Bakas sa mukha ng isang nilalang ang kapaguran habang
binabagtas ang daan patungo sa direksyong maging siya mismo ay hindi alam kung saan
ang patutunguhan. Tagaktak ang pawis na dumadaloy sa kanyang hapong katawan
bunga ng napakalayong paglalakbay na kanyang sinimulan. Kumakalam ang bawat bahagi ng kanyang katawang nilalamon ng
matinding pagkagutom sa kasiyahang pinagkait ng tadhana sa kanya. Makailang-ulit
na niyang sinubukang makatagpo ng maaaring makasabay sa kaniyang paglalakbay
ngunit patuloy siyang nabigo. Pakiramdam niya na siya’y pinagtakluban ng langit
dahil sa wala man lamang gustong makapisan siya sa bawat bakas na kanyang sinusuong.
Naranasan na rin naman niyang may sumabay at sa pag-aakalang sasamahan siya
hanggang sa kahuli-hulihan ngunit kapag siya’y nadarapa buhat sa mga batong nakaharang,
hinahayaan siyang nakahandusay at pitik-bulag na kumakaripas ng takbo palayo sa
kanyang kinasasadlakan. Mahaba-haba na ang kaniyang tinahak ngunit patulo’y
siyang nakatingin sa kawalang direksyon
at sa dibdib niya nangingibabaw ang kawalan
ng loob sa paghahanap ng magiging anino niya sa paglalakbay.
Naisipan niyang sumilong sa lilim ng isang puno, at habang
nakaupo ibinuhos niya ang kanyang sama ng loob at di namalayan ang pagdaloy ng masaganang luha sa kanyang mata. Pilit
niyang ikubli ito ngunit sumisigaw ang hapdi ng sugat na lumalatay sa kanyang
damdamin. Habang pumapatak ang mga mistulang hiyas na nag uunahang wumagayway
sa kanyang mga mata, napansin niya ang isang tungkod sa gitna ng daan. Kinuha
niya iyon at pinagmasdan. Katulad niya, ang tungkod na ito ay hindi pinapansin
ng mga taong dumaraan. Isang tungkod na sa paningin ng iba ay walang silbi kung
kaya’t hinahayaan na nakatiwangwang sa gitna ng daan.
Bigla niyang naisipang bitbitin ang tungkod na iyon. May
makakasama na siya sa kanyang paglalakbay. Isang tungkod na magiging sandata
niya sa mga batong nakaharang at sa mga lubak na lupa na nag-aabang sa kanyang
lalandasin. Ang tungkod na bagama't luma
na dahil sa tagal ng panahon na pinabayaan ay magiging kanyang lakas panlaban
sa kanyang pagkahapo. Tutulungan siya ng tungkod sa sandaling siya’y madapa
upang bumangon mula sa pagkakalugmok sa lupa. Tungkod ang kanyang magiging panangga sa anumang banta ng panahon.
Ituturo nito sa kanya kung paano kumapit nang may katapangan upang di makabitaw
sanhi ng pagkasilaw sa sinag ng araw at maging sa paghampas nang malalakas na bagyo.
Ang nilalang na ito
ay malaya nang makapaglalakbay. Walang takot na susunguin ang landas kahit abutin man ng kadiliman. Wala ng pangambang maramdaman sa paglukob ng gabi. Sa bawat taong
kanyang masasalubong sa kanyang landas na tinatahak, nais niyang makitang sila’y
may mga kasamang naglalakbay at kung
mag-isa man, umaasa siya na tulad niya, ito ay may bitbit ring TUNGKOD.
poklong sobrang ganda .............inspiring talaga!.
ReplyDeletesalamat anciro sna makakita ka na ng tungkod na pdeng umalalay sa u... sana SYA NA UN. ( ALAM MO NA SINO YUN HAHAHA)
ReplyDeletemalalim,pero ang ganda ng pahiwatig!
ReplyDelete