririnig ako ng langit sa aking pakiusap. Dahil tulad niya mayroon ding  nakauunawa sa kanya.

Naramdaman ko ang paghina ng ihip ng  hangin. Nahimasmasan na ang langit sa kanyang pagluha kung kaya’t idinilat ko na ang aking mga mata upang masilayan nang kabuuan ang kanyang muling pagngiti. Sa pagtila ng ulan, naglaho na ang lamig ng  pagdadalamhati. Sa pagtigil ng luha, ngiti ng araw ay naaninag at sa pagtatapos ng paghikbi, napahid na ang pangamba at sumilay ang bagong bahaghari ng buhay.


Monday, October 24, 2011

Pagbaba ng Telon

Takipsilim ay nananangis, luha’y dumaloy,
Dinilig ang tuyot na lupa ng panaghoy
Sa hikbing mga matang bakas ang lumbay
At sa paglangitngit ng mga punong-kahoy
Kumakampay ang sukong mga kamay
At tiklop- luhod sa ngitngit ng nawalang malay.

Dumampi na ang hamog sa malamig na katawan,
 Nalagas na ang mga dahon sa amihan
Kumupas na ang talutot ng rosas sa hardin
Kasabay ng pagkatuyo ng tubig sa karagatan
At pagkawala ng ningning ng mga bituin
Dahil sa pagyuko ng araw sa dapithapon.

Sa pag agos ng panahon lakas ay maglalaho
Ang dating makulay na paningin ay manlalabo
Pipikit at ititiklop upang di na masilayang buo
Ang nagluluksang ulap dahil sa pagtatapos ng himno
Ng buhay at pakikipagtunggali sa delubyo
Na dulot ng mapanirang mundo.

Wala ng liwanag… wala ng takipsilim,
Kailanman di na matatakot dahil sa dilim
Tapos na ang laban sa kahon na sa iyoy pinahiram
Wala ng pighati dahil wala ng pakiramdam
Tapos na ang palabas at kailangan ng magpaalam
At ibaba ang telon ng buhay na ninamnam.


Friday, October 14, 2011

Bata...Bata, Bakit Ka Nga Ba Ginawa?








     Bata… bata, bakit ka nga ba ginawa?
Kung hahayaan kang pagala-gala
Sa lansangang bumubulaga
Ng samut’saring pangamba
Sa iyong bubot na katawang lupa.

 Hinayaan kang magmukhang timawa;
Namamalimos ng kaunting barya
Makabili lang ng tinapay sa panaderya        
Ng matigil  ang pagwewelga
Sa iyong nag aalburotong sikmura.

 Bata… bata, bakit ka nga ba ginawa?
Kung ika’y pasuray-suray sa kalsada
Dahil sa kemikal na sa iyo’y kahali-halina
Pamatid gutom sa kumakalam na bituka
At nang makaidlip matang mapupula.

Kariton at mga diyaryong luma,
Ginawang pahingahan sa bangketa
Sa madilim at nakasusulasok na iskinita
Namamaluktot kang nakahiga
Mistulang isang bubwit na inalipusta.

 Bata… bata, bakit ka nga ba ginawa?
Kung buto’t balat kang makikita
Nakikiamot ng mga mumo sa lamesa
Makahigop ng sabaw na natapon sa tasa
At nagkukumahog sa nanunuyot na panlasa.

May naghihintay pa bang pag-asa
Sa mga tulad nitong  batang –gala
Dito sa mundo sila’y naging kawawa
Sila ba ay sadyang ginawa
Ng mga magulang na wala lang magawa.

Bata … bata,  bakit ka nga ba ginawa?





Sunday, September 11, 2011

Lipad Saranggola...







Lipad saranggola lipad,
Pumaitaas sa matingkad na ulap
Sumabay sa hangin saan man mapadpad
Arukin ang langit hagkan nang ganap
Upang ang lupa’y tumingala’t ipalakpak ang palad.
Lipad saranggola lipad;
Sumabay sa pag-awit ng alapaap
Malayang pakinggan ang himig na banayad
Mula sa himno ng mga ibon na kasabay mangarap
 Sa pagkampay ng bagwis kasama kang ililipad.


Lipad saranggola lipad,
Lumuhod man ang araw di dapat aandap-andap
Maigting ang pisi upang di ka lumiyad
Sumalungat man ang hangin matutong lumanghap
Kung ayaw mo maputol at sa putik tuluyang sumayad.
Lipad saranggola lipad;
Tangan ka ng aninong sa mata’y may kislap
Hindi bibitawan ang lubid sa kuyom na palad
Upang hindi bumulusok at dusa’y malasap
Mapanatag ka’t ang nagpapalipad ay taong di huwad.



Thursday, September 8, 2011

Mga Kuwento sa Loob ng Chat Rum

Bilang isang OFW isang libangan ko ang makipag chat or pumasok sa mga social networking para maibsan ang konting lungkot na nararanasan. Noong nasa pinas pa ako, wala akong kahilig-hilig sa ganito pero sabi nga nila di mo maiintindihan o matututunan ang isang bagay hanggat di mo nasusubukan. Naisipan ko na gawin ang akdang ito, at nabigyang pagkakataon na mai published sa Filipino Magazine dito sa Kuwait.  Isa ito sa mga nauna kong naisulat nong nagsisimula pa lamang ako sa mundo ng blogging...


 MGA KUWENTO SA LOOB NG....


Iba na ang generation ngayon masyado ng moderno, epekto ito marahil ng  makabagong siyensa sa mundo. Dati rati mga kagamitan lang ang nagiging high tech, now pati ang paraan ng pakikipagsalamuha sa tao masyado ng social at class, nauso na dati ang friendster now may facebook na at may twitter pa hehehe. Mapa bata, teenager, matatanda at yung mga nag pi feeling bata pa rin ay  nahuhumaling na sa mga ganitong uri ng social networking. Lahat ata na aadik na sa net lalo na sa pag cha-chat at kapag hindi ka sumunod or makiuso sa trend ngayon iisipin mo baka ikaw ay  out of this world. Kung dati rati masyado tayong makilatis sa mga taong ating nakasasalamuha, ngayon sa isang pikit lang at kahit di mo pa nakikita sa personal yung tao thru facebook photos lang abay instant super close na agad kayo ( tamaan wag magalit ) Halina at samahan nyo ako maglakbay para makilala natin  ang ibat ibang katauhan na nakakasabay nating tumambay para ngumiti, humalakhak, umiyak at magbahagi ng karanasan gamit ang chat rum mapa facebook man,skype or yahoo messenger...

EMO LASLAS- Pamilyar ba name ni emo sa inyo?  dami rin nilang code name, me lonely girl/boy, emotera/emotero, Im alone, Emo Dark atbp. Agaw eksena kasi tong si Emo masyadong ma emote daig pa si nora at vilma sa kadramahan sa buhay.Walang bukambibig sa chat rum kundi magsabi ng mga problema nya at  tingin nya sa sarili niya siya lang ata nag iisang tao sa mundo at pasan nya ang daigdig ( KAW NA SI ATLAS ) lagi nya bitbit ang larawang may laslas na pulso para kaawaan siya ( kaya nya ba talaga gawin un? ) at ang nakakatawa pa paulit ulit nyang sinasambit na pagod na siya, at ayaw na niyang mabuhay hmmmm gusto na ata  mahimlay na sa norte or  libingan ng mga bayani ...hay buhay nga naman.. Emo di lang ikaw ang tao sa mundo  kaya SMILE ka na lang ok ...

FIL COH-  Siya si feeling... Fil pala, dami nilang kinakabit sa mga name nila me cute, gwapito, lovely, beauty, sweetie pie, honey, atbp . Para sa kanila pinapaniwalaan nila ung sinabi ng nanay nila noong bata pa sila na sila lang ang maganda at gwapo. Feeling mga star mga ito sa loob ng chat rum kaya nga madalas kainggitan ng mga walang mukha ( tao ba un?) Dahil sa angkin nilang kagandahan/ kagwapuhan feeling nila sila sina Marian at Dingdong na hinahabol- habol... ( pa autograph nga ) hmmm wait nga totoo ba yang pic na gamit nyo? baka naman ninakaw nyo lang yan sa iba ah...Kunsabagay lahat nga nagagaya na picture pa kaya, sama mo pa ung pag edit hahahaha... kaw FIL CO ka ba?

DES PERADA- Grabe naman ang eksena nitong isang ito, lahat ay gagawin para makahabol sa huling biyahe. Lahat kasi ng mga kaibigan niya nakapag asawa na siya na lang ang naiiwan at mukhang nilulumot na sya ng panahon. kaya nga kapit sa patalim na ang taong ito at laging laman ng mga internet cafe at baka sakaling makabingwit ng foreigner na mapapangasawa .Naiinggit siya sa mga kaibigan nya na nakapag asawa ng stateside dahil  sa facebook at ym ( amoy snow ba or amoy lupa na ). kaya nga si DES  always present sa internet cafe, siya na ang opening sya pa rin ang closing hahaha...

- ASTIG-  TBS, gangster, at kung ano- ano pang grupo ang pinangangalandakan ng mga taong ito. Astig nga kung tawagin.. Pinagyayabang nila yung kanilang fraterniy na inaaniban. Sa sobrang tapang  nayayanig buong chat rum sa kanila. Matapang nga ba? baka  hanggang chat lang sila... palibhasa walang papatol sa kanila dahil chat rum lang to naku luma na style nila na maghamon ng suntukan sa chat hahaha sa personal naman bahag naman ang mga buntot. Pero kung talagang matapang nga sila  ma recommend  nga sila kay PNOY na sila dalhin sa Mindanao para pulbusin ang mga abu sayaf... ( ano sa tingin nyo mga friends? ) Instant bayani pa sila...

FIX ME-  You really know what to do, your emotional tools can fool can cure any fool whose dreams have fallen apart FIXING A BROKEN HEART... remember nyo to mga ka facebook? ito ung theme song ni FIX ME. Lagi sya na sa chat rum para maghanap ng mag kukumpuni ng sawi nyang puso ( Aray ko ) wala syang ginawa kundi mag type ng ganito huhuhuhu... hmmm may luha nga ba talaga?  Lagi kasi sya niloloko ng bf/gf  hayan tuloy  need nya i FIX... sino available jan?

PAT AWA- daming ganito sa facebook at maging sa ym. Sila ang entertainer sa chat rum tagapagbigay ng aliw sa mga chatters na nalulumbay kahit magmukhang baliw ( baka nga talaga)  Marahil ok lang sa knila  ang bansagan ng ganun ang mahalaga mapatawa nila mga kausap nila... san ba natatawa sa joke nila o sa mukha nila? anyway ok namn sila wag lang masobrahan dahil baka sa mental sila makarating...


POPOY AND BASHA- " Kaya tayo iniiwan ng mga taong mahal natin ay may darating mas magmamahal sa atin, yung hindi tayo sasaktan at paasahin, yung magtatama ng mga mali natin" panalo ang linya tong sa movie ng one more chance nila basha at popoy... sa chat rum daming popoy at basha mga tinaguriang lovers  kahit sa net lang sila nagkakilala. Wala silang pakialam sa ibang chatters ang mahalaga nagmamahalan silang dalawa,wala silang bukambibig kundi babe, honey, tart, sweetheart, mahal , love atbp. hmmm wait nga baka naman sa  personal may kanya -kanya kayong bf/gf naku ingat lang at baka pag nahuli yari kayong dalawa... baka imbes na itama ang mali... TAMAAN KAYO NG MALALAKAS NA SAMPAL galing sa mga totoong gf/bf nyo hahaha...

Tulad ko, alam ko nangingiti rin kayo habang binabasa nyo to... lahat kasi tayo mahilig mag chat at minsan naiisip rin natin na baka isa rin tayo sa kanila. Noong una ang akala ko ang pag cha chat ay pampalipas oras lang ngunit hindi natin namamalayan na sa ating pakikipag-usap marami na pala nangyayari. Na sa bawat taong nakakasalamuha natin sa facebook maging sa yahoo messenger ay may katauhang ipinapakita at sa loob ng chat rum nakatago ang kuwento ng kani-kanilang sariling buhay....


Sunday, August 28, 2011

Sa Pagtiklop ng Alon





Mga mata’y nakatingin sa bawat salpok ng alon sa dalampasigan, inaaliw ang sarili  habang natatalamsikan ng tubig ang mukhang larawan ng pagkabigo at kalungkutan.Hindi niya akalain na iyon ang kahihinatanan ng kanyang pag-ibig. Ang inakala niyang walang katapusang kaligayahan sa piling ng mahal sa buhay ay parang isang daluyong na tinangay nang malalakas na hangin papalayo sa kanya. Kasabay ng walang tigil na pagdampi ng alon ang pangingilid ng kanyang luha, ang mahinang impit na daing ay naging  hagulgol  at waring nakikipagsabayan sa lakas ng ingay ng  dagat. Nag uunahang bumagsak ang mga luha sa buhanginan at sa pagpatak nito tuluyan na itong nilamon at tinangay ng alon.

Bumalik sa alaala ang matatamis na pangako na ang piping saksi ay ang dagat. Habang hawak- kamay na tumatakbo sa dalampasigan at nangarap na sabay na babagtasin ang dulo ng karagatan. Walang bibitaw at magkatuwang na haharapin gaano man kalaki ang mga batong nakaharang sa pagsuong sa lalim ng dagat. Ngunit tila kumunoy ang kinasadlakan ng kanyang pag-ibig. Pinilit niyang sagipin ito at hawakan nang mahigpit para di makahulagpos sa kanya ngunit ito na mismo ang siyang kumawala sa kanyang kamay at tuluyang nagpatianod sa delubyo ng dagat. Wala siyang nagawa kundi tignan ang unti –unting pagkakalayo nito sa kanya. Nais niyang lumaya sa dusang naranasan ngunit patuloy na sumisiksik sa kanyang isipan ang mga kataga ng pamamaalam na iniwan sa kanya ng kanyang mahal, na hindi kaya ng pag-ibig niya ang buhay na gusto nitong maranasan.

Tuluyan nang napagod ang kanyang mata sa pagtangis. Lakas loob niyang isinigaw ang kanyang hinanaing ngunit wala man lamang nakaririnig sa kanya kundi ang alon ng dagat na abala sa pakikipaglaro sa malalakas na ihip ng hangin. Papalubog na ang araw ngunit ayaw pa niyang umalis sa kanyang kinatatayuan. Nais niyang matapos na ang pighati na kanyang nararanasan. Nais niyang makita ang pagtahan ng karagatan upang makadama siya ng katiwasayan kahit panandalian lamang. Hindi siya aalis hanggat hindi nanahimik ang dagat.Kapag payapa na ang lahat at kapag dumating na ang sandali na napagod na ang alon sa pag-indak,  lilisanin niya ang lugar na iyon at iiwan ang luha ng pagdadalamhati upang kasamang matangay sa agos nang PAGTIKLOP NG  ALON.

Tuesday, August 2, 2011

Huwag Matakot... Ako'y Narito


           



Huwag matakot… ako’y narito

Kapag nilukuban nang mapanglaw na dilim ang kalangitan,
Sa pagtatakip ng anino sa talukap ng matang may pangitain
Ako’y talang tatanglaw sa nanlalabong kasulukan
Na magpaparikit sa lumbay nang papatulog mong isipan.
Mangapa ka man sanhi ng  pagkabulag ng kapaligiran
Kakanlungin kita upang mapanatag ang naghihingalong kalooban.
Sa paghimlay sa aking mga bisig, ating pintig magkakapisan
Sa  pagkumpas ng mga pusong ngayo’y may ugnayan
Na nagpabigkis sa damdaming hindi mapaghihiwalay ninuman

Dumaan man ang malalakas na unos na nagpangatog ng katawan,
Balutin man ng lamig ang nangangatal na iyong kalamnan
Ako’y kumot na na yayakap sa iyong nanlalamig na katauhan
Upang pagningasin ang init na papawi sa ginaw na nararanasan
Tiklop-kamay na ikukulong kita sa aking mga bisig nang maramdaman
Ang haplos ng  pangakong  kailanman hindi ka bibitawan
Ilang bagyo man ang harapin, kahit ang baha ay sukdulan
Malakas man ang hampas ng hangin, ito’y walang takot na lalabanan
Magkatuwang na haharapin kahit mabigat man ang pasan.
           
Huwag  matakot… ako’y narito.
                

Monday, August 1, 2011

Tungkod







Bakas sa mukha ng isang nilalang ang kapaguran habang binabagtas ang daan patungo sa direksyong maging siya mismo ay hindi alam kung saan ang patutunguhan. Tagaktak ang pawis na dumadaloy sa kanyang hapong katawan bunga ng napakalayong paglalakbay na kanyang sinimulan. Kumakalam ang bawat  bahagi ng kanyang katawang nilalamon ng matinding pagkagutom sa kasiyahang pinagkait ng tadhana sa kanya. Makailang-ulit na niyang sinubukang makatagpo ng maaaring makasabay sa kaniyang paglalakbay ngunit patuloy siyang nabigo. Pakiramdam niya na siya’y pinagtakluban ng langit dahil sa wala man lamang gustong makapisan siya sa bawat bakas na kanyang sinusuong. Naranasan na rin naman niyang may sumabay at sa pag-aakalang sasamahan siya hanggang sa kahuli-hulihan ngunit kapag siya’y nadarapa buhat sa mga batong nakaharang, hinahayaan siyang nakahandusay at pitik-bulag na kumakaripas ng takbo palayo sa kanyang kinasasadlakan. Mahaba-haba na ang kaniyang tinahak ngunit patulo’y siyang nakatingin sa  kawalang direksyon at sa dibdib niya nangingibabaw ang  kawalan ng loob sa paghahanap ng magiging anino niya sa paglalakbay.

Naisipan niyang sumilong sa lilim ng isang puno, at habang nakaupo ibinuhos niya ang kanyang sama ng loob at di namalayan ang  pagdaloy ng masaganang luha sa kanyang mata. Pilit niyang ikubli ito ngunit sumisigaw ang hapdi ng sugat na lumalatay sa kanyang damdamin. Habang pumapatak ang mga mistulang hiyas na nag uunahang wumagayway sa kanyang mga mata, napansin niya ang isang tungkod sa gitna ng daan. Kinuha niya iyon at pinagmasdan. Katulad niya, ang tungkod na ito ay hindi pinapansin ng mga taong dumaraan. Isang tungkod na sa paningin ng iba ay walang silbi kung kaya’t hinahayaan na nakatiwangwang sa gitna ng daan.

Bigla niyang naisipang bitbitin ang tungkod na iyon. May makakasama na siya sa kanyang paglalakbay. Isang tungkod na magiging sandata niya sa mga batong nakaharang at sa mga lubak na lupa na nag-aabang sa kanyang lalandasin. Ang tungkod na  bagama't luma na dahil sa tagal ng panahon na pinabayaan ay magiging kanyang lakas panlaban sa kanyang pagkahapo. Tutulungan siya ng tungkod sa sandaling siya’y madapa upang bumangon mula sa pagkakalugmok sa lupa. Tungkod ang kanyang  magiging panangga sa anumang banta ng panahon. Ituturo nito sa kanya kung paano kumapit nang may katapangan upang di makabitaw sanhi ng pagkasilaw sa sinag ng araw at maging  sa paghampas nang malalakas na bagyo.

 Ang nilalang na ito ay malaya nang makapaglalakbay. Walang takot na susunguin ang landas kahit abutin man ng kadiliman. Wala ng pangambang maramdaman sa paglukob ng gabi. Sa bawat taong kanyang masasalubong sa kanyang landas na tinatahak, nais niyang makitang sila’y may mga  kasamang naglalakbay at kung mag-isa man, umaasa siya na tulad niya, ito ay may bitbit ring TUNGKOD.




Friday, July 8, 2011

Sa Pagsayaw ng mga Bituin





Habang binabalot ng dilim ang buong paligid agad akong nagmamadaling tumakbo patungo sa bintana ng aming bahay upang doon masaksihan ng aking mga mata ang unti-unting pagyuko ng araw at ang pangingibabaw naman ng karimlan. Manghang-mangha ako sa aking nasasaksihan.Lalong nagpapatindi ng aking pagkasabik ang unti-unting paglitaw ng mga mistulang alitaptap na nakakalat sa kalangitan. Sabik na minamasdan ang bawat pag indayog ng mga ito at sa bawat kislap na pahapyaw na nakasisilaw sa aking paningin, kuminang  sa aking isipan ang kasabikan na balang araw ay maging tulad nila na marating ang kalawakan at sumabay sa kanilang pagtatanghal.

Nagsimula akong mangarap, gusto kong abutin ang kalangitan at makisabay sa pagsayaw ng mga bituin. Ngunit hindi pala ganoon kadali. Ang alam ko noong una ay nasasabik ako na mamasdan sila dahil sa liwanag na taglay at sa taas ng kanilang kinalalagyan.Hinangad ko na maging kasing tayog nila upang makita ko ang kabuuan ng mundo. Ngunit may isang bagay pa pala na dapat kong gawin bago  makasabay sa kanilang pag-indak, kailangan ko munang yakapin ang dilim.


Lalamunin lamang ako at matatabunan ng anino ng kadiliman kung ako ay magpapadaig sa kulimlim ng gabi. Hindi ko magagawang maipakita ang kislap na taglay ko kung mananaig sa akin ang takot at pangamba dulot ng pagluksa ng araw.  Kinakailangan kong  maging matapang at ipakita na kaya kong sindihan ang ilaw  na hawak sa kabila ng pangingibabaw ng kadiliman. At kahit dumating ang sandali na aandap-andap ito, di ako susuko patuloy ko itong  pagniningasin  upang hindi  magpadaig sa malamlam na gabi. Alam ko na makakaya ko ito. Di ko bibiguin ang  pangarap ko na makasabay sa  PAGSAYAW NG MGA BITUIN.


Friday, July 1, 2011

Katas Ng Sibuyas





Iba’t ibang kwento ng pakikipagsapalaran ang ating naririnig mula sa mga katulad kong mangagawang pinoy sa ibayong dagat. Minsan ang simpleng kuwentuhan ng mga OFW ay nauuwi sa pagbabahaginan ng mga karanasan. Ang iba naman ay sadyang pinagtagpo ng panahon, nagkita sa isang hindi inaaasahang pangyayari ngunit nakapag- iiwan  ng aral sa isip at damdamin ng bawat isa.Na-engganyo ako na  isulat ang maikling pakikipag-usap sa isang kabayan natin na nagtatrabaho bilang kasambahay dito sa bansang Kuwait. Kakaiba kasi ang kuwento niya at kung malalaman lamang ng mga mahal niya sa buhay lalo na ng kanyang mga anak ang kanyang ginawa marahil lalo nilang mapapahalagahan ang sakripsiyo ng kanilang ina .

Nakita ko si kabayan na nakapila para magpadala ng pera sa pinas. Paglapit niya sa akin binigyan ko siya ng isang maliit na papel upang isulat kung saan at kanino niya ipadadala ito. Habang nagsusulat tinignan ko si kabayan  mukhang nakalimutan niya na magsuklay ng buhok, palihim akong napangiti. Ganun talaga kasi karamihan sa mga kasambahay hindi na makapag-ayos ng kanilang sarili  dahil sa kasabikang makalabas. Karamihan kasi sa kanila ay hindi pinapayagan ng kanilang amo na makalabas.Ang iba nga na kadama rito amo pa nila ang nagpapadala ng pera para sa kanila. Maya-maya pa ay iniabot na sa akin ni kabayan ang papel na binigay ko sa kanya. At doon nagsimula na mag kuwento si kabayan.

“ Alam mo Kabayan, ayaw pa nga talaga ibigay ang sahod ko ng amo namin, gumawa lang talaga ako ng paraan.”, wika ni kabayan sa akin.

Bakit naman, kailan ba kayo pinasasahod? Ang tanong ko.

“ Sa a singko pa dapat pero kabayan kailangan talaga ng anak ko dahil sa eskwela saka mapuputulan na raw sila ng kuryente", ang sagot ni kabayan sa akin.

“Ganun ba. Buti naman binigay agad ng amo mo yung sahod mo.”

“Kabayan kundi pa ako umiyak di nya bibigay sahod ko.Ang ginawa ko nilagyan ko ng katas ng sibuyas  ang mata ko  para talagang  makita niyang may luha at baka sakaling maawa sa akin” ang nangingiting sagot ni kabayan.

Sa puntong iyon, di ko alam kung matatawa ako o kaya maaawa kay kabayan.  Kakaiba ang istilo niya pero nakatatawa man di maiaalis ang katotohanan na ang ina gagawa at gagawa ng paraan para sa kanyang mga anak. Simpleng istorya ng isang OFW na nagpapakita ng tunay na pagsasakripisyo para sa kanyang pamilya. At ang naging puhunan niya ay ang  KATAS NG SIBUYAS.