Friday, March 11, 2011

Dapit-hapon

Sa pagsapit ng dapit-hapon,akoy nagmamadaling tumakbo patungo sa dalampasigan  upang saksihan ang papalubog na araw. Tinatanaw ng aking mga mata ang magandang palabas kung saan kitang-kita ko sa kabuuan ang unting- unting paglubog nito, ang pagyakap ng araw sa lupa. Bakas sa aking mukha ang kasiyahan at kung puwede nga lang hagkan ang haring araw at sumabay sa kanya upang hindi na matigil ang ngiting sumisilay sa aking labi. Habang pinagmamasdan, nakikisabay ang malamyos na ihip ng hangin na pumapasok sa kaibuturan ng aking katawan na lalong nagpatindi ng aking kamanghaan. Itinaas  ko ang aking mga kamay, ipinikit ang mga mata at sinimulang magtampisaw  upang makiisa sa sayaw ng alon ng dagat. Gusto kong sumigaw at  kung maaari lamang ay angkinin ang mundo kahit panandalian lamang.Sa pagdilat ng aking paningin, wala na ang araw, napabuntung- hininga na lamang ako sapagkat natapos na ang kagila-gilalas na palabas.Tuluyan nang nilamon ng dilim ang buong kapaligiran. Wala ng liwanag, katahimikan na ang nangibabaw. Maging ang alon  ng dagat sa dalampasigan ay natahimik, biglang huminto at waring nakiramay sa paglubog ng haring araw.









Magdadapit-hapon na naman, kahit mahina na ang tuhod pinipilit kong ihakbang ang aking namamanhid na mga  paa patungo sa dalampasigan upang masilayan sa huling pagkakataon ang papalubog na araw. Di ko man maaninag  dahil sa panlalabo ng aking mga paningin,ngunit may kurot sa damdamin habang pinapanood ang unti-unting pagyakap ng araw sa lupa. Tulad ng dati, may ngiti na sumisilay sa aking labi ngunit sa pagkakataong ito, higit pa ang kasabikang nararamdaman  dahil alam ko  matutupad na aking pangarap na makiisa sa kanya upang sabay naming yayakapin ang mundo. Itinaas ko ang nanginginig kong mga kamay, sabay pikit sa aking mga mata, muli kong nilamnam ang lamig na dulot ng aking pagtampisaw sa alon ng dagat. Gusto kong sumigaw at sabihin tapos na ang aking paghihintay, makapaglalakbay  na rin ako kasama ng araw upang  sabay na mararating ang dulo ng mundo. Sa pagsara ng aking paningin, hindi ko na makikita pang muli ang paglubog ng haring araw. Kasabay nito, tapos na rin aking palabas. Wala ng liwanag, katahimikan na ang mangingibabaw. Maging ang alon ng dagat sa baybayin ay tatahimik, hihinto at  makikikiramay sa paglubog ng araw at  sa pagkakataong ito, kasama ako.

1 comment:

  1. hmmmmm..cguro
    kuya jei para rin sa mga kabataan yan..mga bata pa kayo dapat kong ano
    ung pwedeng gawin nyo ngaun gawin nyo na habang my lakas pa kau..sa huli
    pag tanda nio maiisip nyo na naging masaya din ako kahit papaano nong
    ...bata ako kasi nagwa ko ung mga bagay na gusto kung gawin.. hmmmmm cguro
    pag na reminisce nyo ung past nyo masasabi nyo sa sarili nyo na kahit
    paano ngumiti ako sa sandaling yun.. :D

    ReplyDelete