Friday, March 18, 2011

Kabayan Alis na ako,Salamat....

 Kabayan magkano palit ngayon? Bibili kasi ako ng peso, tanong ng isang kababayan sa akin.

 Hind ko pa man nasisilayan kung sino ang pinanggagalingan ng tinig  na iyon ngunit sa loob-loob ko may halong inggit sapagkat buti pa si kabayan makakapag bakasyon na samantalang ako halos tatlong taon na ako rito ngunit ni  minsan hindi  ko pa nagawang makauwi at makasama lamang kahit sandali ang aking pamilya.

Iniangat ko ang aking mukha at pagkakita sa taong nasa harapan, isang babaeng halos kasing edad palang ata ng aking kapatid na babae. Bakas sa mukha ang bigat na dinadala at walang ngiti na sumisilay sa kanyang labi.

Sa aking pagtataka hindi ko namalayan na ang maikling pagtatanong ay napunta sa isang mahaba-habang usapan..

Kabayan kailan ba uwi mo?  saan ka ba sa  Pinas?

Bukas na uwi ko kabayan, taga Cavite ako, ang sambit ng babae sa akin

Ha ganoon ba, buti naman makakauwi ka na di ka ba masaya at makikita mo na ang pamilya mo?

Tinitigan ako ni kabayan at nagsimula ng tumulo ang luha sa kanyang mga mata, binigyan ko sya ng tissue paper para punasan niya ang luhang dumadaloy sa kanya, lalo tuloy ako na guilty sana  hindi na lang ako nagtanong.

Kabayan sa totoo lang ayaw ko pa umuwi, kailangan pa ako ng pamilya ko, lima ang anak ko, ang mister ko naman matagal na kaming hiwalay kaya nga ako nandito dahil ako na lang ang bumubuhay sa mga anak ko,” ang lumuluhang wika ni kabayan

Iyon naman pala kabayan, bakit tapos na ba kontrata mo sa amo at ayaw ka na nya i - renew?” ang tanong ko.

Kabayan pinauwi ako ng amo ko para magpagamot, may tumubo kasing bukol sa aking ulo.

Sa aking narinig, bigla akong natigilan. Lalo akong nakadama ng habag sa taong kausap ko. Sa pagkakataong iyon napansin ko ang kanyang mukha  na halos namamaga at pati ang kanang mata ay di na maidilat. Marahil sanhi iyon ng bukol na tumubo sa kanyang ulo. Halos wala na akong masambit di ko namalayan na nadadala na rin ako ng emosyon ko.  

Natatakot ako kabayan kasi di ko talaga alam ang totoong sakit ko, kahapon nga naghulog rito ang amo ko pinadala sa account  ko pampagamot ko raw, kulang-kulang din ng isandaang libo ung nilagay doon, ang pahabol na tugon ni kabayan.

Hindi na talaga ako nakakibo. Wala ng tinig na lumalabas sa aking bibig. Awang-awa ako sa babaeng ito. Halos madurog ang puso ko sa sobrang awa at simpatiya sa kanya.

Bigla nya akong hinawakan sa aking kamay, kabayan pagdasal mo sana ako, alam mo kaya kong tiisin ang sakit na nararanasan ko ngayon , ngunit hndi ko kaya na makita ang aking mga anak na mamatay na lamang sa gutom. Kaya nga ayaw ko umuwi pa ng pinas, dahil sila ang inaalala ko…

 Sa pagkakataong iyon nagsimula na ring mag unahan ang luha sa aking mata. Napayuko ako upang hindi nya mapansin ngunit bigla siya nagsalita…

Sige kabayan alis na ako, asahan ko ang dasal mo. Salamat ulit ah.

Hindi na ako nakasagot. Nanatili ako nakatingin sa kanya papalayo.  Kahit wala na sa paningin ko ang babaeng ito, at kahit alam ko na hindi ko na alam kung ano ang mangyayari sa kanya kapag nakauwi na siya ng pinas, isang bagay ang hindi ko maaaring ikaila na  sa isang simpleng usapan nakapag iwan sya ng kurot sa aking damdamin.








Friday, March 11, 2011

Dapit-hapon

Sa pagsapit ng dapit-hapon,akoy nagmamadaling tumakbo patungo sa dalampasigan  upang saksihan ang papalubog na araw. Tinatanaw ng aking mga mata ang magandang palabas kung saan kitang-kita ko sa kabuuan ang unting- unting paglubog nito, ang pagyakap ng araw sa lupa. Bakas sa aking mukha ang kasiyahan at kung puwede nga lang hagkan ang haring araw at sumabay sa kanya upang hindi na matigil ang ngiting sumisilay sa aking labi. Habang pinagmamasdan, nakikisabay ang malamyos na ihip ng hangin na pumapasok sa kaibuturan ng aking katawan na lalong nagpatindi ng aking kamanghaan. Itinaas  ko ang aking mga kamay, ipinikit ang mga mata at sinimulang magtampisaw  upang makiisa sa sayaw ng alon ng dagat. Gusto kong sumigaw at  kung maaari lamang ay angkinin ang mundo kahit panandalian lamang.Sa pagdilat ng aking paningin, wala na ang araw, napabuntung- hininga na lamang ako sapagkat natapos na ang kagila-gilalas na palabas.Tuluyan nang nilamon ng dilim ang buong kapaligiran. Wala ng liwanag, katahimikan na ang nangibabaw. Maging ang alon  ng dagat sa dalampasigan ay natahimik, biglang huminto at waring nakiramay sa paglubog ng haring araw.









Magdadapit-hapon na naman, kahit mahina na ang tuhod pinipilit kong ihakbang ang aking namamanhid na mga  paa patungo sa dalampasigan upang masilayan sa huling pagkakataon ang papalubog na araw. Di ko man maaninag  dahil sa panlalabo ng aking mga paningin,ngunit may kurot sa damdamin habang pinapanood ang unti-unting pagyakap ng araw sa lupa. Tulad ng dati, may ngiti na sumisilay sa aking labi ngunit sa pagkakataong ito, higit pa ang kasabikang nararamdaman  dahil alam ko  matutupad na aking pangarap na makiisa sa kanya upang sabay naming yayakapin ang mundo. Itinaas ko ang nanginginig kong mga kamay, sabay pikit sa aking mga mata, muli kong nilamnam ang lamig na dulot ng aking pagtampisaw sa alon ng dagat. Gusto kong sumigaw at sabihin tapos na ang aking paghihintay, makapaglalakbay  na rin ako kasama ng araw upang  sabay na mararating ang dulo ng mundo. Sa pagsara ng aking paningin, hindi ko na makikita pang muli ang paglubog ng haring araw. Kasabay nito, tapos na rin aking palabas. Wala ng liwanag, katahimikan na ang mangingibabaw. Maging ang alon ng dagat sa baybayin ay tatahimik, hihinto at  makikikiramay sa paglubog ng araw at  sa pagkakataong ito, kasama ako.

Si Kabayan

Ang tulang ito ay pagpupugay sa mga kababayan nating OFW's tulad ko na nagtatrabaho sa ibat ibang panig ng mundo. 



Si Kabayan…
Nangingilid ang luha habang binabagtas ang daang papalayo,
Nakatanaw sa kawalan at isip ay litung-lito
Sa dibdib naroroon ang kaba at takot sa panibagong mundo
Na sisimulang harapin upang manilbihan sa lupain ng ibang tao.


Si Kabayan…
Di man kayang lisanin ang bayang pinagmulan,
Ngunit nangibabaw ang tawag ng pangangailangan
Na hindi kayang maibigay ng mga nasa katungkulan
Kung kayat sa lupang banyaga  baka doon magkaroon ng kaganapan.


Si Kabayan…
Sinuong ang landas kaakibat ang kalbaryo,
Hinakbang ang mga paang di alam kung san tutungo
Haharapin nang buong tapang makamit lang ang gusto
Kaginhawahan sa iniwang pamilyang minahal ng totoo.


Si Kabayan…
Tiniis ang hirap, pangungulila’y pilit nilabanan,
Nagpa alipin sa bansang tingin sa sarili’y panginoon
Di inalintana ang pagod at bagamat nasasaktan
Hindi na  maramdaman dahil sa manhid na  katawan.

Si Kabayan…
Sa pagsapit ng gabi, doon sa maliit na kwarto,
Maririnig ang impit na luha nang panlulumo
Sa pagbalik ng mga alala at mga yugto
Na kapiling ang malalapit sa kanyang puso.

Si Kabayan…
Nag-iisip at nagtatanong  kung hanggang kailan,
Matatapos ang pahina ng pakikipagsapalaran
Sa lupain ng mga dayuhan na kanyang kinalalagyan
Nang  mayakap  ang mga mahal sa buhay nang harapan.



Si Kabayan…
Luha ay patuloy na aagos  buhat sa ibayo
At dalangin makita ang pagsasakripisyo
Ng mga kababayang  halos lumuwa  na ng dugo
Sa halagang kailangan  para makatikim kahit konting luho.

EDSA ng Kasaysayan

Ang tulang aking sinulat na ay nailathala sa gmanews.tv pinoy abroad

EDSA NG KASAYSAYAN

Mahigit dalawampung taon na  ang nakalilipas,
Isang pangyayaring nagpabago sa bansang  Pilipinas
Mga Pilipinong sama-samang nag aklas
Lumabas sa lansangan at ipinakita ang buong lakas
Maitaboy lamang ang diktadurang nagpamalas
Nang hirap at  sumikil sa damdaming wagas
Ng bawat mamamayang naghahangad lamang na mailabas
Ang katotohanan nang masilayan ang kalayaang ikinubli ng mga nasa itaas.

Diktadurang nagpasasa sa ganid ng kapangyarihan,
Habang ang bayan ni Juan ay lunod sa kahirapan
Di alintana ang ibat ibang panawagan ng lipunan
Ang iisang sigaw na pumapailanlang sa kapuluan
“Tama na , Sobra na ! Dapat ng palitan ! ”
Nagkibit- balikat na lamang ang pinunong nasa kinaluluklukan
Di natinag bagkus mga bibig ay binusalan
Ng mga pumipiglas sa sinturon ng  pamahalaan.

Bumuhos ang masaganang luha ng pighati’t,
dalamhati dahil sa hagupit ng pang gigipit
ang iba’y pinatahimik marahil tuluyan nang iniligpit
Upang kahintakutan ng ibang magpupumilit
Na putulin ang mala-gintong  sungay at buntot
Ng mga abusado doon sa  palasyo na nakadikit na parang lumot
Ang iba’y ikinulong sa bakal na rehas upang doo’y mamilipit
hayaang malugmok sa sahig upang  sa lamig mamuluktot

Tuluyan nang nagngitngit ang poot sa dibdib ng mga Pilipino
Di na nakatiis at mistulang bulkang nag alburuto
Sama-samang nagkaisa upang hingin ang pagbabago
Magkakapit-bisig na hinarap ang mga magigiting na sundalo
Kanyon laban sa bulaklak, baril laban sa rosaryo
Ngunit kahit anong panangga  di nagpatalo
Dahil sa pagmamahal sa tunay na nasyonalismo.


Isang mapayapang rebolusyon ang naganap, sa isang iglap
Nagpatalsik sa rehimeng Marcos na walang kahirap-hirap
Di magkamaway ang ngiti na umabot sa alapaap
Sa bawat pilipinong umasang malalanghap
Ang karapatang- pantao na ninakaw ay naibalik nang ganap
Narinig ang himno ng pagpupunyagi na nagdulot ng sarap
Sa panlasa ng mga pilipinong gutom sa adhikaing pinapangarap
para sa inang bayan na binulag ng mga nalasing na mapagpanggap.
                                        
                                             Buong mundo’y tumutok, namangha sa katapangan
Ng mga pilipinong may pagmamahal sa bayang sinilangan
Hinangaan dahil walang dugong dumanak sa pag-aalsa ng bayan
Na naging hudyat para manumbalik ang demokrasyang nilalayon
                                      Ang  mapayapang rebolusyon sa EDSA dapat alalahanin
Nakasulat bilang isa sa kagila-gilalas na pangyayari sa ating kasaysayan
Bahagi ng buhay ng bawat mamamayang  may pagmamahal sa kalayaan
At magtatanggol upang manatiling abot-tanaw ang ating karapatan.

Mga Buwitre sa Lupa

Marahil masaya ang buhay kung alam mo kung  paano mamuhay nang masaya at malayang  gawin  ang mga bagay na magpapaligaya sa iyo, walang nagbabantay at pilit na minamatyagan  ang bawat kilos o gagawin mo. May mga tao  na pinipilit kang ikulong sa sarili nilang hawla, umaastang panginoon at tinatrato kang tulad ng  isang alipin na dapat sumunod sa lahat ng kanilang sasabihin at ipagagawa. Mga taong ang tingin sa kanilang sarili ay isang ibon na mataas ang lipad at tayo’y nananatiling nakatingala na lamang sa kanila  habang sila ay nagpapakasaya dahil alam nilang walang maaaring sumabay sa kanilang paglipad at  inaakong sa kanila lamang ang mundo.Mananatili na lamang ba tayong nakatunganga at ngawit ang leeg habang minamasdan ang mga mga buwitreng lumilipad at ultimong hayok na hayok at anumang oras ay maaari tayong dagitin at sunggaban? Bakit  di mo putulin ang mga pakpak nito upang magising sila sa katotohanan na lupa rin ang  kanilang babagsakan.
Nakauubos din ng katinuan ng pag iisip ang paghahanap ng tamang lugar at panahon upang maramdaman ang kaligayahang  matagal na nating hinahangad.Marami sa atin ang nanatiling  di makakilos dahil sa tanikalang nakatali sa ating mga paa. Ang iba’y manhid na at di magawang ipaglaban ang sariling kasiyahan. May nagpupumilit na humulagpos sa rehas ngunit dagling sumuko dahil sa pag aalinlangan sa mga sasabihin ng mga nagpapanggap at nagmamalinis na matuwid na tao. Kasiyahang panandalian lamang,di magawang maipagpatuloy dahil sa takot at pangamba sa mga taong  kumakain nang kasiyahan ng iba. Bakit di tayo lumabas sa kahon ng buhay, sa ideya na magiging masaya tayo sa paraang kaya natin.Paano ba maging malaya at masaya sa mundo na halos lahat ay mali ? Karamihan ngayon ay hinahanapan ng kamalian ang kanilang kapwa, masugid nilang pinagmamasdan ang bawat galaw at pagkakamali dahil alam nila dun sila nagiging masaya. Magpapatalo ka ba sa mga  buwitreng ito  na unti-unting sinisira ang pundasyon ng kaligayahan na sinimulan mong itayo?
Ang impiyerno ay narito sa lupa kasama ng mga buwitreng naglalaway sa kasiyahan ng iba. Patuloy na aatake anumang oras upang sunggaban at nakawin ang kaligayahang tinatamasa ng iba. Matuto kang ipaglaban ang sarili mong kaligayahan,  huwag padaig sa mga buwitreng ito. Gawin mo mga bagay na makapagpapasaya sa iyo.Huwag mong isipin ang sasabihin ng iba, hanggat alam mo na wala kang sinasagasaan at  tinatapakan na ibang tao

Pag Nagmahal

Kapag nagmahal ka, huwag mong tignan kung anong meron sa kanya o mga bagay na kaya niyang gawin.Bagkus tignan mo kung anong kulang para malaman mo kung anong hakbang ang gagawin  para mapunuan anuman ang kakulangan nya. Hindi man kayo magkatuluyan, ang mahalaga, minsan ikaw ang naging dahilan kung bakit nakita nya ang kabuuan ng kanyang pagkatao.

Huwag Matakot Magmahal

May mga taong dumarating sa buhay natin na hindi inaasahan. Minsan magugulat ka na lang nasa tabi mo na pala yung hinahanap mo, nakapasok na  hindi mo man lamang  namamalayan. Huwag matakot, dapat maging handa at mgkaroon ng lakas na loob anuman ang maaari nyang iwan o gawin sa iyo. Kung hindi man maganda ang iiwan niyang karanasan sa iyo,maging positibo ka, dumaaan lang yan para turuan ka kung ano ang nararapat na gawin mo sa susunod kapag may dumating na panibago.


Huwag kang matakot na  muling mag magmahal. Tandaan mo na kapag may nawawala, may dumarating at  mas karapat- dapat pa kaysa sa mga nauna. Ihanda mo ang sarili mo sa posibilidad na maari kang  masaktan. Huwag kang matakot dahil walang nagmamahal na hindi nakararanas ng sakit at kabiguan. Sa bawat sakit na iniwan sa iyo, ang positibong bunga ng lahat ng iyan ay  ang katatagan mong harapin ang anumang sitwasyong bumabagabag at nagpapagulo sa iyo. Lalo mong nakikita ang tunay na mukha ng pag-ibig sa bawat kabiguan na nararanasan. Huwag mong pigilan ang sarili mo na magmahal hanggang hindi dumarating ang taong nakalaan at magmamahal nang tapat sa iyo.

Katapangan

Sa mga bata, ang pagiging matapang ay pinapakita sa pisikal na deskripsyon nito. Ngunit sa ating mga matatanda kasama na ang mga umuusbong na kabataan ngayon, hindi dapat manatili sa  kaisipan na ang sukatan ng katapangan ay nasa pisikal na lakas. Kung noong  mga musmos pa tayo, kamao ang sukatan ng katapangan, ngayon, ang lakas ng pag-iisip na kontrolin ang anumang galit na namumuo sa dibdib, ang tamang pagharap sa responsibilidad, at kung pano ka manindigan sa iyong paniniwala lalo na sa pagsisiwalat ng katotohanan ang siyang  tunay na kahulugan ng katapangan“.


Ang Manunulat

Nagsisimula na naman akong magsulat. Maraming mga bagay na pumapasok sa aking isipan ngunit katulad ng mga nauna kong karanasan, di ko alam kung paano at saan magsisimula.Kapag naumpisahan, bigla na lamang malilihis ang pansin sa ibang bagay na wala naming kaugnayan sa isinusulat o sa mensahe na nais maiparating sa mga mambabasa. Hihinto na naman at muling paliliparin ang diwa upang makakuha ng angkop sa ginagawa.May mga pangyayari na kahit isang titik ay hindi magawang maisulat dahilan sa kawalan ng ideya. Minsan kapag ganado sa pagsulat bigla na lamang matitigil dahil sa samu’t saring ingay na naririnig. Kasama ang pangungulit ng mga tao sa paligid, biglaang tunog ng “cellphone’’, tawag ng kapitbahay para humingi lamang ng asin o asukal. Ngunit ang masaklap nito maraming hindi interesadong magbasa ng iyong sinulat. Di mo alam kung hindi marunong magbasa o tinatamad basahin lalo na kapag napakahaba, pipintasan pa ang naisulat mo. Nakatatawa  pero bahagi at kasama ito ng mga mahihilig magsulat tulad ko.
Marahil nagtataka ang iba kung bakit pinag – aaksayahan ng oras ang pagsusulat. Noong una hindi ko alam na biniyayaan ako ng ganitong uri ng talento. Di ko naman hilig ito. Bigla na lamang nagising isang araw na nakaupo hawak ang papel at lapis at nagsisimulang isulat ang aking mga nasasaloob. Buti nga ngayon may “computer” na, dati napakaraming papel ang nauubos sa isang artikulo lamang . Noong una tinatanong ko rin ang sarili kung ano ba mapapalala sa kasusulat.Hindi mo pala malalaman ang sagot sa tanong hanggat hindi mo sisimulang pumasok sa mundo ng manunulat.
Ang pagsusulat ay hindi maaaring ihiwalay sa buhay ng isang tao. Sapagkat ang lahat ay manunulat sa sarili nilang karanasan.Tulad ng lahat ng mga nababasa ninyo, ito ay mayroong simula at wakas.Ang buhay ng tao ay mayroon ding simula at hangganan. Kung paano sinisimulan at winawakasan ng may akda ang kanyang panulat, ganun din ang bawat tao. Sinisimulan niyang tuklasin ang kanyang pagkatao sa pamamagitan ng mga karanasang magpapatibay sa kanya. At ang magiging wakas nito ay nakasalalay din sa kanyang kagustuhan. Maaring maging masaya, malungkot at maaaring humantong sa kabiguan ang kahihinatnan ng wakas ng kaniyang kuwento. Bilang manunulat, pinakikinggan niya hindi lamang kanyang saloobin maging ang damdamin ng ibang tao upang lubos niyang makita sa kanyang isipan ang kabuuan at maging makatotohanan ang kanyang isusulat. Maingat niyang pinag aaralan ang mga katagang isinusulat upang maging masarap sa panlasa ng mga mambabasa. Ang tao bagamat may sariling pananaw ukol sa mga bagay na may kinalaman sa kanya ay hindi magiging ganap ang pagkatao kung padidikta lamang sa kung ano ang sinasabi ng kanyang kalooban. Mahalagang pakinggan din ang sinasabi ng iba tungkol sa kanyang sarili upang lalo niyang masalamin ang kanyang katauhan. Maging maingat sa paggamit ng mga salita upang hindi makapanakit at humantong sa hindi magandang pagkakaunawaan.
Walang pinakamahalagng nasusulat sa mundo kundi ang kaniya- kaniyang kuwento ng buhay. Mas maganda pa kaysa sa mga napapanood sa telebisyon na mga telenobela at palabas sa pelikula.At walang pinakamahusay na manunulat kundi tayong lahat. Tayong lahat na may kanya-kanyang kuwento ng buhay, tayong lahat na nagsimula sa wala, tayong lahat na nakaranas  kung paano mangapa ,matakot,maging masaya, malungkot, umiyak , at makaranas ng kabiguan sa buhay. Ang lahat ng iyan ang siyang nilalaman ng istorya ng ating buhay. Anuman ang magiging wakas nito tayo lang ang nakakaalam sapagkat tayo ang manunulat ng ating sariling kuwento ng buhay.

Agos

                            Sa baway daloy ng tubig  ay may mga batong nakaharang, pero kahit gaano mang kalaki ang batong iyon, kung patuloy na sasabay sa agos at di hihinto, ang magiging hantungan  ay  isang malawak na karagatan na magdudulot ng kaligayahan at kapayapaan. —                                                            Kuya Poklong

Kakayahan



Huwag kang makuntento sa kung anong kaya mong gawin, may mga bagay sa sarili mo nakatago pa at kung bibigyan ng panahon para tuklasin ito, makikita mo na ang mga bagay na inakala mo na kaya mo lang gawin ay hindi pa pala sapat kung ihahalintulad sa bagong tuklas na kakayahan.- Kuya Poklong

Salamin ng Nakaraan

Ang aking mahimbing na pagtulog ay pinutol ng isang napakalakas na sigaw na nagmumula sa tinig ng aking ina.Animo’y isang bombang sumabog sa aking pandinig na nagpabalikwas sa aking pagkakahiga. Unti- unti kong dinilat ang mga mata at tinignan ang orasan sa gilid ng aking hinihigaan. Bigla akong natigilan, dali- dali akong bumangon at tinungo ang aming maliit na palikuran. Hinilamusan ko ang aking mukha. Naramdaman ko ang lamig ng tubig na nagpanginig ng aking buong kalamnan. Hindi ko maiwasan pagmasdan ang repleksyon ng aking sarili sa isang maliit na salamin na nakalagay doon. Biglang may sumagi sa isip ko. Sa isang iglap na pagtingin, naibulong ko sa aking sarili na napakarami na palang nagbago na hindi ko man lamang namamalayan.





Inilipad ako ng aking isipan pabalik sa nakaraan. Mga ala-ala ng nagsilbing bakas ng mga kabanata na may kinalaman sa aking pagkatao. Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi habang unti unting gumuguhit sa aking diwa ang bawat pahina ng aking kamusmusan. Ang pira-pirasong guhit ay naging ganap na malinaw sa kabuuan. Muli kong nasaksihan ang mga dahon ng pahina kung saan ako nagsimula. Mga larawan nang magulo at makulay kong buhay. Nakatutuwang balikan ang lahat ng ito para akong idinuduyan ng hangin patungo sa kalangitan upang masaksihan ang kabuuan ng aking sariling mundo. Kung maibabalik lamang ang nakaraan, mas pipiliin ko na lamang ang manatiling musmos habang panahon. Masarap kasi ang maging isang bata, walang ginawa kundi kumain, maglaro at matulog. Naririnig ko pa ang malalakas na sigawan ng aking mga kalaro at kaibigan habang kami ay patuloy na tumatakbo sa dalampasigan. Pati ang dagat ay para bagang nakikisabay sa aming kasiyahan dulot marahil nang malalakas na alon humahampas sa aming mga murang katawan.Matitigil lamang iyon sa isang hudyat ng aking ina dahil dumarating na ang takipsilim. Bago ako matulog noon hinihiling ko na sana huwag nang umikot ang mundo upang hindi maputol ang kaligayahang iyon. Ngunit sadyang ganun talaga ang buhay, ang lahat ay nagbabago. Dati ang alam ko lang kung bakit umiiyak at masaktan ang isang tao ay dahil sa mga palo na natatanggap buhat sa kanilang mga magulang. Ngunit sa paglipas ng panahon, natuklasan ko na na mas may masakit pa pala kaysa sa mga latay na natatangap ko buhat sa kanila. Mas matindi pa pala ang sakit na naidudulot ng kabiguan at mga pagkakamali sa mga desisyon na aking binibitawan. Kapag dumarating ang sandaling iyon, kung maaari lamang muling tumakbo at magtago tulad ng ginagawa ko noong ako ay musmos pa lamang ay gagawin ko ngunit gaya ng sinabi ko hindi na ako bata upang gawin ang lahat ng iyon. Tapos na ang dahon ng aking kamusmusan, ako ngayon ay humaharap sa mas mabigat at malaking responsibilidad na hahamon sa panibagong yugto ng aking buhay.
Masayang basahin ang mga sulatin na naglalarawan sa magulo at makulay kong buhay,Nakakatuwang balikan ang mga larawang marami pa ring bakas ng nakaraan at kasalukuyan. Sa hinaharap alam kong magiging salamin ko ang aking nakaraan upang malampasan ko ang anumang pagsubok na papanday sa aking pagkatao.

Isang Bansa, Isang Lahi... Ito ang aking Bayan

Ang  tulang ito na mula sa  aking sariling panulat ay nabigyan ng pagkakataon na ma i publish sa http://www.gmanews.tv/







Isang bansa … isang lahi… bayang minimithi,
Paraisong maitatawag dahil sa angking ganda’t yumi
Perlas ng silangan sa ati’y taguri
Ng mga dayuhang minsan na ring yumurak sa ating inang lahi.
Bayan na halos ilang daang taong inapi,
Niyurakan at binusabos ng mga banyagang maitim ang budhi
Binusalan ang bibig, nilatigo’t nagdulot ng hapdi
Sa isip at sa damdamin ng mga anak ng ating lipi.

Mga buwayang pinagnasaan ang natatagong yaman,
Mga ngiting-aso’y nagtatahol sa ganid nang kasakiman
Nagpupuyos sa galit ang bayang kanilang inagawan
Nang karapatan at kalayaang nilustay dahil sa katakawan.
Hinayaang nakatiwangwang ang naghihingalong bayan,
Gumagapang nang nakahandusay di pa rin nilubayan
Nagbingi-bingihan sa sigaw ng katarungan
Ang mga demonyong nagpakilalang diyos na makapangyarihan.

Isang diwa ang nagising, isang tinig ang namutawi,
Nanuot sa damdamin ang himig na sawi
Nais maaninag ang matagal nang pinakamimithi
Ang masilayan ang tuwa at ngiti sa nanunuyot na labi.
Ang bulong ay napalitan ng hiyaw na nakabibingi,
maladagundong na nagpayanig sa bayang-api
Nagngangalit, naghihimagsik nais gumanti
Sa delubyong naranasan sa kamay ng ibang lahi.

Sama-samang nag-alsa, naghimagsik, nakipaglaban
Maitaboy lamang ang mga banyagang nag astang panginoon
Dumanak ang dugo nadilig ang tuyong lupa ng katapangan
Iisa ang sinisigaw, iisa ang layunin
Maghimagsik! Kalayaan para sa bayan!
Lakas ng Pilipino laban sa lakas ng kanluran
Hindi nagpagapi, hindi nagpatalo sa hangad na maangkin
Ang kasarinlang pinagkait sa ating bayang sinilangan.

Ang sikat ng araw sumilip sa bayang inapi,
Hinaplos ang bayang uhaw sa yakap, may ngiti
Ng tagumpay sa panunumbalik ng kalayaang matagal nang mithi
Natanggal na ang piring sa mata at nasilayan ang bahaghari.
Ang dating paos na tinig ay nagsisimulang maghari
Upang maisatinig ang himno ng pagpupunyagi
Wala nang mang-aabuso, wala nang mang aapi
Napalayas na ang mga dayuhan dahil sa magigiting na bayani.

Wala ng kadiliman… wala ng dapit-hapon,
Nanumbalik na ang liwanag ng katarungan
Nagising na tayo sa bangungot ng kahapon
Wala ng dusa at hinagpis na lalatay sa ating katawan.
Nakalipad na tayo sa hawla ng kasakiman,
Aawit tulad ng isang ibon sa kalawakan
Malayang maglalakbay upang maabot ang kasaganaan
Katiwasayan at kapayapaan para sa ating inang bayan.

Hinulma ng panahon ang kasaysayan ng ating lahi,
Ang mga bakas ng kahapon ay marapat na hindi isantabi
Oo nga’t ang kasaysayan ay nagbabago, ngunit di dapat iwaksi
Ang mga bayaning nagbuwis ng buhay na siyang naging susi
Sa pakikipaglaban sa kalayaaang tayo ngayo’y naging saksi
Nagtatamasa dahil sa taglay na katapangang namumukod-tangi
Mga bayaning Pilipino na dapat makilala ng susunod na salinlahi
Inuna ang pag-ibig sa bayan bago ang kanilang sarili.

Isang bansa… isang lahi… ito ang aking bayan,
Bagong kasarinlan ay narito ngayon
Patuloy na haharap sa hamon ng panahon
Di palulupig sa anumang tangka ng kasakiman.
Magkakaisa, kapit-bisig, sama-samang lalaban,
Itataguyod nang buong katapangan ang inang bayan
At taas- noo’y isisigaw sa buong sangkatauhan
Isang bansa… isang lahi… ito ang aking bayan.

Sana Tulad mo Umiyak Rin Ako

Isa akong aborted child, hindi ako nabigyan ng pagkakataon na buhayin ng aking mga magulang. Hindi ko lubos maisip na mismo ang aking sariling magulang  ang siyang papatay sa akin. Wala akong alam na ginawang pagkakasala sa kanila. Kung ako ang naging resulta ng kanilang pagkakamali  bakit kailangang ako ang sisihin at magbayad sa isang bagay na wala naman akong kinalaman. Sabi nila ako raw ay bunga ng pagkakasala at hindi nila kagustuhan ang maisilang ako, oo naiintindihan ko ang kalagayan nila ngunit  hindi naayon ang pagkaitan ako ng karapatang mabuhay. Noong pinag-iisipan pa lamang na ako ay ipalaglag, nararamdaman ko na ang takot at pangamba kahit nasa loob pa lamang ako ng sinapupunan ng aking ina.Kung magagawa ko lamang na magsalita sa mga panahong iyon at ibulong sa kanila  “ Inay, Itay…  huwag ninyo akong patayin, maawa po kayo sa akin , anak n’yo ako.!”, ngunit huli na ang lahat. Nagpupumiglas ako, pinipilit kong lumaban sa mga kamay ng mga taong kinasangkapan ng aking mga magulang para patayin ako  ngunit  sa huli nanaig pa rin ang balak nila sa akin, gumuho ang pangarap ko na masilayan ang kagandahan ng mundo. Hindi ako binigyan ng pagkakataon na maisilang. Inay, itay, kung alam lamang po ninyo ang kasabikan kong makita at mayakap kayo.
Isa lamang ako sa milyon-milyong sanggol na hindi pinalad na maisilang dahil sa kasakiman ng aming mga magulang. Nakababahala na ang pagdami ng bilang ng mga katulad ko.Ang panawagan ko sana ay pakinggan ng lahat, huwag naman sana ninyong ipagkait ang karapatan naming mabuhay sa mundo. Mahalin ninyo kami, kami ang karugtong ng inyong buhay. Ngayon nakaririnig na naman ako ng pag-iyak buhat sa isang sanggol. Maligaya ako sa iyong pagsilang, napakapalad mo kasi kahit hindi mo pa nasisilayan ang liwanag ng mundo minahal ka na ng iyong mga magulang Matapos ang siyam na buwan sa sinapupunan ng iyong ina, heto ka ngayon naririnig ang iyong pag-iyak nagkaroon na rin ng kaganapan ang iyong pagiging tao. Kunsabagay, nasa loob pa lamang tayo ng tiyan ng ating ina, may pintig na tayo. Mayroon ng nagsisilbing binhi ng buhay na nakalaan para sa atin. Ngunit hindi lahat ng binhi ay nabibigyan ng pagkakataon na mabuhay at lumago. Alam mo noong nasa sinapupunan ako ng aking ina, marami akong pangarap para sa kanila. Sinasambit ko na kapag nailuwal na ako ng aking ina mamahalin ko sila nang higit pa sa buhay ko. Pero hindi pala mangyayari ang lahat ng iyon, ang pangarap na iyon ay naging isang masamang bangungot para sa akin.Naririnig ko ang  pag-iyak mo, Iyan kasi ang unang bukambibig  ng  bawat sanggol pagkatapos mailuwal buhat sa sinapupunan ng kanyang ina.  Sana tulad mo, naranasan ko rin kung paano umiyak.

Kapit-Bisig sa Daigdig

Ang mga titik nito ay aking isinulat at sa tulong ng ilang mga kabataan ng San Jose de Trozo ay nilapatan namin ng himig. Nabigyan ng pagkakataon na iparining sa Plaza Miranda bilang paggunita sa Earth Day… Di man mapakinggan, ang mga titik at salita ay sapat na upang iparating ang mensahe.
 
 
Masdan mo ang iyong paligid
Subukan mong ilipad ang iyong isip
Di ba tao’y may pagkaganid
Lahat – lahat gustong makamit
Kawawang kalikasan ngayo’y nayayanig
Naghihingalo, humihingal sa iyong pandinig
Daigdig ngayon ay naliligalig
Sa kasakiman sa yo’y nakasalig
Ngayon ano pa ang di mo nakamit
Kalikasan naubos sa iyong pagpupumilit
Pag nagpatuloy baka mapatid
Matapos ang lahat sa isang malagim na panaginip
Kailan aalagaan
Kailan sisimulan
Ang pangangalaga sa ating kalikasan

Chorus
Kapit- bisig isulong ang pagkilos
Tulong-tulong ating isaayos
bigyang buhay, mundo’y lagyan ng kulay
Sa mga kamay nakasalalay
Ang kaligtasan ng kalikasan


II
Damhin mo ang ihip ng hangin
Pakinggan mo ang huni ng ibon
Dinggin himig nila’t awitin
Kanilang daing bigyan ng pansin
Ang ‘yong mga kamay tunay na malupit
Gumagawa, lumilikha nang di isinasaisip
Daigdig ngayon ay namimilipit
Baka ang mundo maglaho na lang sa titig
Ngayon ano pa ang dapat mabatid
Sa daigdig panawagan mabigyang hatid
Pag naalagaan matutuwa ang langit
Magigising ito sa tahimik na panaginip
Ngayon ang panahon
Daigdig ay respetuhin
Nang masilayan ang kasaganaan

Repeat chorus

Kaya mga kaibigan dinggin ang panawagan
Ng ating kalikasan na tayo rin makikinabang
Ang iyong pagkilos simulan mo ng gawin
Upang daigdig ngingiti sa kalawakan
Ang iyong itinanim sya mong aanihin
Magtanim nang kabutihan
Kasaganaan makakamtan
Ihasik ang kasamaan
Salot mararanasan
Isapuso’t Isaisip mo bigay ng Maykapal
Alagaan, ingatan ito’y ating tirahan
Ito’y atin kaya’t payabungin
Ito’y atin kaya’t respetuhin
Repeat chorus 2x
…. ang kaligtasan ng kalikasan

Awit ng Isang Ina

Ang video na ito ay ginawa ko bilang pagpupugay sa ating mga ina. Naway kumintal sa ating isipan at  hipuin ang ating mga damdamin sa bawat katagang mababasa rito


 Ang awit ng isang ina ay hindi magiging ganap na musika kung hindi tayo sasabay sa kanilang himig...




Musmos Na Tinig

Hindi namin ninais na mabuhay. Hindi namin hinangad na mapabilang dito sa daigdig. Nagising na lamang kami isang araw na kabahagi na ng mundong pareho nating ginagalawan. Wala kaming karapatan na mamili kung saan at anong uri ng pamilya ang gusto naming mapuntahan. Para sa amin isang malaking kaganapan ang mabigyan ng pagkakataon na maisilang, mabigyan ng pangalan at maging isang ganap na tao tulad ninyo.

Sa mundong ginagalawan, kami ang tunay na nagiging biktima nang pang aabuso ng nakararami. Kami ang madalas na nasasaktan at naaapektuhan sa mga kaganapang kailanman ay hindi namin hinangad na maranasan dahil sa aming kawalan ng kamalayan. Wala kaming kaalam- alam sa mga kaguluhang nangyayari sa ating kapaligiran ngunit bakit kami ang dapat na magbayad at pumasan sa mga kasalanang hndi naman kami ang gumawa. Masyadong malalim na ang sugat na idinulot nito sa aming pagkatao. Manhid na ang aming mga katawan sa napakaraming hagupit ng karahasan na patuloy na dumadampi sa aming mga kaisipan. Ngunit patuloy kayong nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa tunay na kalagayan ng mga munting nilalang ng daigdig.

Subukan ninyong idilat ang inyong mga mata. Hindi man kaaya-aya sa inyong paningin na makita kaming umaakyat sa mga pamapasaherong sasakyan para mamalimos, magbenta ng mga basahan, sampagita , diyaryo , at makipag patintero sa mga dumaraang sasakyan na maaaring magdulot sa amin ng kapahamakan at maging mitsa ng aming buhay. Ngunit kailangan naming gawin ito dahil tulad ninyo, kami rin ay nangangailangan ng pagkain para mabuhay. Tinitiis namin ang mabahong amoy ng mga basura para makahanap nang mapakikinabangan at mapagkakakitaan kahit alam namin na ito ay lubhang mapanganib sa aming kalusugan.Mas nanaisin pa naming magbabad sa nakasusukang mala bundok na basura kaysa sa mamatay na dilat ang aming mga mata sanhi ng kagutuman at kahirapan. Takot ang aming nararamdaman at minsan sakit sa katawan ang aming nararanasan sa mga taong ginagawa kaming kasangkapan para sila’y kumita. Sa bawat hampas ng sinturon, sa bawat malalakas na suntok na dumadapo sa aming katawan, ano ba ang laban ng mga munting paslit sa mga malalakas na nilalang na tulad ninyo. Hindi namin pinangarap na maranasan ang lahat ng ito, subalit huwag ninyong ikaila na kayo ang dahilan kung bakit kami ay nasasadlak sa ganitong uri ng pamumuhay.Kami ang tunay na biktima ng lahat ng karahasan na itinanim ninyo sa daigdig.

Kami man ay maituturing na mga munting nilalang sa daigdig, mahina sa paningin ng nakararami ngunit hindi batayan ito upang kami ay pagkaitan ng karapatan na naayon para sa amin.Hindi dapat abusuhin bagkus dapat ay bigyan ng kalayaang makapamuhay nang wasto at iparamdam na kami rin ay kabahagi at kabilang sa iisang mundong ating kinabibilangan. Musmos man kami ngunit sa pinagsama sama naming tinig kaya naming panibaguhin ang mundo kung matututo lamang ang bawat isa na makinig sa aming mga hinanaing. Kailan kaya muling ngingiti at maririnig ang masasayang awit ng mga bata sa isang mundong pinapangarap ng lahat?Kailan mababanaag ang tunay na pantay- pantay na karapatan lalot higit sa mga musmos na nilalang?.Kung matututo lamang kayong makinig sa amin, kung mabibigyan lamang ng pansin ang aming hinanaing… sa aming mga musmos na tinig magkakaroon ng kaganapan ang lahat.

Lumingon Kang Muli

Sabi nila walang kulay ang buhay kung di tayo nakararanas ng mga problema o mga pasanin sa buhay.Diyan tayo lumalago at tumatapang para ipagpatuloy anuman ang ating sinusuong na pakikibaka. Ngunit may ilan sa atin ang sadyang madaling mapagod at gusto nang sumuko, kaya nga nagkaroon ako ng pagkakataon na gawin ang videong ito upang kahit paano ay magsilbing gabay sa mga taong gusto nang bumitaw sa mahabang paglalakbay.