Ilang araw na lang at gugunitain na ng sambayanang Pilipino ang pagdiriwang ng ika -113 taon ng araw ng kalayaan ng Pilipinas. Sa araw na ito inililipad tayo sa nakaraan upang magbalik tanaw sa napakahalagang pangyayari sa kasaysayan na naganap sa ating bansa,ang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas at kasabay ng pagtugtog ng pambansang awit sa Kawit, Cavite bilang simbolo ng pagsilang ng kasarinlan ng bansang Pilipinas. Sa pagbabalik sa mga pahina ng nakalipas, ipinamalas ng mga magigiting na pilipino ang kanilang katapangan upang sumilay ang liwanag buhat sa madilim na kinasadlakan ng kalunos-lunos na bayan ni Juan dela Cruz. Ang pagsasariwa sa kagitingan ng mga pilipinong nakipaglaban ay nagbibigay sa atin ng lakas at determinasyon upang magkaisa at manguna sa anumang hamon na hinaharap natin sa kasalukuyan at maging sa mga darating pang panahon.Maging inspirasyon ang pagsasakripisyo ng ating mga ninuno upang palakasin ang Republika ng Pilipinas na pangunahing sandigan na kumikilala at nagbibigay ng pagpapahalaga sa dignidad ng bawat pilipino, lalong-lalo na sa usaping pampamilya, na siyang pundasyon at pinakamahalagang salik ng ating lipunan.
Ngayon ang bansa ay humaharap sa sa isang malaking hamon na kung hindi magkakaisa ay maaring pagmulan ng pagkakawatak-watak ng sambayang pilipino. Pinag-uusapan ang pagsasabatas sa isang panukala, ang Reproductive Health And Population and Development Act o mas kilala bilang RH Bill. Layunin ng panukalang ito na palawigin ang pangkalahatang paggamit ng iba’t ibang uri ng reproductive health care services kasama na ang artificial use of contraceptives. May apat na kadahilanan kung bakit itinutulak ang pagpapasabatas nito, una sagot sa lumulobong populasyon na dahilan ng kahirapan, pangalawa, upang maging ligtas ang bilang ng mga namamatay sa pagbubuntis, ikatlo, limitahan ang mga kabataang maagang nabubuntis, at panghuli para makaiwas sa pagkalat ng HIV at STD sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga condoms at uri ng contraceptives.
Bilang isa sa mga pro-life advocates, mariin kong tinututulan ang panukalang ito at ibahagi ang mga dahilan kung bakit ako ay nakikiisa sa panig ng simbahan at ibat ibang religious sectors na kontra rito. Una, hindi ang populasyon ang dahilan kung bakit patuloy tayong nakararanas ng kahirapan, kundi ang malawakang kurakutan at paglustay ng pondo ang siyang dahilan upang patuloy tayong mabaon sa hirap.Maglalaan ang gobyerno ng 3 bilyong piso upang ipambili ng ibat ibang contraceptives tulad ng condoms at mga kagamitan upang mapigilan ang pabubuntis ng isang ina. Saan manggaling yang pondong iyan? sa pera ng taong bayan. Lulustayin ng pamahalaan ang pera ng taong bayan sa pamamagitan lamang ng pagbibili ng mga contraceptives. Kung yang 3 bilyon na yan ay ilalaan na lamang ng pamahalaan sa ibang proyekto na lubhang mahalaga tulad ng pagbibigay trabaho, pagpapagawa ng mga paaralan at libreng edukasyon, o pagpapatayo ng mga tirahan para sa mga nasa squatters area ay tunay na mapapakinabangan pa ng sambayanang pilipino. Malaking bentahe ang paglaki ng populasyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas, kaya ang dapat pigilin ay ang korupsyon hindi ang populasyon. Pangalawa, mas delikado ang paggamit ng mga contraceptives measures dahil may abortifacient effect ito na makapipinsala sa buhay at kalusugan ng nagbubuntis maging sa kanyang supling. Bakit hindi na lang ilaan ang pondo sa pagpapataas ng sahod ng mga duktor at nars at hindi ang pagtrato sa mga nabubuntis bilang sakit na dapat iwasan. Pangatlo, ang RH bill daw ay layunin upang limitahan ang maagang pagbubutis ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtuturo ng sex education sa paaralan. Lalong nakakabahala ang ganitong pamamaraan sapagkat lalong darami ang bilang ng mga kabataan na mabubuntis kapag naipatupad ito. Sa panukala, nakasaad na sisimulan ang pagtuturo sa Grade 5 tungkol sa sex education. Bakit hindi na lang ibigay sa mga magulang ang responsibilidad sa paggabay sa kanilang anak tungkol sa usaping ito. Mahalaga na ang pamahalaan ay magsagawa ng mga programa na tutulong sa mga magulang at kanilang mga anak sa pagpapahalaga sa buhay at pamilya.
Ikaapat, layunin ng RH bill na magpakalat ng condoms para maiwasan ang STD at HIV. Makasisiguro ba tayo na sa pamamagitan ng pagbibigay ng condoms maiiwasan ang mga sakit na nabanggit na ito? Malamang hindi rin. Bakit hindi na lang magsagawa ng programa ang pamahalaan na magbibigay mpormasyon upang maturuan ang mga kabataan sa pre marital sex at isulong ang katapatan ng mag-asawa.
Isang bansa, ngayo’y nahahati dahil sa usaping may kinalaman sa buhay at dignidad ng bawat pilipino. Kung noon ang mga ninuno natin ay nagsama-sama, nagkaisa at nagbuwis ng buhay para makamtan ang kalayaang matagal nang ipinagkait ng mga dayuhang yumurak sa ating lahi. Ngayon kakaibang laban naman ang ating hinaharap, At ang labang ito ay mas matindi pa kung ihahalintulad natin noon, sapagkat kapwa pilipino ngayon ang siyang ating kalaban. Mga pilipinong hindi kumikilala sa kahalagahan ng buhay at dignidad ng bawat pamilyang pilipino.
AllBlogToolsFacebook comments for blogger brought to you by AllBlogTools.com , Get Yours?
No comments:
Post a Comment