Monday, October 24, 2011

Pagbaba ng Telon

Takipsilim ay nananangis, luha’y dumaloy,
Dinilig ang tuyot na lupa ng panaghoy
Sa hikbing mga matang bakas ang lumbay
At sa paglangitngit ng mga punong-kahoy
Kumakampay ang sukong mga kamay
At tiklop- luhod sa ngitngit ng nawalang malay.

Dumampi na ang hamog sa malamig na katawan,
 Nalagas na ang mga dahon sa amihan
Kumupas na ang talutot ng rosas sa hardin
Kasabay ng pagkatuyo ng tubig sa karagatan
At pagkawala ng ningning ng mga bituin
Dahil sa pagyuko ng araw sa dapithapon.

Sa pag agos ng panahon lakas ay maglalaho
Ang dating makulay na paningin ay manlalabo
Pipikit at ititiklop upang di na masilayang buo
Ang nagluluksang ulap dahil sa pagtatapos ng himno
Ng buhay at pakikipagtunggali sa delubyo
Na dulot ng mapanirang mundo.

Wala ng liwanag… wala ng takipsilim,
Kailanman di na matatakot dahil sa dilim
Tapos na ang laban sa kahon na sa iyoy pinahiram
Wala ng pighati dahil wala ng pakiramdam
Tapos na ang palabas at kailangan ng magpaalam
At ibaba ang telon ng buhay na ninamnam.


2 comments:

  1. Hi,

    I'm very interested in your photo. Where you find it? I need it for my blog. Thanks and regards!

    ReplyDelete