Balisang-balisa ako sa aking pagkakahiga. Napakarami ng ginawa ngunit ayaw pa rin akong dalawin ng antok. Hanggang sa maisipang iligpit ang mga gamit na naiwang nakakalat sa aking maliit na lamesa. Habang isinasaayos ito, nakita ko ang isang tala-larawang nakalagay sa tabi ng isang maliit na pantalya na nagsisilbing liwanag sa silid-tulugan. Kinuha ko iyon at nahiga. Naisipang buksan at sa unang pagbuklat, bumungad sa aking paningin ang mga kupas na retratong naging saksi ng aking mga karanasan at wari'y nang- aaakit upang yakapin muli ang bakas ng kahapon.
 |
BSE-RE Siena College |
 |
Mother Francisca Formation Institute For Religion Teachers and Catechists |
 |
Catechists and Youth Animators Don Bosco Tondo |
May ngiting pinagmasdan ang mga ito. Lalong nagpuyos ang aking damdamin nang lumantad ang mga larawan ng mga kabataang nakasama at naging kabahagi ng aking paglilingkod sa ibat ibang parokya na aking pinagsilbihan. Hinaplos ko ang bawat retrato sabay pikit ng aking mga mata upang ang mga ito'y gumuhit at magkabuhay sa aking isipan. Sa isang iglap, inilipad ako ng aking diwa sa nakaraan at naglakbay pabalik sa dati kong mundong kinalalagyan. Ang katahimikan ng gabi ay nag mistulang ingay sa aking pandinig. Muling napakinggan ang samu't saring sigawan at halakhakan na nagmumula sa tinig ng mga kabataan. Parang isang musika na idinuyan ako patungo sa alapaap upang malayang marinig ang himno ng kaligayahang walang puknat sa piling ng mga munting nilalang ng daigdig.
Isang malaking karangalan ang makapaglaan ng panahon at makahalubilo ang itinuturing na pundasyon at pag-asa ng ating bayan. Kung maaari lamang na ang kamay ng orasan ay huminto sa kanilang kapanahunan marahil magiging hudyat ito ng isang masaya at makinang na mundo. Hindi maiwasan na muling sariwain ang dahon ng aking kamusmusan.Tandang-tanda ko pa na yakag-yakag ako ng aking ina sa simbahan ng Don Bosco sa lugar ng Tundo upang mag-aral ng katesismo. Nasa ikatlong baytang ako nang nagsimulang maging aktibo sa simbahan at dahil sa mga karanasang iyon umusbong ang aking hangarin na maglingkod sa mga kabataan at maging sa pagpapaunlad ng pamayanan. Naging aktibong lider sa Sangguniang Kabataan sa aming baranggay at naging kaisa ng Arkidiyosesis ng Maynila sa pagtuturo ng Katekesis sa bawat pampublikong paaralan. Pinatibay ang damdaming ito nang magkaroon ng pagkakataon na makapag misyon sa mga kababayan nating ita sa Porac, Pampanga at sa mga kapatid nating igorot sa Mt.Province. Ang pagiging isang “Youth Moderator”sa bawat parokyang aking napuntahan ay nakapag- iwan din nang bakas sa aking pagkatao. Hindi lamang ang simbahan ang naging sentro ng paglilingkod. Binigyang pansin ang komunidad at nag organisa ng mga programang makatutulong para rito.Pinangunahan ang pagsasagawa ng “Non Formal Education” sa mga "out of school youth" sa huling parokyang aking pinaglingkuran, ang San Jose de Trozo sa Sta Cruz Maynila at nagsagawa ng iba't ibang pangkabuhayang programa sa mga maralita, katuwang ang Caritas Manila.


Apostolate in Porac Pampanga
Don Bosco Youth Center
San Jose De Trozo Youth Ministry
Sa pagmulat ng aking paningin, muling sinilip ang tala-larawan at sa pagkakataong ito namalas ang mga larawang nagpapakita ng aking pakikipagsapalaran dito sa bansang Kuwait. Bigla akong napaupo buhat sa pagkakahiga, malalim na napabuntung-hininga at napalitan nang lungkot ang mukhang kanina'y punong-puno nang sigla.Hindi naging madali para sa akin ang lisanin ang ating bayan at makipagsapalaran sa lugar ng mga banyaga. Mahirap mapawalay sa pamilyang naging karamay at sumuporta sa lahat ng aking mga desisyon. Mabigat sa kalooban na pansamantalang ihinto ang paglilingkod sa mga kabataan na halos tumagal ng labinlimang taon upang magbigay daan sa aking pansariling pangangailangan at paglago. Kung tutuusin, napaka simple lamang ang buhay ko noon, kahit maliit lang ang kita, ang mahalaga ay ang kasiyahang tinatamasa buhat sa aking mga ginagawa. Bilang isang manggawang OFW hinarap ko ang ibat ibang pagsubok na humamon sa aking pagkatao. Ang pangungulila sa mga mahal sa buhay ang numero unong kalaban ng bawat Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Pinasan ko ang lahat nang hirap na hindi man lamang naranasan noong ako ay nasa Pilipinas. May mga sandaling gusto ko nang sumuko sa labang ito, ngunit kapag naiisip ko ang aking pamilya at ang aking mga pangarap para sa mga kabataan may kakaibang lakas na nag uudyok sa akin para maipagpatuloy ang pakikibakang ito.
Mag- aapat na taon na simula nang iwan ko ang ating bayan at hindi naging madali para sa akin ang mamuhay sa lupain ng ibang tao.Kahit pagod at masyadong nakatutok sa trabaho, sinikap ko pa ring magtayo ng tulay na mag-uugnay sa mga kabataan gamit ang modernong pamamaraan. Kahit ako ay nagsusunog ng kilay dito sa bansang Kuwait, nagbigay ako ng oras at panahon para maipagpatuloy ang aking paglilingkod sa mga kabataang maituturing na pag-asa at tunay na na magpapabago sa ating lipunan.
Aking pinagmasdan ang tala-larawan, hahayaan ko itong manatiling nakabukas sapagkat hindi pa ito ang tamang oras upang isara at itago sa baul ng nakaraan. Sa aking pagbabalik sa bansang aking sinilangan, bukod sa mga pasalubong para sa aking mga mahal na magulang at mga pamangkin, bitbit ko ang tala-larawang ito dala ang sulo na naglalagablab upang muling pagningasin ang init ng pagkauhaw sa pagtulong sa mga kabataang naging bahagi ng aking buhay. Ang tala-larawan ay madaragdagan sa aking muling pagbabalik. Maglalaan ng puwang upang isama ang mga paparating na karanasang magdudulot ng pagbabago sa aking sarili, sa aking pamilya at sa mga kabataan. Isisilang ang mga bagong larawan na pinanday ng makabagong kaisipan at dinalisay nang katatagan sa laban ng buhay. Sa mukha ng mga retratong mailalagay sa talaan, maaaninag ang mga katangiang naging puhunan ay ang aking pakikipagsapalaran sa lupain ng mga banyaga. Mga larawang nagpapahayag ng pagsasakripisyo, katatagan, pagtitiwala sa kakayahan, pagmamahal sa sarili, sa pamilya, sa kabataan at pag-ibig sa bayan.
Wala nang sasarap pa na manirahan sa bayang ating sinilangan kaya't saan man tayo naroon, darating ang araw na muli nating hahagkan ang lupang ating tinubuan. Dadamahin ang tamis ng pagbabalik sa bansang nagsilbing tahanan at naging tatak ng ating pagkakakilanlan bilang isang lahing Pilipino. Sa aking pagbabalik, sisimulang ipakita ang larawan nang pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagpundar ng isang maliit na negosyo mula sa aking pinaghirapan bilang isang OFW. Ang bunga ng aking pinaghirapan ay matitikman ng aking pamilya na siyang pangunahing dahilan kung bakit ako ay nakipagsapalaran sa bansang Kuwait. Ang larawan nang kakayahan at pagtitiwala sa sarili ay ibabahagi sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang pangkabataang teatro. Ang aking karanasan bilang tagapagsanay sa larangang ito ang magbubukas ng pintuan upang maipakita ng mga kabataan ang kanilang husay at galing sa larangan ng sining at kultura. Sa ganitong paraan ay aking maipagpapatuloy ang naudlot na pagtulong sa mga kabataan. Kaakibat ang panibagong simula, ibabahagi ko ang aking tala-larawan upang magsilbing halimbawa ang aral ng karanasan upang pamarisan ng mga pausbong na mga kabataan. Ipauunawa sa kanila na ang pagkamit ng tagumpay at pagbabago ay hindi lamang nakatuon sa usapin ng pangingibang bansa ng ilan sa ating mga kababayan. Hindi kinakailangang manilbhan sa ibang lupain upang makamtan ang hinahangad na pagbabago sapagkat maraming mga umalis ng Pilipinas ang umuuwing luhaan. Ang pagtitiwala sa kakayahan, pagsasakripisyo at pagiging matatag sa hamon ng buhay ang siyang tungkod ng bawat manggagawang OFW na bumabalik sa ating bansa upang suungin ang daan tungo sa landas ng pagbabago.
Muli kong inilipat sa ibang pahina ang aking tala-larawan at sa pagkakataong ito, hindi na retrato ang aking nasaksihan kundi mga katagang hahamon sa lahat ng mga mangagawang Pilipino na nagtatrabaho sa iba't ibang panig ng mundo.
Ang akdang ito ay ang aking opisyal na entry sa PEBA 2011 ( Nominee no.7 ) para sa OFW BLOGGERS DIVISION. Ang tema sa taong ito, "Akoy Magbabalik Hatid koy Pagbabago, I Will Return I Will bring Change. ".
Mabuhay po ang lahat ng OFW sa buong mundo. Maraming Salamat.