Ang tulang aking sinulat na ay nailathala sa gmanews.tv pinoy abroad
EDSA NG KASAYSAYAN
Mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas,
Isang pangyayaring nagpabago sa bansang Pilipinas
Mga Pilipinong sama-samang nag aklas
Lumabas sa lansangan at ipinakita ang buong lakas
Maitaboy lamang ang diktadurang nagpamalas
Nang hirap at sumikil sa damdaming wagas
Ng bawat mamamayang naghahangad lamang na mailabas
Ang katotohanan nang masilayan ang kalayaang ikinubli ng mga nasa itaas.
Diktadurang nagpasasa sa ganid ng kapangyarihan,
Habang ang bayan ni Juan ay lunod sa kahirapan
Di alintana ang ibat ibang panawagan ng lipunan
Ang iisang sigaw na pumapailanlang sa kapuluan
“Tama na , Sobra na ! Dapat ng palitan ! ”
Nagkibit- balikat na lamang ang pinunong nasa kinaluluklukan
Di natinag bagkus mga bibig ay binusalan
Ng mga pumipiglas sa sinturon ng pamahalaan.
Bumuhos ang masaganang luha ng pighati’t,
dalamhati dahil sa hagupit ng pang gigipit
ang iba’y pinatahimik marahil tuluyan nang iniligpit
Upang kahintakutan ng ibang magpupumilit
Na putulin ang mala-gintong sungay at buntot
Ng mga abusado doon sa palasyo na nakadikit na parang lumot
Ang iba’y ikinulong sa bakal na rehas upang doo’y mamilipit
hayaang malugmok sa sahig upang sa lamig mamuluktot
Tuluyan nang nagngitngit ang poot sa dibdib ng mga Pilipino
Di na nakatiis at mistulang bulkang nag alburuto
Sama-samang nagkaisa upang hingin ang pagbabago
Magkakapit-bisig na hinarap ang mga magigiting na sundalo
Kanyon laban sa bulaklak, baril laban sa rosaryo
Ngunit kahit anong panangga di nagpatalo
Dahil sa pagmamahal sa tunay na nasyonalismo.
Isang mapayapang rebolusyon ang naganap, sa isang iglap
Nagpatalsik sa rehimeng Marcos na walang kahirap-hirap
Di magkamaway ang ngiti na umabot sa alapaap
Sa bawat pilipinong umasang malalanghap
Ang karapatang- pantao na ninakaw ay naibalik nang ganap
Narinig ang himno ng pagpupunyagi na nagdulot ng sarap
Sa panlasa ng mga pilipinong gutom sa adhikaing pinapangarap
para sa inang bayan na binulag ng mga nalasing na mapagpanggap.
Buong mundo’y tumutok, namangha sa katapangan
Ng mga pilipinong may pagmamahal sa bayang sinilangan
Hinangaan dahil walang dugong dumanak sa pag-aalsa ng bayan
Na naging hudyat para manumbalik ang demokrasyang nilalayon
Ang mapayapang rebolusyon sa EDSA dapat alalahaninNakasulat bilang isa sa kagila-gilalas na pangyayari sa ating kasaysayan
Bahagi ng buhay ng bawat mamamayang may pagmamahal sa kalayaan
At magtatanggol upang manatiling abot-tanaw ang ating karapatan.
AllBlogToolsFacebook comments for blogger brought to you by AllBlogTools.com , Get Yours?
No comments:
Post a Comment