Friday, March 11, 2011

Musmos Na Tinig

Hindi namin ninais na mabuhay. Hindi namin hinangad na mapabilang dito sa daigdig. Nagising na lamang kami isang araw na kabahagi na ng mundong pareho nating ginagalawan. Wala kaming karapatan na mamili kung saan at anong uri ng pamilya ang gusto naming mapuntahan. Para sa amin isang malaking kaganapan ang mabigyan ng pagkakataon na maisilang, mabigyan ng pangalan at maging isang ganap na tao tulad ninyo.

Sa mundong ginagalawan, kami ang tunay na nagiging biktima nang pang aabuso ng nakararami. Kami ang madalas na nasasaktan at naaapektuhan sa mga kaganapang kailanman ay hindi namin hinangad na maranasan dahil sa aming kawalan ng kamalayan. Wala kaming kaalam- alam sa mga kaguluhang nangyayari sa ating kapaligiran ngunit bakit kami ang dapat na magbayad at pumasan sa mga kasalanang hndi naman kami ang gumawa. Masyadong malalim na ang sugat na idinulot nito sa aming pagkatao. Manhid na ang aming mga katawan sa napakaraming hagupit ng karahasan na patuloy na dumadampi sa aming mga kaisipan. Ngunit patuloy kayong nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa tunay na kalagayan ng mga munting nilalang ng daigdig.

Subukan ninyong idilat ang inyong mga mata. Hindi man kaaya-aya sa inyong paningin na makita kaming umaakyat sa mga pamapasaherong sasakyan para mamalimos, magbenta ng mga basahan, sampagita , diyaryo , at makipag patintero sa mga dumaraang sasakyan na maaaring magdulot sa amin ng kapahamakan at maging mitsa ng aming buhay. Ngunit kailangan naming gawin ito dahil tulad ninyo, kami rin ay nangangailangan ng pagkain para mabuhay. Tinitiis namin ang mabahong amoy ng mga basura para makahanap nang mapakikinabangan at mapagkakakitaan kahit alam namin na ito ay lubhang mapanganib sa aming kalusugan.Mas nanaisin pa naming magbabad sa nakasusukang mala bundok na basura kaysa sa mamatay na dilat ang aming mga mata sanhi ng kagutuman at kahirapan. Takot ang aming nararamdaman at minsan sakit sa katawan ang aming nararanasan sa mga taong ginagawa kaming kasangkapan para sila’y kumita. Sa bawat hampas ng sinturon, sa bawat malalakas na suntok na dumadapo sa aming katawan, ano ba ang laban ng mga munting paslit sa mga malalakas na nilalang na tulad ninyo. Hindi namin pinangarap na maranasan ang lahat ng ito, subalit huwag ninyong ikaila na kayo ang dahilan kung bakit kami ay nasasadlak sa ganitong uri ng pamumuhay.Kami ang tunay na biktima ng lahat ng karahasan na itinanim ninyo sa daigdig.

Kami man ay maituturing na mga munting nilalang sa daigdig, mahina sa paningin ng nakararami ngunit hindi batayan ito upang kami ay pagkaitan ng karapatan na naayon para sa amin.Hindi dapat abusuhin bagkus dapat ay bigyan ng kalayaang makapamuhay nang wasto at iparamdam na kami rin ay kabahagi at kabilang sa iisang mundong ating kinabibilangan. Musmos man kami ngunit sa pinagsama sama naming tinig kaya naming panibaguhin ang mundo kung matututo lamang ang bawat isa na makinig sa aming mga hinanaing. Kailan kaya muling ngingiti at maririnig ang masasayang awit ng mga bata sa isang mundong pinapangarap ng lahat?Kailan mababanaag ang tunay na pantay- pantay na karapatan lalot higit sa mga musmos na nilalang?.Kung matututo lamang kayong makinig sa amin, kung mabibigyan lamang ng pansin ang aming hinanaing… sa aming mga musmos na tinig magkakaroon ng kaganapan ang lahat.

1 comment:

  1. Kuya Poklong,

    Hi! Ang galing galing mo, huwag kang titigil dahil madami kang matutulungan, mahihikayat at mabibigyan ng inspirasyon sa talento mong bigay ng Diyos. Palagi mo lamang gawin para sa Diyos at sa kanyang kaluwalhatian. Iyong ang una ko pong gustong iparating, ang ikalawa naman po ay gusto ko pong humingi ng permiso na gamitin ang larawan ng artikulong ito "Musmos na Tinig" sa inyong blogsite na nakuha po namin dito sa link na ito: http://kuyapoklong.blogspot.com/2011_03_01_archive.html. Kung mabibigyan ninyo po ako ng inyong kaunting panahon, maaari po ninyo akong makontak sa aking e-mail address: grace.guerrero@cebookshop.com, ng sa gayon ay maipaliwanag ko pa po ang aming intensiyon sa paggamit ng larawan ninyo.

    Sincerely,

    Grace C. Guerrero,
    Product Division, HED/BED
    Tel No. 929-5088 local 114/14/118
    email: grace.guerrero@cebookshop,cin
    839 EDSA, South Triangle, Quezon City. Philippines 1103
    http://www.cebookshop.com


    ReplyDelete