Nagsisimula na naman akong magsulat. Maraming mga bagay na pumapasok sa aking isipan ngunit katulad ng mga nauna kong karanasan, di ko alam kung paano at saan magsisimula.Kapag naumpisahan, bigla na lamang malilihis ang pansin sa ibang bagay na wala naming kaugnayan sa isinusulat o sa mensahe na nais maiparating sa mga mambabasa. Hihinto na naman at muling paliliparin ang diwa upang makakuha ng angkop sa ginagawa.May mga pangyayari na kahit isang titik ay hindi magawang maisulat dahilan sa kawalan ng ideya. Minsan kapag ganado sa pagsulat bigla na lamang matitigil dahil sa samu’t saring ingay na naririnig. Kasama ang pangungulit ng mga tao sa paligid, biglaang tunog ng “cellphone’’, tawag ng kapitbahay para humingi lamang ng asin o asukal. Ngunit ang masaklap nito maraming hindi interesadong magbasa ng iyong sinulat. Di mo alam kung hindi marunong magbasa o tinatamad basahin lalo na kapag napakahaba, pipintasan pa ang naisulat mo. Nakatatawa pero bahagi at kasama ito ng mga mahihilig magsulat tulad ko.
Marahil nagtataka ang iba kung bakit pinag – aaksayahan ng oras ang pagsusulat. Noong una hindi ko alam na biniyayaan ako ng ganitong uri ng talento. Di ko naman hilig ito. Bigla na lamang nagising isang araw na nakaupo hawak ang papel at lapis at nagsisimulang isulat ang aking mga nasasaloob. Buti nga ngayon may “computer” na, dati napakaraming papel ang nauubos sa isang artikulo lamang . Noong una tinatanong ko rin ang sarili kung ano ba mapapalala sa kasusulat.Hindi mo pala malalaman ang sagot sa tanong hanggat hindi mo sisimulang pumasok sa mundo ng manunulat.
Ang pagsusulat ay hindi maaaring ihiwalay sa buhay ng isang tao. Sapagkat ang lahat ay manunulat sa sarili nilang karanasan.Tulad ng lahat ng mga nababasa ninyo, ito ay mayroong simula at wakas.Ang buhay ng tao ay mayroon ding simula at hangganan. Kung paano sinisimulan at winawakasan ng may akda ang kanyang panulat, ganun din ang bawat tao. Sinisimulan niyang tuklasin ang kanyang pagkatao sa pamamagitan ng mga karanasang magpapatibay sa kanya. At ang magiging wakas nito ay nakasalalay din sa kanyang kagustuhan. Maaring maging masaya, malungkot at maaaring humantong sa kabiguan ang kahihinatnan ng wakas ng kaniyang kuwento. Bilang manunulat, pinakikinggan niya hindi lamang kanyang saloobin maging ang damdamin ng ibang tao upang lubos niyang makita sa kanyang isipan ang kabuuan at maging makatotohanan ang kanyang isusulat. Maingat niyang pinag aaralan ang mga katagang isinusulat upang maging masarap sa panlasa ng mga mambabasa. Ang tao bagamat may sariling pananaw ukol sa mga bagay na may kinalaman sa kanya ay hindi magiging ganap ang pagkatao kung padidikta lamang sa kung ano ang sinasabi ng kanyang kalooban. Mahalagang pakinggan din ang sinasabi ng iba tungkol sa kanyang sarili upang lalo niyang masalamin ang kanyang katauhan. Maging maingat sa paggamit ng mga salita upang hindi makapanakit at humantong sa hindi magandang pagkakaunawaan.
Walang pinakamahalagng nasusulat sa mundo kundi ang kaniya- kaniyang kuwento ng buhay. Mas maganda pa kaysa sa mga napapanood sa telebisyon na mga telenobela at palabas sa pelikula.At walang pinakamahusay na manunulat kundi tayong lahat. Tayong lahat na may kanya-kanyang kuwento ng buhay, tayong lahat na nagsimula sa wala, tayong lahat na nakaranas kung paano mangapa ,matakot,maging masaya, malungkot, umiyak , at makaranas ng kabiguan sa buhay. Ang lahat ng iyan ang siyang nilalaman ng istorya ng ating buhay. Anuman ang magiging wakas nito tayo lang ang nakakaalam sapagkat tayo ang manunulat ng ating sariling kuwento ng buhay.
AllBlogToolsFacebook comments for blogger brought to you by AllBlogTools.com , Get Yours?
No comments:
Post a Comment