Si Kuya Poklong












Isinilang ako sa Tundo ilang dekada na rin ang nakararaan. Lumaki ako sa panahong di pa uso ang computer, wala pang cellphone,wala pang mga video games or mga arcades na nakikita sa mall. Usong -uso pa noon ang game and watch na inaarkila namin noong mga bata pa kami. Kapag may game and watch ka kinaiingitan ka ng mga kalaro mo. Hindi kasi lahat maka afford na makabili noong mga panahong iyon. Napakababaw ng kaligayahan ng mga batang isinilang at lumaki noong dekada 70, makapaglaro ka lamang ng luksong baka, patintero at tumbang preso kumpleto na ang araw ng isang batang tulad ko. Naabutan ko rin ang golden age ng komiks kung saan doon unang nakilala sina kenkoy, pedro penduko, inday sa balitaw, darna, captain barbel , agua bendita at napakarami pang iba. Talagang ibang iba ang kinamulatan ko sa modernong panahon ngayon.

Malaki ang naging impluwensya sa akin ng mga paring salesyano ng Don Bosco sa Tundo, Sila ang humubog at nagpanday sa akin bilang tagapaglingkod sa simbahan lalo na sa mga kabataan. Doon ko nakita ang aking kakayahan at abilidad lalo na sa larangan ng teatro na malaking naimbag sa mga paaralang minsan ko na ring napagsilbihan. Ang aking alma mater ang Tondo High School, Rizal Elementary School, T. Paez High School, at Manila Cathedral School ay ilan lamang sa mga paaralang nagkaroon ako ng pagkakataong makapagturo ng sabayang bigkasan, choral interpretation, song and dance interpretation at marami pang iba na may kinalaman sa sining at teatro.

Ang Don Bosco Youth Center ang siyang nagpa-alab ng aking damdamin upang ibuhos ang panahon ko sa simbahan lalo na sa mga kabataan. Pinalalim nito ang aking mga karanasan noong ako ay pumasok sa Mother Francisca Formation Institute for Religion Teachers and Catechists sa Siena College. Ang mga karanasan ko sa Mt. Province , sa ating mga kababayang igorot at sa mga aetas ng Porac Pampanga ang lalong nagpatibay sa akin bilang isang katekista. Naging kaisa ako ng Archdiocese ng Manila sa pagtuturo ng catechetics sa bawat publikong paaralan. Ang parokya ng Sta. Monica sa Dagupan, Tundo, San Jose Manggagawa at San Jose de Trozo sa Sta. Cruz Manila kung saan ako ay nagsilbi bilang youth moderator at in- charge sa social service ng Caritas Manila ay ilan lamang sa mga parokyang aking pinaglingkuran.

Panahon ay lumilipas, ang kahapon ay hindi na maaaring ibalik ngunit ang mga bakas nito ay patuloy na buhay sa aking isipan. Dahil sa pansariling paglago at personal na pangangailangan , ako ngayon ay kabilang sa milyun-milyong expats na nagtatrabaho sa ibat’ ibang panig ng mundo. Panibagong pakikibaka at hamon ang ngayong aking hinaharap ngunit dahil sa mga karanasan ko alam kong ito’y aking mapagtatagumpayan. Mahirap mamuhay sa ibang bayan lalo na rito sa gitnang silangan ngunit nagsisilbing lakas at inspirasyon ko ay ang aking pamilya at ang mga kabataan na minsan ko na ring nakasama . Malaki ang naitulong ng internet sa mga kapwa ko expats sapagkat nagbigay tulay ito sa mabilisang pakikipag komunikasyon sa ating mga mahal sa buhay at kaibigan na nasa pinas at maging sa labas ng bansa.

Sa mundo ng internet nakilala ang mga bagong kaibigan, ang bumubuo ng Sikat Chat Rum, ito'y naging daan upang maipagpatuloy ang pagsisilbi sa mga kabataan ang makinig sa kanilang mga karanasan at at maibahagi anuman ang aking nalalaman sa paraang makatutulong sa kanila. Dito ko rin nakilala ang maituturing kong tunay na kaibigan at inspirasyon upang ipagpatuloy ang anumang pakikibaka ko sa buhay. Sa lahat ng mga taong naging kabahagi, Isang taus-pusong pasasalamat sa inyong lahat...