Friday, May 6, 2011

Sa iyo Ina Salamat....


Noong una  hindi ko nabibigyan ng pansin ang bawat sakripisyong ginagawa ng aking ina sa aming  magkakapatid. Para sa akin kasi wala kaming dapat isukli sa kanya dahil hindi naman naming ginusto na maging isa sa kanyang mga anak. Ang paniniwala ko na ang pag-aalaga at paggabay ay obligasyon ng bawat ina at hindi dapat isumbat sa kanyang mga anak.Ngunit  ang nakikita ko pala na pag-aaruga at paggabay  ay malayo sa kung ano ang tunay na na nasasa-loob at damdamin ng isang ina.

Noong ako ay nasa pinas pa, at nagsisilbi bilang tagapamahala sa mga kabataan doon sa pinakahuli kong parokyang pinaglingkuran nang mahigit na dalawang taon, may isang inang lumapit sa akin at nagbahagi ng kanyang problema sa kanyang anak. Nilapitan niya ako upang humingi ng mga bagay na dapat niyang gawin tungkol sa problema nilang mag ina. Hindi ako nakapagsalita at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa mga sandaling iyon sapagkat kailanman ay hindi ko pa naranasan kung paano maging isang magulang. Nakinig na lamang ako sa kanya at pagkatapos  ako’y nagwika na anuman ang maririnig niya buhat sa akin ay mula sa aking karanasan bilang isang anak.

Naalala ko tuloy ang aking ina. Kung nadala ako sa bigat na nararamdaman ng taong lumapit sa akin, ano pa kaya sa sarili kong ina?  Paaano kaya tinitiis ng aking ina ang hapdi ng mga  latay dulot ng pagiging sakit ng ulo naming magkakapatid. Sa bawat pagsagot nang pabalang at pagbabalewala sa mga pangaral, mistulang pinuputol namin ang taling nag uugnay sa pagitan  ng aming ina.

Maaaring may mga taong hindi naging mabuting anak, ngunit walang ina na hindi naging mabuti para sa kanilang mga anak at sa puntong yan alam ko hindi na dapat pagtalunan pa. Sa araw ng mga ina, marapat lamang na mahalin at pasalamatan natin ang ating mga ina na siyang dahilan kung bakit tayo  narito ngayon. Sa aking ina, hindi  ko man naipakita o nasabi man lamang sa inyo na mahal ko kayo ngunit alam ko  na alam nyo na kayo ang pinakamahalagang tao sa akin.


No comments:

Post a Comment