Monday, November 7, 2011

Ngumiti Rin Ang LANGIT...







Nakadungaw sa bintana habang minamasdan ang makulimlim na kalangitan. Nagbabadya ng muling pagtangis ang nagpipigil na pagdadalamhati ng langit. Kung maari lamang na lumipad at kilitiin ito upang pigilan ang namumuong pagsabog ng luha ay gagawin ko ngunit huli na ang lahat. Kasabay nang malalakas na ugong ng hangin, tuluyan nang lumangitngit ito na lalong nagpasilakbo ng aking pagkatakot at pangamba. Isang matinding pag-aalburuto ang aking nasaksihan maihahalintulad sa pagmamaktol ng isang paslit na napakahirap patahanin.

Dama ko ang pagsambulat ng pamumula ng langit, sa bawat pagluha ay gusto kong makiramay sa kanyang kapanglawan.Taliwas naman sa paningin sa mga ilang nilalang na  masayang-masayang nagtatampisaw dulot ng kanyang pighati. Sa bawat hagikgikan ng mga buhay na anino sa gitna ng ulan ay ang  hagulgol ng langit, sa bawat ngiti ay  ang kanyang pagngiwi  at sa bawat pagsayaw at pag indak ay ang pagkamanhid sa kanyang nararanasan.




Nakita ko na lamang aking sarili na nasa gitna nang malalakas na tikatik. Ang laksa-laksang agos nito ay nagpanginig ng aking nanlalamig na katawan. Walang puknat ang pagbuhos ng luha, nais kong yakapin sa aking mga bisig ang langit upang matigil na ang kanyang pagwawala. Tumingala at ipinikit ang mga mata upang saluhin ang pagtulo ng rumaragasang tubig na nagmumula sa kalangitan. Nais  kong ipakita sa lumuluhang langit na di siya nag-iisa, na tulad niya ay mayroon ding kasabay niyang tumatangis at nakikinig sa kanyang pagsusumamo. Na hindi lahat ay nasisiyahan sa kanyang pag-iyak. Sa kabila ng malalakas na dagundong pinilit kong sumigaw upang matigil na ang kanyang pagluha. Alam ko na maririnig ako ng langit sa aking pakiusap. Dahil tulad niya mayroon ding  nakauunawa sa kanya.

Naramdaman ko ang paghina ng ihip ng  hangin. Nahimasmasan na ang langit sa kanyang pagluha kung kaya’t idinilat ko na ang aking mga mata upang masilayan nang kabuuan ang kanyang muling pagngiti. Sa pagtila ng ulan, naglaho na ang lamig ng  pagdadalamhati. Sa pagtigil ng luha, ngiti ng araw ay naaninag at sa pagtatapos ng paghikbi, napahid na ang pangamba at sumilay ang bagong bahaghari ng buhay.


Monday, October 24, 2011

Pagbaba ng Telon

Takipsilim ay nananangis, luha’y dumaloy,
Dinilig ang tuyot na lupa ng panaghoy
Sa hikbing mga matang bakas ang lumbay
At sa paglangitngit ng mga punong-kahoy
Kumakampay ang sukong mga kamay
At tiklop- luhod sa ngitngit ng nawalang malay.

Dumampi na ang hamog sa malamig na katawan,
 Nalagas na ang mga dahon sa amihan
Kumupas na ang talutot ng rosas sa hardin
Kasabay ng pagkatuyo ng tubig sa karagatan
At pagkawala ng ningning ng mga bituin
Dahil sa pagyuko ng araw sa dapithapon.

Sa pag agos ng panahon lakas ay maglalaho
Ang dating makulay na paningin ay manlalabo
Pipikit at ititiklop upang di na masilayang buo
Ang nagluluksang ulap dahil sa pagtatapos ng himno
Ng buhay at pakikipagtunggali sa delubyo
Na dulot ng mapanirang mundo.

Wala ng liwanag… wala ng takipsilim,
Kailanman di na matatakot dahil sa dilim
Tapos na ang laban sa kahon na sa iyoy pinahiram
Wala ng pighati dahil wala ng pakiramdam
Tapos na ang palabas at kailangan ng magpaalam
At ibaba ang telon ng buhay na ninamnam.


Friday, October 14, 2011

Bata...Bata, Bakit Ka Nga Ba Ginawa?








     Bata… bata, bakit ka nga ba ginawa?
Kung hahayaan kang pagala-gala
Sa lansangang bumubulaga
Ng samut’saring pangamba
Sa iyong bubot na katawang lupa.

 Hinayaan kang magmukhang timawa;
Namamalimos ng kaunting barya
Makabili lang ng tinapay sa panaderya        
Ng matigil  ang pagwewelga
Sa iyong nag aalburotong sikmura.

 Bata… bata, bakit ka nga ba ginawa?
Kung ika’y pasuray-suray sa kalsada
Dahil sa kemikal na sa iyo’y kahali-halina
Pamatid gutom sa kumakalam na bituka
At nang makaidlip matang mapupula.

Kariton at mga diyaryong luma,
Ginawang pahingahan sa bangketa
Sa madilim at nakasusulasok na iskinita
Namamaluktot kang nakahiga
Mistulang isang bubwit na inalipusta.

 Bata… bata, bakit ka nga ba ginawa?
Kung buto’t balat kang makikita
Nakikiamot ng mga mumo sa lamesa
Makahigop ng sabaw na natapon sa tasa
At nagkukumahog sa nanunuyot na panlasa.

May naghihintay pa bang pag-asa
Sa mga tulad nitong  batang –gala
Dito sa mundo sila’y naging kawawa
Sila ba ay sadyang ginawa
Ng mga magulang na wala lang magawa.

Bata … bata,  bakit ka nga ba ginawa?





Sunday, September 11, 2011

Lipad Saranggola...







Lipad saranggola lipad,
Pumaitaas sa matingkad na ulap
Sumabay sa hangin saan man mapadpad
Arukin ang langit hagkan nang ganap
Upang ang lupa’y tumingala’t ipalakpak ang palad.
Lipad saranggola lipad;
Sumabay sa pag-awit ng alapaap
Malayang pakinggan ang himig na banayad
Mula sa himno ng mga ibon na kasabay mangarap
 Sa pagkampay ng bagwis kasama kang ililipad.


Lipad saranggola lipad,
Lumuhod man ang araw di dapat aandap-andap
Maigting ang pisi upang di ka lumiyad
Sumalungat man ang hangin matutong lumanghap
Kung ayaw mo maputol at sa putik tuluyang sumayad.
Lipad saranggola lipad;
Tangan ka ng aninong sa mata’y may kislap
Hindi bibitawan ang lubid sa kuyom na palad
Upang hindi bumulusok at dusa’y malasap
Mapanatag ka’t ang nagpapalipad ay taong di huwad.



Thursday, September 8, 2011

Mga Kuwento sa Loob ng Chat Rum

Bilang isang OFW isang libangan ko ang makipag chat or pumasok sa mga social networking para maibsan ang konting lungkot na nararanasan. Noong nasa pinas pa ako, wala akong kahilig-hilig sa ganito pero sabi nga nila di mo maiintindihan o matututunan ang isang bagay hanggat di mo nasusubukan. Naisipan ko na gawin ang akdang ito, at nabigyang pagkakataon na mai published sa Filipino Magazine dito sa Kuwait.  Isa ito sa mga nauna kong naisulat nong nagsisimula pa lamang ako sa mundo ng blogging...


 MGA KUWENTO SA LOOB NG....


Iba na ang generation ngayon masyado ng moderno, epekto ito marahil ng  makabagong siyensa sa mundo. Dati rati mga kagamitan lang ang nagiging high tech, now pati ang paraan ng pakikipagsalamuha sa tao masyado ng social at class, nauso na dati ang friendster now may facebook na at may twitter pa hehehe. Mapa bata, teenager, matatanda at yung mga nag pi feeling bata pa rin ay  nahuhumaling na sa mga ganitong uri ng social networking. Lahat ata na aadik na sa net lalo na sa pag cha-chat at kapag hindi ka sumunod or makiuso sa trend ngayon iisipin mo baka ikaw ay  out of this world. Kung dati rati masyado tayong makilatis sa mga taong ating nakasasalamuha, ngayon sa isang pikit lang at kahit di mo pa nakikita sa personal yung tao thru facebook photos lang abay instant super close na agad kayo ( tamaan wag magalit ) Halina at samahan nyo ako maglakbay para makilala natin  ang ibat ibang katauhan na nakakasabay nating tumambay para ngumiti, humalakhak, umiyak at magbahagi ng karanasan gamit ang chat rum mapa facebook man,skype or yahoo messenger...

EMO LASLAS- Pamilyar ba name ni emo sa inyo?  dami rin nilang code name, me lonely girl/boy, emotera/emotero, Im alone, Emo Dark atbp. Agaw eksena kasi tong si Emo masyadong ma emote daig pa si nora at vilma sa kadramahan sa buhay.Walang bukambibig sa chat rum kundi magsabi ng mga problema nya at  tingin nya sa sarili niya siya lang ata nag iisang tao sa mundo at pasan nya ang daigdig ( KAW NA SI ATLAS ) lagi nya bitbit ang larawang may laslas na pulso para kaawaan siya ( kaya nya ba talaga gawin un? ) at ang nakakatawa pa paulit ulit nyang sinasambit na pagod na siya, at ayaw na niyang mabuhay hmmmm gusto na ata  mahimlay na sa norte or  libingan ng mga bayani ...hay buhay nga naman.. Emo di lang ikaw ang tao sa mundo  kaya SMILE ka na lang ok ...

FIL COH-  Siya si feeling... Fil pala, dami nilang kinakabit sa mga name nila me cute, gwapito, lovely, beauty, sweetie pie, honey, atbp . Para sa kanila pinapaniwalaan nila ung sinabi ng nanay nila noong bata pa sila na sila lang ang maganda at gwapo. Feeling mga star mga ito sa loob ng chat rum kaya nga madalas kainggitan ng mga walang mukha ( tao ba un?) Dahil sa angkin nilang kagandahan/ kagwapuhan feeling nila sila sina Marian at Dingdong na hinahabol- habol... ( pa autograph nga ) hmmm wait nga totoo ba yang pic na gamit nyo? baka naman ninakaw nyo lang yan sa iba ah...Kunsabagay lahat nga nagagaya na picture pa kaya, sama mo pa ung pag edit hahahaha... kaw FIL CO ka ba?

DES PERADA- Grabe naman ang eksena nitong isang ito, lahat ay gagawin para makahabol sa huling biyahe. Lahat kasi ng mga kaibigan niya nakapag asawa na siya na lang ang naiiwan at mukhang nilulumot na sya ng panahon. kaya nga kapit sa patalim na ang taong ito at laging laman ng mga internet cafe at baka sakaling makabingwit ng foreigner na mapapangasawa .Naiinggit siya sa mga kaibigan nya na nakapag asawa ng stateside dahil  sa facebook at ym ( amoy snow ba or amoy lupa na ). kaya nga si DES  always present sa internet cafe, siya na ang opening sya pa rin ang closing hahaha...

- ASTIG-  TBS, gangster, at kung ano- ano pang grupo ang pinangangalandakan ng mga taong ito. Astig nga kung tawagin.. Pinagyayabang nila yung kanilang fraterniy na inaaniban. Sa sobrang tapang  nayayanig buong chat rum sa kanila. Matapang nga ba? baka  hanggang chat lang sila... palibhasa walang papatol sa kanila dahil chat rum lang to naku luma na style nila na maghamon ng suntukan sa chat hahaha sa personal naman bahag naman ang mga buntot. Pero kung talagang matapang nga sila  ma recommend  nga sila kay PNOY na sila dalhin sa Mindanao para pulbusin ang mga abu sayaf... ( ano sa tingin nyo mga friends? ) Instant bayani pa sila...

FIX ME-  You really know what to do, your emotional tools can fool can cure any fool whose dreams have fallen apart FIXING A BROKEN HEART... remember nyo to mga ka facebook? ito ung theme song ni FIX ME. Lagi sya na sa chat rum para maghanap ng mag kukumpuni ng sawi nyang puso ( Aray ko ) wala syang ginawa kundi mag type ng ganito huhuhuhu... hmmm may luha nga ba talaga?  Lagi kasi sya niloloko ng bf/gf  hayan tuloy  need nya i FIX... sino available jan?

PAT AWA- daming ganito sa facebook at maging sa ym. Sila ang entertainer sa chat rum tagapagbigay ng aliw sa mga chatters na nalulumbay kahit magmukhang baliw ( baka nga talaga)  Marahil ok lang sa knila  ang bansagan ng ganun ang mahalaga mapatawa nila mga kausap nila... san ba natatawa sa joke nila o sa mukha nila? anyway ok namn sila wag lang masobrahan dahil baka sa mental sila makarating...


POPOY AND BASHA- " Kaya tayo iniiwan ng mga taong mahal natin ay may darating mas magmamahal sa atin, yung hindi tayo sasaktan at paasahin, yung magtatama ng mga mali natin" panalo ang linya tong sa movie ng one more chance nila basha at popoy... sa chat rum daming popoy at basha mga tinaguriang lovers  kahit sa net lang sila nagkakilala. Wala silang pakialam sa ibang chatters ang mahalaga nagmamahalan silang dalawa,wala silang bukambibig kundi babe, honey, tart, sweetheart, mahal , love atbp. hmmm wait nga baka naman sa  personal may kanya -kanya kayong bf/gf naku ingat lang at baka pag nahuli yari kayong dalawa... baka imbes na itama ang mali... TAMAAN KAYO NG MALALAKAS NA SAMPAL galing sa mga totoong gf/bf nyo hahaha...

Tulad ko, alam ko nangingiti rin kayo habang binabasa nyo to... lahat kasi tayo mahilig mag chat at minsan naiisip rin natin na baka isa rin tayo sa kanila. Noong una ang akala ko ang pag cha chat ay pampalipas oras lang ngunit hindi natin namamalayan na sa ating pakikipag-usap marami na pala nangyayari. Na sa bawat taong nakakasalamuha natin sa facebook maging sa yahoo messenger ay may katauhang ipinapakita at sa loob ng chat rum nakatago ang kuwento ng kani-kanilang sariling buhay....


Sunday, August 28, 2011

Sa Pagtiklop ng Alon





Mga mata’y nakatingin sa bawat salpok ng alon sa dalampasigan, inaaliw ang sarili  habang natatalamsikan ng tubig ang mukhang larawan ng pagkabigo at kalungkutan.Hindi niya akalain na iyon ang kahihinatanan ng kanyang pag-ibig. Ang inakala niyang walang katapusang kaligayahan sa piling ng mahal sa buhay ay parang isang daluyong na tinangay nang malalakas na hangin papalayo sa kanya. Kasabay ng walang tigil na pagdampi ng alon ang pangingilid ng kanyang luha, ang mahinang impit na daing ay naging  hagulgol  at waring nakikipagsabayan sa lakas ng ingay ng  dagat. Nag uunahang bumagsak ang mga luha sa buhanginan at sa pagpatak nito tuluyan na itong nilamon at tinangay ng alon.

Bumalik sa alaala ang matatamis na pangako na ang piping saksi ay ang dagat. Habang hawak- kamay na tumatakbo sa dalampasigan at nangarap na sabay na babagtasin ang dulo ng karagatan. Walang bibitaw at magkatuwang na haharapin gaano man kalaki ang mga batong nakaharang sa pagsuong sa lalim ng dagat. Ngunit tila kumunoy ang kinasadlakan ng kanyang pag-ibig. Pinilit niyang sagipin ito at hawakan nang mahigpit para di makahulagpos sa kanya ngunit ito na mismo ang siyang kumawala sa kanyang kamay at tuluyang nagpatianod sa delubyo ng dagat. Wala siyang nagawa kundi tignan ang unti –unting pagkakalayo nito sa kanya. Nais niyang lumaya sa dusang naranasan ngunit patuloy na sumisiksik sa kanyang isipan ang mga kataga ng pamamaalam na iniwan sa kanya ng kanyang mahal, na hindi kaya ng pag-ibig niya ang buhay na gusto nitong maranasan.

Tuluyan nang napagod ang kanyang mata sa pagtangis. Lakas loob niyang isinigaw ang kanyang hinanaing ngunit wala man lamang nakaririnig sa kanya kundi ang alon ng dagat na abala sa pakikipaglaro sa malalakas na ihip ng hangin. Papalubog na ang araw ngunit ayaw pa niyang umalis sa kanyang kinatatayuan. Nais niyang matapos na ang pighati na kanyang nararanasan. Nais niyang makita ang pagtahan ng karagatan upang makadama siya ng katiwasayan kahit panandalian lamang. Hindi siya aalis hanggat hindi nanahimik ang dagat.Kapag payapa na ang lahat at kapag dumating na ang sandali na napagod na ang alon sa pag-indak,  lilisanin niya ang lugar na iyon at iiwan ang luha ng pagdadalamhati upang kasamang matangay sa agos nang PAGTIKLOP NG  ALON.

Tuesday, August 2, 2011

Huwag Matakot... Ako'y Narito


           



Huwag matakot… ako’y narito

Kapag nilukuban nang mapanglaw na dilim ang kalangitan,
Sa pagtatakip ng anino sa talukap ng matang may pangitain
Ako’y talang tatanglaw sa nanlalabong kasulukan
Na magpaparikit sa lumbay nang papatulog mong isipan.
Mangapa ka man sanhi ng  pagkabulag ng kapaligiran
Kakanlungin kita upang mapanatag ang naghihingalong kalooban.
Sa paghimlay sa aking mga bisig, ating pintig magkakapisan
Sa  pagkumpas ng mga pusong ngayo’y may ugnayan
Na nagpabigkis sa damdaming hindi mapaghihiwalay ninuman

Dumaan man ang malalakas na unos na nagpangatog ng katawan,
Balutin man ng lamig ang nangangatal na iyong kalamnan
Ako’y kumot na na yayakap sa iyong nanlalamig na katauhan
Upang pagningasin ang init na papawi sa ginaw na nararanasan
Tiklop-kamay na ikukulong kita sa aking mga bisig nang maramdaman
Ang haplos ng  pangakong  kailanman hindi ka bibitawan
Ilang bagyo man ang harapin, kahit ang baha ay sukdulan
Malakas man ang hampas ng hangin, ito’y walang takot na lalabanan
Magkatuwang na haharapin kahit mabigat man ang pasan.
           
Huwag  matakot… ako’y narito.
                

Monday, August 1, 2011

Tungkod







Bakas sa mukha ng isang nilalang ang kapaguran habang binabagtas ang daan patungo sa direksyong maging siya mismo ay hindi alam kung saan ang patutunguhan. Tagaktak ang pawis na dumadaloy sa kanyang hapong katawan bunga ng napakalayong paglalakbay na kanyang sinimulan. Kumakalam ang bawat  bahagi ng kanyang katawang nilalamon ng matinding pagkagutom sa kasiyahang pinagkait ng tadhana sa kanya. Makailang-ulit na niyang sinubukang makatagpo ng maaaring makasabay sa kaniyang paglalakbay ngunit patuloy siyang nabigo. Pakiramdam niya na siya’y pinagtakluban ng langit dahil sa wala man lamang gustong makapisan siya sa bawat bakas na kanyang sinusuong. Naranasan na rin naman niyang may sumabay at sa pag-aakalang sasamahan siya hanggang sa kahuli-hulihan ngunit kapag siya’y nadarapa buhat sa mga batong nakaharang, hinahayaan siyang nakahandusay at pitik-bulag na kumakaripas ng takbo palayo sa kanyang kinasasadlakan. Mahaba-haba na ang kaniyang tinahak ngunit patulo’y siyang nakatingin sa  kawalang direksyon at sa dibdib niya nangingibabaw ang  kawalan ng loob sa paghahanap ng magiging anino niya sa paglalakbay.

Naisipan niyang sumilong sa lilim ng isang puno, at habang nakaupo ibinuhos niya ang kanyang sama ng loob at di namalayan ang  pagdaloy ng masaganang luha sa kanyang mata. Pilit niyang ikubli ito ngunit sumisigaw ang hapdi ng sugat na lumalatay sa kanyang damdamin. Habang pumapatak ang mga mistulang hiyas na nag uunahang wumagayway sa kanyang mga mata, napansin niya ang isang tungkod sa gitna ng daan. Kinuha niya iyon at pinagmasdan. Katulad niya, ang tungkod na ito ay hindi pinapansin ng mga taong dumaraan. Isang tungkod na sa paningin ng iba ay walang silbi kung kaya’t hinahayaan na nakatiwangwang sa gitna ng daan.

Bigla niyang naisipang bitbitin ang tungkod na iyon. May makakasama na siya sa kanyang paglalakbay. Isang tungkod na magiging sandata niya sa mga batong nakaharang at sa mga lubak na lupa na nag-aabang sa kanyang lalandasin. Ang tungkod na  bagama't luma na dahil sa tagal ng panahon na pinabayaan ay magiging kanyang lakas panlaban sa kanyang pagkahapo. Tutulungan siya ng tungkod sa sandaling siya’y madapa upang bumangon mula sa pagkakalugmok sa lupa. Tungkod ang kanyang  magiging panangga sa anumang banta ng panahon. Ituturo nito sa kanya kung paano kumapit nang may katapangan upang di makabitaw sanhi ng pagkasilaw sa sinag ng araw at maging  sa paghampas nang malalakas na bagyo.

 Ang nilalang na ito ay malaya nang makapaglalakbay. Walang takot na susunguin ang landas kahit abutin man ng kadiliman. Wala ng pangambang maramdaman sa paglukob ng gabi. Sa bawat taong kanyang masasalubong sa kanyang landas na tinatahak, nais niyang makitang sila’y may mga  kasamang naglalakbay at kung mag-isa man, umaasa siya na tulad niya, ito ay may bitbit ring TUNGKOD.




Friday, July 8, 2011

Sa Pagsayaw ng mga Bituin





Habang binabalot ng dilim ang buong paligid agad akong nagmamadaling tumakbo patungo sa bintana ng aming bahay upang doon masaksihan ng aking mga mata ang unti-unting pagyuko ng araw at ang pangingibabaw naman ng karimlan. Manghang-mangha ako sa aking nasasaksihan.Lalong nagpapatindi ng aking pagkasabik ang unti-unting paglitaw ng mga mistulang alitaptap na nakakalat sa kalangitan. Sabik na minamasdan ang bawat pag indayog ng mga ito at sa bawat kislap na pahapyaw na nakasisilaw sa aking paningin, kuminang  sa aking isipan ang kasabikan na balang araw ay maging tulad nila na marating ang kalawakan at sumabay sa kanilang pagtatanghal.

Nagsimula akong mangarap, gusto kong abutin ang kalangitan at makisabay sa pagsayaw ng mga bituin. Ngunit hindi pala ganoon kadali. Ang alam ko noong una ay nasasabik ako na mamasdan sila dahil sa liwanag na taglay at sa taas ng kanilang kinalalagyan.Hinangad ko na maging kasing tayog nila upang makita ko ang kabuuan ng mundo. Ngunit may isang bagay pa pala na dapat kong gawin bago  makasabay sa kanilang pag-indak, kailangan ko munang yakapin ang dilim.


Lalamunin lamang ako at matatabunan ng anino ng kadiliman kung ako ay magpapadaig sa kulimlim ng gabi. Hindi ko magagawang maipakita ang kislap na taglay ko kung mananaig sa akin ang takot at pangamba dulot ng pagluksa ng araw.  Kinakailangan kong  maging matapang at ipakita na kaya kong sindihan ang ilaw  na hawak sa kabila ng pangingibabaw ng kadiliman. At kahit dumating ang sandali na aandap-andap ito, di ako susuko patuloy ko itong  pagniningasin  upang hindi  magpadaig sa malamlam na gabi. Alam ko na makakaya ko ito. Di ko bibiguin ang  pangarap ko na makasabay sa  PAGSAYAW NG MGA BITUIN.


Friday, July 1, 2011

Katas Ng Sibuyas





Iba’t ibang kwento ng pakikipagsapalaran ang ating naririnig mula sa mga katulad kong mangagawang pinoy sa ibayong dagat. Minsan ang simpleng kuwentuhan ng mga OFW ay nauuwi sa pagbabahaginan ng mga karanasan. Ang iba naman ay sadyang pinagtagpo ng panahon, nagkita sa isang hindi inaaasahang pangyayari ngunit nakapag- iiwan  ng aral sa isip at damdamin ng bawat isa.Na-engganyo ako na  isulat ang maikling pakikipag-usap sa isang kabayan natin na nagtatrabaho bilang kasambahay dito sa bansang Kuwait. Kakaiba kasi ang kuwento niya at kung malalaman lamang ng mga mahal niya sa buhay lalo na ng kanyang mga anak ang kanyang ginawa marahil lalo nilang mapapahalagahan ang sakripsiyo ng kanilang ina .

Nakita ko si kabayan na nakapila para magpadala ng pera sa pinas. Paglapit niya sa akin binigyan ko siya ng isang maliit na papel upang isulat kung saan at kanino niya ipadadala ito. Habang nagsusulat tinignan ko si kabayan  mukhang nakalimutan niya na magsuklay ng buhok, palihim akong napangiti. Ganun talaga kasi karamihan sa mga kasambahay hindi na makapag-ayos ng kanilang sarili  dahil sa kasabikang makalabas. Karamihan kasi sa kanila ay hindi pinapayagan ng kanilang amo na makalabas.Ang iba nga na kadama rito amo pa nila ang nagpapadala ng pera para sa kanila. Maya-maya pa ay iniabot na sa akin ni kabayan ang papel na binigay ko sa kanya. At doon nagsimula na mag kuwento si kabayan.

“ Alam mo Kabayan, ayaw pa nga talaga ibigay ang sahod ko ng amo namin, gumawa lang talaga ako ng paraan.”, wika ni kabayan sa akin.

Bakit naman, kailan ba kayo pinasasahod? Ang tanong ko.

“ Sa a singko pa dapat pero kabayan kailangan talaga ng anak ko dahil sa eskwela saka mapuputulan na raw sila ng kuryente", ang sagot ni kabayan sa akin.

“Ganun ba. Buti naman binigay agad ng amo mo yung sahod mo.”

“Kabayan kundi pa ako umiyak di nya bibigay sahod ko.Ang ginawa ko nilagyan ko ng katas ng sibuyas  ang mata ko  para talagang  makita niyang may luha at baka sakaling maawa sa akin” ang nangingiting sagot ni kabayan.

Sa puntong iyon, di ko alam kung matatawa ako o kaya maaawa kay kabayan.  Kakaiba ang istilo niya pero nakatatawa man di maiaalis ang katotohanan na ang ina gagawa at gagawa ng paraan para sa kanyang mga anak. Simpleng istorya ng isang OFW na nagpapakita ng tunay na pagsasakripisyo para sa kanyang pamilya. At ang naging puhunan niya ay ang  KATAS NG SIBUYAS.  





Friday, June 24, 2011

Kadama


Kadama...katawagan sa mga katulong na nagtatatrabaho rito sa bansang Kuwait. Magkahalo ang emosyon ang aking nararamdaman kapag may nakakahalubilo ako na mga kababayan nating kadama rito sa Kuwait. Di ko alam kung maaawa ako o hahangaan sila dahil sa sakripisyo na kanilang pinagdadaanan. Sa araw-araw na paghahanap-buhay, ibat' ibang kadama ang aking nakasasalamuha hindi lang mga kapwa natin kababayan  maging ibang lahi na rin. Sa bawat pagpapadala nila ng pera sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas, ang iba sa knila ay nagkukuwento ng kanilang mga hinanaing sa buhay. At minsan madadala ka sa mga karanasang kanilang pinagdadaanan.Hindi  ko tuloy maiwasan na makapag –isip kung nararamdaman  ba ng pamilya nila ang paghihirap at sakripisyo ng mga kababayan nating ito. Nakikita ba ng mga anak ang pawis na puhunan upang  maibigay lang ang luho at kanilang pangangailangan.

Karamihan sa kanila ay hindi man lamang makalabas ng bahay dahil sa takot ng amo na sila ay takasan. Masuwerte na  kapag binigyan sila ng isang day off. Ang iba nga ay hindi binibigyan ng pagkakataon na makatawag sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Malungkot man isipin ngunit yan ang katotohanan. Minsan nga nakikisuyo pa ang mga kababayan natin sa akin para maging tulay upang makarating ang mensahe para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Isang nakatawag pansin sa akin ang mga  kadama na  may edad na. Kung tutuusin dapat ang mga kababayan nating ito ay nasa pinas na at nilalasap na lang ang mga natitirang araw sa kanilang buhay. Ngunit nananatili pa rin  dito at kung anong kadahilanan ay talagang hindi ko maintindihan. Sinasambit ko sa aking sarili kung bakit hinahayaan na lamang ng mga kaanak nito na siya'y patuloy na manilbihan sa kabila ng kanyang katandaan.Minsan sa pakikipag-usap sa isa sa kanila, ayaw pa raw niya umuwi kasi pinag-aaral pa raw niya ang kaniyang apo.Kahit ugod-ugod na kailangan niya pang kumayod hanggat may natitirang lakas di raw sya titigil para sa kanyang mahal sa buhay.

Kakaibang sakripisyo pero hanggang kailan matatapos ito?  Hihintayin pa ba  na hindi na makalakad at lumabo na ang mga paningin ng ating mga kababayan para sapilitang makauwi sa Pilipinas. Sa puntong iyan, marahil sana makita at maramdaman ng mga kaanak ang kahalagahan nila  kaysa sa perang pinapadala. Marapat din na bigyang pansin ng ating pamahalaan ang isyung ito. Sa Pilipinas nga lang kapag umabot na sa 60 edad pinagreretiro na, bakit di gawin ng gobyerno ito para sa mga may edad na OFW.  Kawalan ba sa dagdag na kita sa kaban ng pinas kaya hinahayaan na lamang ng ating pamahalaan ang bagay na ito?  Kayo na ang humusga.






Friday, June 17, 2011

Ang Tsinelas

Ang akdang ito ay sinulat bilang pagpaparangal sa ating mga ama.






Bitbit ang tsinelas habang nakadungaw sa maliit na bintana ang isang batang paslit. Tinatanaw niya ang bawat mga taong dumaraan sa maliit na iskinita na kinatitirikan ng kanilang bahay. Palinga-linga at waring nananabik sa pagdating ng isang taong napakahalaga sa kanya. Sa di kalayuan, isang anino ang nakatawag pansin dali-dali siyang tumakbo patungo sa pintuan ng kanilang bahay. Inilagay ang isang maliit na silya at tumayo malapit sa pintuan upang salubungin ang kanyang ama.Pagbungad ng kanyang ama sa pintuan, lumundag ang batang paslit sa tuwa at gaya ng nakagawian  itoy nagmano  tanda ng paggalang.Umupo ang ama doon sa silya upang hubarin  ng anak ang  kanyang sapatos at isuot ang kanyang tsinelas. Habang isinusuot  ang tsinelas pinagmasdan ng ama  ang kanyang anak, hinaplos nya ang ulo nito at kahit pagod galing sa paghahanap-buhay, ang makita ang anak ay sapat na upang maibsan ang kanyang pagkahapo.

Lumipas ang mga panahon ang bata ay lumaki at nagsimulang magtaguyod ng kanyang sariling buhay. Kinailangan niyang dumaan  at harapin ang hamon ng panahon. Ngunit ang ama ay nanatili sa kanya at ginabayan siya upang di maligaw sa mapalinlang na mundo.Nakalimutan man ng anak ang tungkol sa tsinelas noong siya ay bata pa lamang ngunit sa diwa ng ama, ito’y buhay na buhay sa kanyang isipan.

Sa isang maliit na bintana na dati rati palagi ang anak ang nakadungaw doon, ngayon ang ama na ang pumalit at naghihintay sa pagbabalik ng kanyang anak. Ang mapawalay ang anak ang isa sa pinakamalungkot na yugto sa buhay ng isang ama. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot at ang kasabikang makita muli ang kanyang anak na lumisan upang makipagsapalaran sa ibang lupain. Habang nakatanaw sa malayo, bitbit ng ama ang tsinelas ng kanyang anak na kanyang itinago sa matagal na panahon. Niyakap niya ang tsinelas upang damhin ang pangungulilala sa kanyang anak. Sinimulan niyang sariwain ang alaala nito simula noong ito ay sanggol pa lamang hanggang sa ito ay magkamulat. Habang yakap –yakap ang tsinelas, nangarap ang ama na sa sandaling dumating ang kanyang anak, siya’y tatakbo palapit sa pintuan, pauupuin ang anak, huhubarin ang sapatos at isusuot ang tsinelas na kanyang iningatan.





Friday, June 10, 2011

Ang Ibon sa Palad ng Isang Musmos




Ikinulong sa rehas na bakal ang ibon na hinuli ng mga dayo mula sa ibang lupain. Dumanas  nang malalakas na hagupit  buhat sa mga kamay ng mga taong maiitim ang budhi. Lumatay ang sugat na nagpalala nang galit ng ibon sa mga dayuhang yumurak sa kanya.Pinilit niyang humulagpos ngunit ang mga paa’y tanikalang itinali sa isang sulok  nang madilim na hawlang kanyang kinasadlakan.Bagamat ginawang busabos,bumangon siya sa pagkakadapa at kahit paos ang tinig, umawit siya ng himno nang pagdadalamhati at nagbakasakaling may makarinig at tulungan siyang makawala. Ang madamdaming huni ng ibon ay nangibabaw sa kapuluan.Unti-unting  narinig na gumising sa  damdamin ng mga taong tunay na may karapatan sa lupang kanilang tinatapakan. Nakipaglaban upang maitaboy ang mga sakim na dayuhan at mabigyang laya ang naghihingalong ibon sa pagkabulid sa rehas.Tuluyan ngang nakalipad ang ibon dahil sa magigiting na taong nagtanggol at nagbuwis ng buhay para sa kanyang kalayaan. Nagsimulang maglakbay ang ibon sa himpapawid at nilasap ang dulot ng pagiging malaya.

Nakaramdam nang pagkahapo ang ibon at naghanap nang masisilungan. Sa pagkamangha, nakita niya na nagkakawatak-watak ang mga taong inaasahan niya na muling magtatanggol sa kanya laban sa anumang pagbabanta ng kasakiman. Oo nga’t malaya na siyang nakalipad sa palad ng mga dayuhang dati’y sa kanya’y bumihag ngunit mas nakatatatakot ang ngayo’y bumabalot sa kanyang katawan sapagkat hindi niya alam kung may nagmamalasakit pa sa kanya sapagkat pawang mga pansariling  kapakanan na ang naghahari sa lupang kanyang naging tirahan. Nangangamba siya na darating ang araw na bagamat siya’y nakalilipad  muling lalagyan ng tanikala ang kanyang mga paa tulad ng isang guryon na pinalilipad ng taong may hawak ng tali. Mas masahol pa ang magiging kahahantungan niya sapagkat  ang mga taong dapat kumikilala at  nagpapahalaga sa kanyang pagiging malaya ang siyang pipigil sa kanyang paglipad. Ang masaklap, gagawin siyang sunud-sunuran ng mga taong walang katakawan sa kapangyarihan.Habang pinipilit hanapan ng kasagutan ang tanong na bumabagabag sa kanya, hindi niya namalayan ang pagbuhos nang masaganang luha sa kanyang mga mata . Nasaan na ang mga magigiting na taong maaaring magtanggol at kikilala sa kanyang malayang paglipad. Mayroon pa bang magpapahalaga sa diwa ng paglaya?

Lumipad ang ibon bakas ang lungkot at paghihinayang sa kinahihinatnan ng lupang kanyang tinubuan. Pagod na pagod at hindi  alam kung saan makikisilong. Hanggang sa kanyang paglipad nakita niya ang isang bata na kumakaway sa kanya. Bumagal ang kanyang kampay at tinungo ang kinalalagyan ng munting musmos na ito. At habang papalapit, nakita niya itong lumulundag sa kasiyahan. Ibinuka  ng bata ang kamao nitong nakatikom upang malaya siyang makadapo sa kanyang palad. Naramdaman niya ang  mahinahong paghaplos ng bata sa kanya. Ingat na ingat upang siya’y di masaktan. Habang patuloy sa paghipo ang bata, nakadama siya ng ginhawa at doon tahimik na winika , na sana sa palad ng musmos na  ito magsisimula muling manariwa  ang pagmamahal sa kalayaan at lalabanan ang anumang banta nang kasakiman at pang-aabuso sa  kapangyarihan.

Wednesday, June 8, 2011

Awit : "Pasensya Na"


 

 Ang awiting ito ay sumasalamin sa buhay ng isang  inang OFW na napawalay sa kanyang anak. Habang pinakikinggan ang bawat liriko  ng musikang ito, naalala ko tuloy ang aking ina. Malaki ang pasalamat at pagpapahalaga naming mga magkakapatid sa aming ina sapagkat sinamahan kami hanggang sa aming paglaki. Nanatili siya sa amin at patuloy na naramdaman ang kaniyang pagmamalasakit. Ngunit sa ibang mga ina na mas pinili na mangibang bayan at doon ay manilbihan, ramdam ko ang malaking sakripisyo na kanilang dinaranas. Labag man sa kalooban na iwan ang kanilang mga mahal sa buhay, lalo na ang kanilang mga anak, ngunit tiniis nila ang pangungulila at hirap upang kahit paano ay mabigyan ng kahit konting katiwasayan ang kanilang pamumuhay.
 
Nakakaantig ng puso ang awiting ito, lalo tuloy lumaki ang aking paghanga sa mga inang nakipagsapalaran sa ibang bansa para sa kanilang pamilya.  Para sa mga inang OFW,  kayo ay marapat na hangaan at ipagmalaki.


Saturday, June 4, 2011

Sa Muling Pagbukas ng Tala-Larawan







Balisang-balisa ako sa aking pagkakahiga. Napakarami  ng ginawa ngunit ayaw pa rin akong dalawin ng antok. Hanggang sa maisipang iligpit ang mga gamit na naiwang nakakalat sa aking maliit na lamesa. Habang isinasaayos ito, nakita ko ang isang tala-larawang nakalagay sa tabi ng isang maliit na pantalya na nagsisilbing liwanag sa silid-tulugan. Kinuha ko iyon at nahiga. Naisipang buksan at sa unang pagbuklat, bumungad sa aking paningin ang mga kupas na retratong naging saksi ng aking mga karanasan at wari'y nang- aaakit upang yakapin muli ang bakas ng kahapon.






BSE-RE Siena College



Mother Francisca Formation Institute For Religion Teachers and Catechists
Catechists and Youth Animators Don Bosco Tondo
May ngiting pinagmasdan ang mga ito. Lalong nagpuyos ang aking damdamin nang lumantad ang mga larawan ng mga kabataang nakasama at naging kabahagi ng aking paglilingkod sa ibat ibang parokya na aking pinagsilbihan. Hinaplos ko ang bawat retrato sabay pikit ng aking mga mata upang ang mga  ito'y gumuhit at magkabuhay sa aking isipan. Sa isang iglap, inilipad ako ng aking diwa sa nakaraan at naglakbay pabalik sa dati kong mundong kinalalagyan. Ang katahimikan ng gabi ay nag mistulang ingay sa aking pandinig. Muling napakinggan ang samu't saring sigawan at halakhakan na nagmumula sa tinig ng mga kabataan. Parang isang musika na idinuyan ako patungo sa alapaap upang malayang marinig ang himno ng kaligayahang walang puknat sa piling ng mga munting nilalang ng daigdig.

Isang malaking karangalan ang makapaglaan ng panahon at makahalubilo ang itinuturing na pundasyon at pag-asa ng ating bayan. Kung maaari lamang na ang kamay ng orasan ay huminto sa kanilang kapanahunan marahil magiging hudyat ito ng isang masaya at makinang na mundo. Hindi maiwasan na muling sariwain ang dahon ng aking kamusmusan.Tandang-tanda ko pa na yakag-yakag ako ng aking ina sa  simbahan ng Don Bosco sa lugar ng Tundo upang mag-aral ng katesismo. Nasa ikatlong baytang ako nang nagsimulang maging aktibo sa simbahan at dahil sa mga karanasang iyon umusbong ang aking hangarin na maglingkod sa mga kabataan at maging sa pagpapaunlad ng pamayanan. Naging aktibong lider sa Sangguniang Kabataan sa aming baranggay at naging kaisa ng Arkidiyosesis ng Maynila sa pagtuturo ng Katekesis sa bawat pampublikong paaralan. Pinatibay ang damdaming ito nang magkaroon  ng pagkakataon na makapag misyon sa mga kababayan nating ita sa Porac, Pampanga at sa  mga kapatid nating igorot sa Mt.Province. Ang pagiging isang “Youth Moderator”sa bawat parokyang aking napuntahan ay nakapag- iwan din nang bakas sa aking pagkatao. Hindi lamang ang simbahan ang naging sentro ng paglilingkod. Binigyang pansin ang komunidad at nag organisa ng mga programang makatutulong para rito.Pinangunahan ang pagsasagawa ng “Non Formal Education” sa mga  "out of school youth" sa  huling parokyang aking pinaglingkuran, ang  San Jose de Trozo sa Sta Cruz Maynila at nagsagawa ng iba't ibang  pangkabuhayang programa sa mga maralita, katuwang ang Caritas Manila.
                      Apostolate in Porac Pampanga








                                             Don Bosco Youth Center




 


                                San Jose De Trozo Youth Ministry

Sa pagmulat ng aking paningin, muling sinilip ang tala-larawan at sa pagkakataong ito namalas ang mga larawang nagpapakita ng aking pakikipagsapalaran dito sa bansang Kuwait. Bigla akong napaupo buhat sa pagkakahiga, malalim na napabuntung-hininga at napalitan nang lungkot ang mukhang kanina'y punong-puno nang sigla.Hindi naging madali para sa akin ang lisanin ang ating bayan at makipagsapalaran sa lugar ng mga banyaga. Mahirap mapawalay sa pamilyang naging karamay at sumuporta sa lahat ng aking mga desisyon. Mabigat sa kalooban na pansamantalang ihinto ang paglilingkod sa mga kabataan na halos tumagal ng labinlimang taon upang magbigay daan sa aking pansariling pangangailangan at paglago. Kung tutuusin, napaka simple lamang ang buhay ko noon, kahit maliit lang ang kita, ang mahalaga ay ang kasiyahang tinatamasa buhat sa aking  mga ginagawa. Bilang isang manggawang OFW hinarap ko ang ibat ibang pagsubok na humamon sa aking pagkatao. Ang pangungulila sa mga mahal sa buhay ang numero unong kalaban ng bawat Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Pinasan ko ang lahat nang  hirap na hindi man lamang naranasan noong ako ay nasa Pilipinas. May mga sandaling gusto ko nang sumuko sa labang ito, ngunit kapag naiisip ko ang aking pamilya at ang aking mga pangarap para sa mga kabataan may kakaibang lakas na nag uudyok sa akin para maipagpatuloy ang pakikibakang ito.






Mag- aapat na taon na simula  nang iwan  ko ang ating bayan at hindi naging madali para sa akin ang mamuhay sa lupain ng ibang tao.Kahit pagod at masyadong nakatutok sa trabaho, sinikap ko pa ring  magtayo ng tulay na mag-uugnay sa mga kabataan gamit ang modernong pamamaraan. Kahit ako ay nagsusunog ng kilay dito sa bansang Kuwait, nagbigay ako ng oras at panahon para maipagpatuloy ang aking paglilingkod sa mga kabataang maituturing na pag-asa at tunay na na magpapabago sa ating lipunan.

Aking pinagmasdan ang tala-larawan, hahayaan ko itong manatiling nakabukas sapagkat hindi pa ito ang tamang oras upang isara at itago sa baul ng nakaraan. Sa aking pagbabalik sa bansang aking sinilangan, bukod sa mga pasalubong para sa aking mga mahal na magulang at mga pamangkin, bitbit ko ang tala-larawang ito dala ang sulo na naglalagablab upang muling pagningasin ang init ng pagkauhaw sa pagtulong sa mga kabataang naging bahagi ng aking buhay. Ang tala-larawan ay madaragdagan sa aking muling pagbabalik. Maglalaan ng puwang upang isama ang mga paparating na karanasang magdudulot ng pagbabago sa aking sarili, sa aking pamilya at sa mga kabataan. Isisilang ang mga bagong larawan na pinanday ng makabagong kaisipan at dinalisay nang katatagan sa laban ng buhay. Sa mukha ng mga retratong mailalagay sa talaan, maaaninag ang mga katangiang naging puhunan ay ang aking  pakikipagsapalaran sa lupain ng mga banyaga. Mga larawang nagpapahayag ng pagsasakripisyo, katatagan, pagtitiwala sa kakayahan, pagmamahal sa sarili, sa pamilya, sa kabataan at pag-ibig sa bayan.


 Wala nang sasarap pa na manirahan sa bayang ating sinilangan kaya't saan  man  tayo naroon, darating ang araw na muli nating hahagkan ang lupang ating tinubuan. Dadamahin ang tamis ng pagbabalik sa bansang nagsilbing tahanan at naging tatak ng ating pagkakakilanlan bilang isang lahing Pilipino. Sa aking pagbabalik, sisimulang ipakita ang larawan nang pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagpundar ng isang  maliit na negosyo mula sa aking pinaghirapan bilang isang OFW. Ang bunga ng aking pinaghirapan ay matitikman ng aking pamilya na siyang pangunahing dahilan kung bakit ako ay nakipagsapalaran sa bansang Kuwait. Ang larawan nang kakayahan at pagtitiwala sa sarili ay ibabahagi  sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang pangkabataang teatro. Ang aking karanasan bilang tagapagsanay sa larangang ito ang magbubukas ng pintuan upang maipakita ng mga kabataan ang kanilang husay at galing sa larangan ng sining at kultura. Sa ganitong paraan ay aking maipagpapatuloy ang naudlot na pagtulong sa mga kabataan. Kaakibat ang panibagong simula, ibabahagi ko ang aking tala-larawan upang magsilbing halimbawa ang aral ng karanasan upang pamarisan ng mga pausbong na mga kabataan. Ipauunawa sa kanila na ang pagkamit ng tagumpay at pagbabago ay hindi lamang nakatuon sa usapin ng pangingibang bansa ng ilan sa ating mga kababayan. Hindi kinakailangang manilbhan sa ibang lupain upang makamtan ang hinahangad na pagbabago sapagkat maraming mga umalis ng Pilipinas ang umuuwing luhaan. Ang pagtitiwala sa kakayahan, pagsasakripisyo at pagiging matatag sa hamon ng buhay ang siyang tungkod ng bawat  manggagawang OFW na bumabalik sa ating bansa upang suungin ang daan tungo sa landas ng pagbabago.

         Muli kong inilipat sa ibang pahina ang aking tala-larawan at sa pagkakataong ito, hindi na retrato  ang aking nasaksihan kundi mga katagang hahamon sa lahat ng mga  mangagawang Pilipino na nagtatrabaho sa  iba't ibang panig ng mundo.
      
       
Ang akdang ito ay ang aking opisyal na entry sa  PEBA 2011 ( Nominee no.7 ) para sa OFW BLOGGERS DIVISION. Ang tema sa taong ito, "Akoy Magbabalik Hatid koy Pagbabago,  I Will Return I Will bring Change. ".
 Mabuhay po ang lahat ng OFW sa buong mundo. Maraming Salamat.

Thursday, June 2, 2011

Kalayaan Noon... RH Bill Ngayon






Ilang araw na lang at gugunitain na ng sambayanang Pilipino ang pagdiriwang ng ika -113 taon ng araw ng kalayaan ng Pilipinas.  Sa araw na ito inililipad tayo sa nakaraan upang magbalik tanaw sa  napakahalagang pangyayari sa kasaysayan na naganap sa ating bansa,ang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas at  kasabay ng pagtugtog ng pambansang awit sa Kawit, Cavite bilang simbolo ng pagsilang ng kasarinlan ng bansang Pilipinas. Sa pagbabalik sa  mga pahina ng nakalipas, ipinamalas ng mga magigiting na pilipino ang  kanilang katapangan upang sumilay ang liwanag buhat sa madilim na kinasadlakan ng kalunos-lunos na bayan ni Juan dela Cruz. Ang pagsasariwa sa kagitingan ng mga pilipinong nakipaglaban ay nagbibigay sa atin ng lakas at determinasyon upang magkaisa at manguna sa anumang hamon na hinaharap natin sa kasalukuyan at maging sa mga darating pang panahon.Maging inspirasyon ang pagsasakripisyo ng ating mga ninuno upang palakasin ang Republika ng Pilipinas na pangunahing  sandigan na kumikilala at nagbibigay ng  pagpapahalaga sa dignidad ng bawat pilipino, lalong-lalo na sa usaping pampamilya, na siyang pundasyon  at pinakamahalagang salik ng ating lipunan.

Ngayon ang bansa ay humaharap sa sa isang malaking hamon na kung hindi magkakaisa ay maaring pagmulan ng pagkakawatak-watak ng sambayang pilipino. Pinag-uusapan ang pagsasabatas sa isang panukala, ang Reproductive Health  And Population and Development Act o mas kilala bilang RH Bill. Layunin ng panukalang ito na palawigin ang pangkalahatang paggamit ng iba’t ibang uri ng reproductive health care services kasama na ang artificial use of contraceptives. May apat na kadahilanan kung bakit itinutulak ang pagpapasabatas nito, una sagot  sa lumulobong populasyon na  dahilan ng kahirapan, pangalawa, upang maging ligtas ang bilang ng mga namamatay sa pagbubuntis, ikatlo, limitahan ang mga kabataang maagang nabubuntis, at panghuli para makaiwas sa pagkalat ng HIV at STD sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga condoms at uri ng contraceptives.








Bilang isa sa mga pro-life advocates, mariin kong tinututulan ang panukalang ito at ibahagi ang mga dahilan kung bakit ako ay nakikiisa sa panig ng simbahan at ibat ibang religious sectors na kontra rito. Una, hindi ang populasyon ang dahilan kung bakit patuloy tayong nakararanas ng kahirapan, kundi ang malawakang kurakutan at paglustay ng pondo ang siyang dahilan upang patuloy tayong mabaon sa hirap.Maglalaan ang gobyerno ng 3 bilyong piso upang ipambili ng ibat ibang contraceptives tulad ng condoms at mga kagamitan upang mapigilan ang pabubuntis ng isang ina. Saan manggaling yang pondong iyan?  sa pera ng taong bayan. Lulustayin ng pamahalaan ang pera ng taong bayan sa pamamagitan lamang ng pagbibili ng mga contraceptives. Kung yang 3 bilyon na yan ay ilalaan na lamang ng pamahalaan sa ibang proyekto na lubhang mahalaga tulad ng pagbibigay trabaho, pagpapagawa ng mga paaralan at libreng edukasyon, o pagpapatayo ng mga tirahan para sa mga nasa squatters area ay tunay na mapapakinabangan pa ng sambayanang pilipino. Malaking bentahe ang paglaki ng populasyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas, kaya ang dapat pigilin ay ang korupsyon hindi ang populasyon. Pangalawa, mas delikado ang paggamit ng mga contraceptives measures dahil may abortifacient effect ito na makapipinsala sa buhay at kalusugan ng nagbubuntis maging sa kanyang supling. Bakit hindi na lang ilaan ang pondo sa pagpapataas ng sahod ng mga duktor at nars at hindi ang pagtrato sa mga nabubuntis bilang sakit na dapat iwasan. Pangatlo, ang RH bill daw ay layunin upang limitahan ang maagang pagbubutis ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtuturo ng sex education sa paaralan. Lalong nakakabahala ang ganitong pamamaraan sapagkat lalong darami ang bilang ng mga kabataan na mabubuntis kapag naipatupad ito. Sa panukala, nakasaad na sisimulan ang pagtuturo sa Grade 5 tungkol sa sex education. Bakit hindi na lang ibigay sa mga magulang ang responsibilidad sa paggabay sa kanilang anak tungkol sa usaping ito. Mahalaga na ang pamahalaan ay magsagawa ng mga programa na tutulong sa mga magulang at kanilang mga anak sa pagpapahalaga sa buhay at pamilya.
Ikaapat, layunin ng RH bill na magpakalat ng condoms para maiwasan ang STD at HIV. Makasisiguro ba tayo na sa pamamagitan ng pagbibigay ng condoms maiiwasan ang mga sakit na nabanggit na ito? Malamang hindi rin. Bakit hindi na lang magsagawa ng programa ang pamahalaan   na magbibigay mpormasyon upang maturuan ang mga kabataan sa pre marital sex at isulong ang katapatan ng mag-asawa.


Isang bansa, ngayo’y nahahati  dahil sa usaping may kinalaman sa buhay at dignidad ng bawat pilipino. Kung noon ang mga ninuno natin ay nagsama-sama, nagkaisa at nagbuwis ng buhay  para makamtan ang kalayaang matagal nang ipinagkait ng mga dayuhang yumurak sa ating lahi. Ngayon kakaibang laban naman ang ating hinaharap, At ang labang ito ay mas matindi pa kung ihahalintulad natin noon, sapagkat  kapwa pilipino ngayon ang siyang ating kalaban. Mga pilipinong hindi kumikilala sa kahalagahan ng buhay at dignidad ng bawat pamilyang pilipino.


Friday, May 6, 2011

Sa iyo Ina Salamat....


Noong una  hindi ko nabibigyan ng pansin ang bawat sakripisyong ginagawa ng aking ina sa aming  magkakapatid. Para sa akin kasi wala kaming dapat isukli sa kanya dahil hindi naman naming ginusto na maging isa sa kanyang mga anak. Ang paniniwala ko na ang pag-aalaga at paggabay ay obligasyon ng bawat ina at hindi dapat isumbat sa kanyang mga anak.Ngunit  ang nakikita ko pala na pag-aaruga at paggabay  ay malayo sa kung ano ang tunay na na nasasa-loob at damdamin ng isang ina.

Noong ako ay nasa pinas pa, at nagsisilbi bilang tagapamahala sa mga kabataan doon sa pinakahuli kong parokyang pinaglingkuran nang mahigit na dalawang taon, may isang inang lumapit sa akin at nagbahagi ng kanyang problema sa kanyang anak. Nilapitan niya ako upang humingi ng mga bagay na dapat niyang gawin tungkol sa problema nilang mag ina. Hindi ako nakapagsalita at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa mga sandaling iyon sapagkat kailanman ay hindi ko pa naranasan kung paano maging isang magulang. Nakinig na lamang ako sa kanya at pagkatapos  ako’y nagwika na anuman ang maririnig niya buhat sa akin ay mula sa aking karanasan bilang isang anak.

Naalala ko tuloy ang aking ina. Kung nadala ako sa bigat na nararamdaman ng taong lumapit sa akin, ano pa kaya sa sarili kong ina?  Paaano kaya tinitiis ng aking ina ang hapdi ng mga  latay dulot ng pagiging sakit ng ulo naming magkakapatid. Sa bawat pagsagot nang pabalang at pagbabalewala sa mga pangaral, mistulang pinuputol namin ang taling nag uugnay sa pagitan  ng aming ina.

Maaaring may mga taong hindi naging mabuting anak, ngunit walang ina na hindi naging mabuti para sa kanilang mga anak at sa puntong yan alam ko hindi na dapat pagtalunan pa. Sa araw ng mga ina, marapat lamang na mahalin at pasalamatan natin ang ating mga ina na siyang dahilan kung bakit tayo  narito ngayon. Sa aking ina, hindi  ko man naipakita o nasabi man lamang sa inyo na mahal ko kayo ngunit alam ko  na alam nyo na kayo ang pinakamahalagang tao sa akin.


Wednesday, April 20, 2011

Ganito ka ba Magmahal?

Paano nga ba masusukat ang kahulugan ng salitang PAG- IBIG ?  Sinasabing ang sukatan ng pagibig ay ang pag ibig na walang sukat. Masyadong malalim wika nga ng iba, kung kayat marahil ang iba ay naliligaw at nagkakaroon ng pagkalito na nagiging dahilan ng pagkabigo ng nakararami sa atin.

Sa maraming taon na pagtuturo at pakikipagsalamuha sa mga kabataan, kapag ito ang naging paksa ng usapan, nakikita ko sa kanilang mata ang ibat ibang reaksyon. Ang iba ay nakikinig lamang at hindi nagbibigay ng opinyon sa usapan pero ramdam ko na lumilipad ang kanilang diwa at pilit na pinag-iisipan ang mga pagbabahagi ng iba. May mga kabataan na masyadong aktibong nakikipagpalitan ng kuro-kuro at opinyon marahil dahil na rin sa kanilang mga karanasan.Sa huli, pagsasama-samahin ko ang kanilang mga pagbabahagi at pipiliting maiguhit  sa kanilang isipan ang tunay na mukha ng PAG-IBIG.
Tulad ng mga nakagawian, sa kalagitnaan ng usapan, ipakikita ko sa kanila ang isang krusipiho at itatanong sa kanila,  Ganito ka ba Magmahal ?

                                                
 Walang-pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan…


Kapag nagmahal ka hindi dapat maging basehan lamang ang damdamin. Sapagkat ang damdamin ay nagbabago. Kung titignan natin, tinuruan tayo ni Hesus kung paano magmahal sa pamamagitan ng pag-aalay nya ng Kanyang sarili sa krus doon sa bundok ng kalbaryo.Hindi Siya nagmahal na ang naging batayan lamang ay ang kanyang pakiramdam bagkus ito’y buong pagkatao Niyang ibinigay at ipinakita sa atin.

Bilang paggunita sa mahal na araw, nawa’y taimtim tayong magnilay-nilay at makatulong ang video na ito na mapapanood sa baba upang makita natin ang tunay na kahulugan ng salitang PAG-IBIG…






Tuesday, April 19, 2011

I support PEBA...


Ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa Pinoy Ekspats/OFW Blog Awards ( PEBA) kung hindi ko pa nakausap ang  isang kaibigan na tulad ko parehas rin na narito sa Kuwait, ( Animus, last year winner sa PEBA awards ) hindi ko alam na mayroon palang nagpapahalaga at kumikilala sa galing at husay ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa kung ang pag uusapan ay tungkol sa mundo ng blogging.

Isang pagpupugay at kahangang - hangang pagkilos para sa mga taong nakapag-isip, sama samang nagbuo upang maitaguyod ang PEBA. Ito ay nagsilbing tulay upang  sama-samang makatawid ang mga pilipinong nasa iba't ibang panig ng mundo gamit ang kanilang panulat para  maihatid ang kanilang tunay na saloobin. Magkaiba man ng paniniwala o paraan ng pagpapahayag ang maging tema ng kanilang panulat, ang mahalaga ay ang kalayaang maisatinig anuman ang kanilang nais maiparating.

Kung paanong ang isang salita ay nagiging pangungusap at ang pinagsama-samang pangungusap ay nagiging isang talata o kuwento na nakabubuo  ng isang paksang maaaring mag iwan ng aral sa mga mambabasa, ang PEBA ay  naging isang tambayan ,at di kalaunay naging isang tahanan ng mga mangagawang Pilipino na sama-samang inihahatid sa pamamagitan ng  panulat ang kalagayan, karananasan  at pakikipagsapalaran bilang mga Overseas Filipino Workers.

Sa taong ito, na may temang “ Akoy Magbabalik, Hatid ko'y Pagbabago. I Will Return, I Will bring Change", sama-sama nating suportahan ang PEBA.


Friday, March 18, 2011

Kabayan Alis na ako,Salamat....

 Kabayan magkano palit ngayon? Bibili kasi ako ng peso, tanong ng isang kababayan sa akin.

 Hind ko pa man nasisilayan kung sino ang pinanggagalingan ng tinig  na iyon ngunit sa loob-loob ko may halong inggit sapagkat buti pa si kabayan makakapag bakasyon na samantalang ako halos tatlong taon na ako rito ngunit ni  minsan hindi  ko pa nagawang makauwi at makasama lamang kahit sandali ang aking pamilya.

Iniangat ko ang aking mukha at pagkakita sa taong nasa harapan, isang babaeng halos kasing edad palang ata ng aking kapatid na babae. Bakas sa mukha ang bigat na dinadala at walang ngiti na sumisilay sa kanyang labi.

Sa aking pagtataka hindi ko namalayan na ang maikling pagtatanong ay napunta sa isang mahaba-habang usapan..

Kabayan kailan ba uwi mo?  saan ka ba sa  Pinas?

Bukas na uwi ko kabayan, taga Cavite ako, ang sambit ng babae sa akin

Ha ganoon ba, buti naman makakauwi ka na di ka ba masaya at makikita mo na ang pamilya mo?

Tinitigan ako ni kabayan at nagsimula ng tumulo ang luha sa kanyang mga mata, binigyan ko sya ng tissue paper para punasan niya ang luhang dumadaloy sa kanya, lalo tuloy ako na guilty sana  hindi na lang ako nagtanong.

Kabayan sa totoo lang ayaw ko pa umuwi, kailangan pa ako ng pamilya ko, lima ang anak ko, ang mister ko naman matagal na kaming hiwalay kaya nga ako nandito dahil ako na lang ang bumubuhay sa mga anak ko,” ang lumuluhang wika ni kabayan

Iyon naman pala kabayan, bakit tapos na ba kontrata mo sa amo at ayaw ka na nya i - renew?” ang tanong ko.

Kabayan pinauwi ako ng amo ko para magpagamot, may tumubo kasing bukol sa aking ulo.

Sa aking narinig, bigla akong natigilan. Lalo akong nakadama ng habag sa taong kausap ko. Sa pagkakataong iyon napansin ko ang kanyang mukha  na halos namamaga at pati ang kanang mata ay di na maidilat. Marahil sanhi iyon ng bukol na tumubo sa kanyang ulo. Halos wala na akong masambit di ko namalayan na nadadala na rin ako ng emosyon ko.  

Natatakot ako kabayan kasi di ko talaga alam ang totoong sakit ko, kahapon nga naghulog rito ang amo ko pinadala sa account  ko pampagamot ko raw, kulang-kulang din ng isandaang libo ung nilagay doon, ang pahabol na tugon ni kabayan.

Hindi na talaga ako nakakibo. Wala ng tinig na lumalabas sa aking bibig. Awang-awa ako sa babaeng ito. Halos madurog ang puso ko sa sobrang awa at simpatiya sa kanya.

Bigla nya akong hinawakan sa aking kamay, kabayan pagdasal mo sana ako, alam mo kaya kong tiisin ang sakit na nararanasan ko ngayon , ngunit hndi ko kaya na makita ang aking mga anak na mamatay na lamang sa gutom. Kaya nga ayaw ko umuwi pa ng pinas, dahil sila ang inaalala ko…

 Sa pagkakataong iyon nagsimula na ring mag unahan ang luha sa aking mata. Napayuko ako upang hindi nya mapansin ngunit bigla siya nagsalita…

Sige kabayan alis na ako, asahan ko ang dasal mo. Salamat ulit ah.

Hindi na ako nakasagot. Nanatili ako nakatingin sa kanya papalayo.  Kahit wala na sa paningin ko ang babaeng ito, at kahit alam ko na hindi ko na alam kung ano ang mangyayari sa kanya kapag nakauwi na siya ng pinas, isang bagay ang hindi ko maaaring ikaila na  sa isang simpleng usapan nakapag iwan sya ng kurot sa aking damdamin.








Friday, March 11, 2011

Dapit-hapon

Sa pagsapit ng dapit-hapon,akoy nagmamadaling tumakbo patungo sa dalampasigan  upang saksihan ang papalubog na araw. Tinatanaw ng aking mga mata ang magandang palabas kung saan kitang-kita ko sa kabuuan ang unting- unting paglubog nito, ang pagyakap ng araw sa lupa. Bakas sa aking mukha ang kasiyahan at kung puwede nga lang hagkan ang haring araw at sumabay sa kanya upang hindi na matigil ang ngiting sumisilay sa aking labi. Habang pinagmamasdan, nakikisabay ang malamyos na ihip ng hangin na pumapasok sa kaibuturan ng aking katawan na lalong nagpatindi ng aking kamanghaan. Itinaas  ko ang aking mga kamay, ipinikit ang mga mata at sinimulang magtampisaw  upang makiisa sa sayaw ng alon ng dagat. Gusto kong sumigaw at  kung maaari lamang ay angkinin ang mundo kahit panandalian lamang.Sa pagdilat ng aking paningin, wala na ang araw, napabuntung- hininga na lamang ako sapagkat natapos na ang kagila-gilalas na palabas.Tuluyan nang nilamon ng dilim ang buong kapaligiran. Wala ng liwanag, katahimikan na ang nangibabaw. Maging ang alon  ng dagat sa dalampasigan ay natahimik, biglang huminto at waring nakiramay sa paglubog ng haring araw.









Magdadapit-hapon na naman, kahit mahina na ang tuhod pinipilit kong ihakbang ang aking namamanhid na mga  paa patungo sa dalampasigan upang masilayan sa huling pagkakataon ang papalubog na araw. Di ko man maaninag  dahil sa panlalabo ng aking mga paningin,ngunit may kurot sa damdamin habang pinapanood ang unti-unting pagyakap ng araw sa lupa. Tulad ng dati, may ngiti na sumisilay sa aking labi ngunit sa pagkakataong ito, higit pa ang kasabikang nararamdaman  dahil alam ko  matutupad na aking pangarap na makiisa sa kanya upang sabay naming yayakapin ang mundo. Itinaas ko ang nanginginig kong mga kamay, sabay pikit sa aking mga mata, muli kong nilamnam ang lamig na dulot ng aking pagtampisaw sa alon ng dagat. Gusto kong sumigaw at sabihin tapos na ang aking paghihintay, makapaglalakbay  na rin ako kasama ng araw upang  sabay na mararating ang dulo ng mundo. Sa pagsara ng aking paningin, hindi ko na makikita pang muli ang paglubog ng haring araw. Kasabay nito, tapos na rin aking palabas. Wala ng liwanag, katahimikan na ang mangingibabaw. Maging ang alon ng dagat sa baybayin ay tatahimik, hihinto at  makikikiramay sa paglubog ng araw at  sa pagkakataong ito, kasama ako.

Si Kabayan

Ang tulang ito ay pagpupugay sa mga kababayan nating OFW's tulad ko na nagtatrabaho sa ibat ibang panig ng mundo. 



Si Kabayan…
Nangingilid ang luha habang binabagtas ang daang papalayo,
Nakatanaw sa kawalan at isip ay litung-lito
Sa dibdib naroroon ang kaba at takot sa panibagong mundo
Na sisimulang harapin upang manilbihan sa lupain ng ibang tao.


Si Kabayan…
Di man kayang lisanin ang bayang pinagmulan,
Ngunit nangibabaw ang tawag ng pangangailangan
Na hindi kayang maibigay ng mga nasa katungkulan
Kung kayat sa lupang banyaga  baka doon magkaroon ng kaganapan.


Si Kabayan…
Sinuong ang landas kaakibat ang kalbaryo,
Hinakbang ang mga paang di alam kung san tutungo
Haharapin nang buong tapang makamit lang ang gusto
Kaginhawahan sa iniwang pamilyang minahal ng totoo.


Si Kabayan…
Tiniis ang hirap, pangungulila’y pilit nilabanan,
Nagpa alipin sa bansang tingin sa sarili’y panginoon
Di inalintana ang pagod at bagamat nasasaktan
Hindi na  maramdaman dahil sa manhid na  katawan.

Si Kabayan…
Sa pagsapit ng gabi, doon sa maliit na kwarto,
Maririnig ang impit na luha nang panlulumo
Sa pagbalik ng mga alala at mga yugto
Na kapiling ang malalapit sa kanyang puso.

Si Kabayan…
Nag-iisip at nagtatanong  kung hanggang kailan,
Matatapos ang pahina ng pakikipagsapalaran
Sa lupain ng mga dayuhan na kanyang kinalalagyan
Nang  mayakap  ang mga mahal sa buhay nang harapan.



Si Kabayan…
Luha ay patuloy na aagos  buhat sa ibayo
At dalangin makita ang pagsasakripisyo
Ng mga kababayang  halos lumuwa  na ng dugo
Sa halagang kailangan  para makatikim kahit konting luho.