Nakadungaw sa bintana habang minamasdan ang makulimlim na kalangitan.
Nagbabadya ng muling pagtangis ang nagpipigil na pagdadalamhati ng langit. Kung
maari lamang na lumipad at kilitiin ito upang pigilan ang namumuong pagsabog ng
luha ay gagawin ko ngunit huli na ang lahat. Kasabay nang malalakas na ugong ng hangin,
tuluyan nang lumangitngit ito na lalong nagpasilakbo ng aking pagkatakot at
pangamba. Isang matinding pag-aalburuto ang aking nasaksihan maihahalintulad sa
pagmamaktol ng isang paslit na napakahirap patahanin.
Dama ko ang pagsambulat ng pamumula ng langit, sa bawat pagluha
ay gusto kong makiramay sa kanyang kapanglawan.Taliwas naman sa paningin sa mga
ilang nilalang na masayang-masayang nagtatampisaw
dulot ng kanyang pighati. Sa bawat hagikgikan ng mga buhay na anino sa gitna ng
ulan ay ang hagulgol ng langit, sa bawat
ngiti ay ang kanyang pagngiwi at sa bawat pagsayaw at pag indak ay ang
pagkamanhid sa kanyang nararanasan.
Nakita ko na lamang aking sarili na nasa gitna nang
malalakas na tikatik. Ang laksa-laksang agos nito ay nagpanginig ng aking
nanlalamig na katawan. Walang puknat ang pagbuhos ng luha, nais kong yakapin sa
aking mga bisig ang langit upang matigil na ang kanyang pagwawala. Tumingala at
ipinikit ang mga mata upang saluhin ang pagtulo ng rumaragasang tubig na
nagmumula sa kalangitan. Nais kong
ipakita sa lumuluhang langit na di siya nag-iisa, na tulad niya ay mayroon ding
kasabay niyang tumatangis at nakikinig sa kanyang pagsusumamo. Na hindi lahat
ay nasisiyahan sa kanyang pag-iyak. Sa kabila ng malalakas na dagundong pinilit
kong sumigaw upang matigil na ang kanyang pagluha. Alam ko na maririnig ako ng
langit sa aking pakiusap. Dahil tulad niya mayroon ding nakauunawa sa kanya.
Naramdaman ko ang paghina ng ihip ng hangin. Nahimasmasan na ang langit sa kanyang
pagluha kung kaya’t idinilat ko na ang aking mga mata upang masilayan nang kabuuan
ang kanyang muling pagngiti. Sa pagtila ng ulan, naglaho na ang lamig ng pagdadalamhati. Sa pagtigil ng luha, ngiti ng
araw ay naaninag at sa pagtatapos ng paghikbi, napahid na ang pangamba at sumilay
ang bagong bahaghari ng buhay.
galing.. makabagbag damdamin... :)
ReplyDeleteKua hindi q alam kung maxado kang madrama sa buhay mu pero ako po'y namangha sa iyong sinalaysay dahil ito'y napaka maka buluhan pra sa isang taong sa ngyon ay naghihinagpis sa kanyang buhay. sana kua huwag kang magsawa sa pagbabahagi ng mga matatalinghagang salita pra sa amin..laging tandaan na ang kung saan kaman naroroon ang Diyos ay laging nsa iyong tabi lamang.."ingat po lagi kua" :D
ReplyDeleteTY jc sa message ingat ka lagi...
ReplyDeleteay sir malungkot ata a :(
ReplyDeleteo bakit parang on hiatus ka?
ReplyDelete