Friday, June 24, 2011

Kadama


Kadama...katawagan sa mga katulong na nagtatatrabaho rito sa bansang Kuwait. Magkahalo ang emosyon ang aking nararamdaman kapag may nakakahalubilo ako na mga kababayan nating kadama rito sa Kuwait. Di ko alam kung maaawa ako o hahangaan sila dahil sa sakripisyo na kanilang pinagdadaanan. Sa araw-araw na paghahanap-buhay, ibat' ibang kadama ang aking nakasasalamuha hindi lang mga kapwa natin kababayan  maging ibang lahi na rin. Sa bawat pagpapadala nila ng pera sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas, ang iba sa knila ay nagkukuwento ng kanilang mga hinanaing sa buhay. At minsan madadala ka sa mga karanasang kanilang pinagdadaanan.Hindi  ko tuloy maiwasan na makapag –isip kung nararamdaman  ba ng pamilya nila ang paghihirap at sakripisyo ng mga kababayan nating ito. Nakikita ba ng mga anak ang pawis na puhunan upang  maibigay lang ang luho at kanilang pangangailangan.

Karamihan sa kanila ay hindi man lamang makalabas ng bahay dahil sa takot ng amo na sila ay takasan. Masuwerte na  kapag binigyan sila ng isang day off. Ang iba nga ay hindi binibigyan ng pagkakataon na makatawag sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Malungkot man isipin ngunit yan ang katotohanan. Minsan nga nakikisuyo pa ang mga kababayan natin sa akin para maging tulay upang makarating ang mensahe para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Isang nakatawag pansin sa akin ang mga  kadama na  may edad na. Kung tutuusin dapat ang mga kababayan nating ito ay nasa pinas na at nilalasap na lang ang mga natitirang araw sa kanilang buhay. Ngunit nananatili pa rin  dito at kung anong kadahilanan ay talagang hindi ko maintindihan. Sinasambit ko sa aking sarili kung bakit hinahayaan na lamang ng mga kaanak nito na siya'y patuloy na manilbihan sa kabila ng kanyang katandaan.Minsan sa pakikipag-usap sa isa sa kanila, ayaw pa raw niya umuwi kasi pinag-aaral pa raw niya ang kaniyang apo.Kahit ugod-ugod na kailangan niya pang kumayod hanggat may natitirang lakas di raw sya titigil para sa kanyang mahal sa buhay.

Kakaibang sakripisyo pero hanggang kailan matatapos ito?  Hihintayin pa ba  na hindi na makalakad at lumabo na ang mga paningin ng ating mga kababayan para sapilitang makauwi sa Pilipinas. Sa puntong iyan, marahil sana makita at maramdaman ng mga kaanak ang kahalagahan nila  kaysa sa perang pinapadala. Marapat din na bigyang pansin ng ating pamahalaan ang isyung ito. Sa Pilipinas nga lang kapag umabot na sa 60 edad pinagreretiro na, bakit di gawin ng gobyerno ito para sa mga may edad na OFW.  Kawalan ba sa dagdag na kita sa kaban ng pinas kaya hinahayaan na lamang ng ating pamahalaan ang bagay na ito?  Kayo na ang humusga.






3 comments:

  1. So sad for ofws, alot of sacrifices.
    Im worried now to myself too.

    ReplyDelete
  2. tama ka kuya poks...

    actually, lahat naman tayong mga OFW ay ganyan ang sitwasyon... pero... mas mahirap ang sitwasyon nilang mga KADAMA or D.H.
    they are the so called SLAVES OF OUR GENERATION...
    sad to say pero yan ang talagang lagay nila eh...

    there and then, BILIB PA DIN AKO SA KANILA...

    ReplyDelete
  3. What a sad story :( Didn't know that's what they were called over there :( I'm learning so much by reading OFW blogs. I am moved, touched, saddened, and challenged at the same time. I'm going to add your blog to my blogroll so that I can keep up with your stories. Thanks for sharing talaga.

    Jaz
    http://filkada.com

    ReplyDelete