Isa akong aborted child, hindi ako nabigyan ng pagkakataon na buhayin ng aking mga magulang. Hindi ko lubos maisip na mismo ang aking sariling magulang ang siyang papatay sa akin. Wala akong alam na ginawang pagkakasala sa kanila. Kung ako ang naging resulta ng kanilang pagkakamali bakit kailangang ako ang sisihin at magbayad sa isang bagay na wala naman akong kinalaman. Sabi nila ako raw ay bunga ng pagkakasala at hindi nila kagustuhan ang maisilang ako, oo naiintindihan ko ang kalagayan nila ngunit hindi naayon ang pagkaitan ako ng karapatang mabuhay. Noong pinag-iisipan pa lamang na ako ay ipalaglag, nararamdaman ko na ang takot at pangamba kahit nasa loob pa lamang ako ng sinapupunan ng aking ina.Kung magagawa ko lamang na magsalita sa mga panahong iyon at ibulong sa kanila “ Inay, Itay… huwag ninyo akong patayin, maawa po kayo sa akin , anak n’yo ako.!”, ngunit huli na ang lahat. Nagpupumiglas ako, pinipilit kong lumaban sa mga kamay ng mga taong kinasangkapan ng aking mga magulang para patayin ako ngunit sa huli nanaig pa rin ang balak nila sa akin, gumuho ang pangarap ko na masilayan ang kagandahan ng mundo. Hindi ako binigyan ng pagkakataon na maisilang. Inay, itay, kung alam lamang po ninyo ang kasabikan kong makita at mayakap kayo.
Isa lamang ako sa milyon-milyong sanggol na hindi pinalad na maisilang dahil sa kasakiman ng aming mga magulang. Nakababahala na ang pagdami ng bilang ng mga katulad ko.Ang panawagan ko sana ay pakinggan ng lahat, huwag naman sana ninyong ipagkait ang karapatan naming mabuhay sa mundo. Mahalin ninyo kami, kami ang karugtong ng inyong buhay. Ngayon nakaririnig na naman ako ng pag-iyak buhat sa isang sanggol. Maligaya ako sa iyong pagsilang, napakapalad mo kasi kahit hindi mo pa nasisilayan ang liwanag ng mundo minahal ka na ng iyong mga magulang Matapos ang siyam na buwan sa sinapupunan ng iyong ina, heto ka ngayon naririnig ang iyong pag-iyak nagkaroon na rin ng kaganapan ang iyong pagiging tao. Kunsabagay, nasa loob pa lamang tayo ng tiyan ng ating ina, may pintig na tayo. Mayroon ng nagsisilbing binhi ng buhay na nakalaan para sa atin. Ngunit hindi lahat ng binhi ay nabibigyan ng pagkakataon na mabuhay at lumago. Alam mo noong nasa sinapupunan ako ng aking ina, marami akong pangarap para sa kanila. Sinasambit ko na kapag nailuwal na ako ng aking ina mamahalin ko sila nang higit pa sa buhay ko. Pero hindi pala mangyayari ang lahat ng iyon, ang pangarap na iyon ay naging isang masamang bangungot para sa akin.Naririnig ko ang pag-iyak mo, Iyan kasi ang unang bukambibig ng bawat sanggol pagkatapos mailuwal buhat sa sinapupunan ng kanyang ina. Sana tulad mo, naranasan ko rin kung paano umiyak.
AllBlogToolsFacebook comments for blogger brought to you by AllBlogTools.com , Get Yours?
No comments:
Post a Comment