Friday, July 8, 2011

Sa Pagsayaw ng mga Bituin





Habang binabalot ng dilim ang buong paligid agad akong nagmamadaling tumakbo patungo sa bintana ng aming bahay upang doon masaksihan ng aking mga mata ang unti-unting pagyuko ng araw at ang pangingibabaw naman ng karimlan. Manghang-mangha ako sa aking nasasaksihan.Lalong nagpapatindi ng aking pagkasabik ang unti-unting paglitaw ng mga mistulang alitaptap na nakakalat sa kalangitan. Sabik na minamasdan ang bawat pag indayog ng mga ito at sa bawat kislap na pahapyaw na nakasisilaw sa aking paningin, kuminang  sa aking isipan ang kasabikan na balang araw ay maging tulad nila na marating ang kalawakan at sumabay sa kanilang pagtatanghal.

Nagsimula akong mangarap, gusto kong abutin ang kalangitan at makisabay sa pagsayaw ng mga bituin. Ngunit hindi pala ganoon kadali. Ang alam ko noong una ay nasasabik ako na mamasdan sila dahil sa liwanag na taglay at sa taas ng kanilang kinalalagyan.Hinangad ko na maging kasing tayog nila upang makita ko ang kabuuan ng mundo. Ngunit may isang bagay pa pala na dapat kong gawin bago  makasabay sa kanilang pag-indak, kailangan ko munang yakapin ang dilim.


Lalamunin lamang ako at matatabunan ng anino ng kadiliman kung ako ay magpapadaig sa kulimlim ng gabi. Hindi ko magagawang maipakita ang kislap na taglay ko kung mananaig sa akin ang takot at pangamba dulot ng pagluksa ng araw.  Kinakailangan kong  maging matapang at ipakita na kaya kong sindihan ang ilaw  na hawak sa kabila ng pangingibabaw ng kadiliman. At kahit dumating ang sandali na aandap-andap ito, di ako susuko patuloy ko itong  pagniningasin  upang hindi  magpadaig sa malamlam na gabi. Alam ko na makakaya ko ito. Di ko bibiguin ang  pangarap ko na makasabay sa  PAGSAYAW NG MGA BITUIN.


4 comments:

  1. astig!i love the metaphor!

    ReplyDelete
  2. Kalalem naman po.. ehehehe. Pero maganda ha. Hanga po ako, lalo na at ako'y hindi gaanong hasa sa pagsusulat ng tula sa tagalog.. :)

    ReplyDelete
  3. mangarap ka lang... libre mangarap! pero ang pangarap na may gawa.. siguradong may kapalit na biyaya. Magandang Umaga po :)

    ReplyDelete
  4. hello, poklong,

    ang ganda naman dito. nagustuhan ko ang mga linyang ito, "may isang bagay pa pala na dapat kong gawin bago makasabay sa kanilang pag-indak, kailangan ko munang yakapin ang dilim."

    nakikiraan lang po. happy new year sa iyo at mga mahal mo sa buhay. :]

    ReplyDelete