Tuesday, August 2, 2011

Huwag Matakot... Ako'y Narito


           



Huwag matakot… ako’y narito

Kapag nilukuban nang mapanglaw na dilim ang kalangitan,
Sa pagtatakip ng anino sa talukap ng matang may pangitain
Ako’y talang tatanglaw sa nanlalabong kasulukan
Na magpaparikit sa lumbay nang papatulog mong isipan.
Mangapa ka man sanhi ng  pagkabulag ng kapaligiran
Kakanlungin kita upang mapanatag ang naghihingalong kalooban.
Sa paghimlay sa aking mga bisig, ating pintig magkakapisan
Sa  pagkumpas ng mga pusong ngayo’y may ugnayan
Na nagpabigkis sa damdaming hindi mapaghihiwalay ninuman

Dumaan man ang malalakas na unos na nagpangatog ng katawan,
Balutin man ng lamig ang nangangatal na iyong kalamnan
Ako’y kumot na na yayakap sa iyong nanlalamig na katauhan
Upang pagningasin ang init na papawi sa ginaw na nararanasan
Tiklop-kamay na ikukulong kita sa aking mga bisig nang maramdaman
Ang haplos ng  pangakong  kailanman hindi ka bibitawan
Ilang bagyo man ang harapin, kahit ang baha ay sukdulan
Malakas man ang hampas ng hangin, ito’y walang takot na lalabanan
Magkatuwang na haharapin kahit mabigat man ang pasan.
           
Huwag  matakot… ako’y narito.
                

5 comments:

  1. wow ang ganda poklong,,,,,, talagang ang ganda kahit nosebled ako sa mga ibang words. hehhehheheh

    ReplyDelete
  2. Ang lalim mo pala magtagalog kuya poklong, hehehe! Very nice poem, tnx for sharing! =)

    ReplyDelete
  3. salamat sa inyo si anciro nagturo sa akin nyan hehehe

    ReplyDelete
  4. Kung sana'y lahat ng tao'y maipapangako ang ganito sa kanilang mga pamilya, kaibigan, at iba pang mahal sa buhay, marami sa atin ang sasaya at hindi mag-aalanganin sa kanilang mga hakbang na gagawin tungo sa kabutihan.

    Meron pa nga bang ganito kadakilang pagmamahal? Naniniwala akong meron. At kung sa tingin ng marami ay mahirap na itong matagpuan sa karaniwang tao, may nasa ITAAS na handang ibigay sa atin ang lahat ng ito.

    ReplyDelete
  5. kuya kaw ba talaga ang mismo gumagawa ng tula at ng kwento sa blog mo?? ANG gaganda po :))

    ReplyDelete