Friday, June 17, 2011

Ang Tsinelas

Ang akdang ito ay sinulat bilang pagpaparangal sa ating mga ama.






Bitbit ang tsinelas habang nakadungaw sa maliit na bintana ang isang batang paslit. Tinatanaw niya ang bawat mga taong dumaraan sa maliit na iskinita na kinatitirikan ng kanilang bahay. Palinga-linga at waring nananabik sa pagdating ng isang taong napakahalaga sa kanya. Sa di kalayuan, isang anino ang nakatawag pansin dali-dali siyang tumakbo patungo sa pintuan ng kanilang bahay. Inilagay ang isang maliit na silya at tumayo malapit sa pintuan upang salubungin ang kanyang ama.Pagbungad ng kanyang ama sa pintuan, lumundag ang batang paslit sa tuwa at gaya ng nakagawian  itoy nagmano  tanda ng paggalang.Umupo ang ama doon sa silya upang hubarin  ng anak ang  kanyang sapatos at isuot ang kanyang tsinelas. Habang isinusuot  ang tsinelas pinagmasdan ng ama  ang kanyang anak, hinaplos nya ang ulo nito at kahit pagod galing sa paghahanap-buhay, ang makita ang anak ay sapat na upang maibsan ang kanyang pagkahapo.

Lumipas ang mga panahon ang bata ay lumaki at nagsimulang magtaguyod ng kanyang sariling buhay. Kinailangan niyang dumaan  at harapin ang hamon ng panahon. Ngunit ang ama ay nanatili sa kanya at ginabayan siya upang di maligaw sa mapalinlang na mundo.Nakalimutan man ng anak ang tungkol sa tsinelas noong siya ay bata pa lamang ngunit sa diwa ng ama, ito’y buhay na buhay sa kanyang isipan.

Sa isang maliit na bintana na dati rati palagi ang anak ang nakadungaw doon, ngayon ang ama na ang pumalit at naghihintay sa pagbabalik ng kanyang anak. Ang mapawalay ang anak ang isa sa pinakamalungkot na yugto sa buhay ng isang ama. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot at ang kasabikang makita muli ang kanyang anak na lumisan upang makipagsapalaran sa ibang lupain. Habang nakatanaw sa malayo, bitbit ng ama ang tsinelas ng kanyang anak na kanyang itinago sa matagal na panahon. Niyakap niya ang tsinelas upang damhin ang pangungulilala sa kanyang anak. Sinimulan niyang sariwain ang alaala nito simula noong ito ay sanggol pa lamang hanggang sa ito ay magkamulat. Habang yakap –yakap ang tsinelas, nangarap ang ama na sa sandaling dumating ang kanyang anak, siya’y tatakbo palapit sa pintuan, pauupuin ang anak, huhubarin ang sapatos at isusuot ang tsinelas na kanyang iningatan.





3 comments:

  1. isang magandang storya.

    thanks for sharing. magandang umaga.

    ReplyDelete
  2. Nice Story, Rodel! Totoo yan, sa pagtanda ng ating magulang, sila naman ang nagsisilbi sa atin... We have to be grateful for the lives of our parents, lalo na ng ating mga AMA! Happy Father's Day! =)

    ReplyDelete