Friday, March 11, 2011

Salamin ng Nakaraan

Ang aking mahimbing na pagtulog ay pinutol ng isang napakalakas na sigaw na nagmumula sa tinig ng aking ina.Animo’y isang bombang sumabog sa aking pandinig na nagpabalikwas sa aking pagkakahiga. Unti- unti kong dinilat ang mga mata at tinignan ang orasan sa gilid ng aking hinihigaan. Bigla akong natigilan, dali- dali akong bumangon at tinungo ang aming maliit na palikuran. Hinilamusan ko ang aking mukha. Naramdaman ko ang lamig ng tubig na nagpanginig ng aking buong kalamnan. Hindi ko maiwasan pagmasdan ang repleksyon ng aking sarili sa isang maliit na salamin na nakalagay doon. Biglang may sumagi sa isip ko. Sa isang iglap na pagtingin, naibulong ko sa aking sarili na napakarami na palang nagbago na hindi ko man lamang namamalayan.





Inilipad ako ng aking isipan pabalik sa nakaraan. Mga ala-ala ng nagsilbing bakas ng mga kabanata na may kinalaman sa aking pagkatao. Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi habang unti unting gumuguhit sa aking diwa ang bawat pahina ng aking kamusmusan. Ang pira-pirasong guhit ay naging ganap na malinaw sa kabuuan. Muli kong nasaksihan ang mga dahon ng pahina kung saan ako nagsimula. Mga larawan nang magulo at makulay kong buhay. Nakatutuwang balikan ang lahat ng ito para akong idinuduyan ng hangin patungo sa kalangitan upang masaksihan ang kabuuan ng aking sariling mundo. Kung maibabalik lamang ang nakaraan, mas pipiliin ko na lamang ang manatiling musmos habang panahon. Masarap kasi ang maging isang bata, walang ginawa kundi kumain, maglaro at matulog. Naririnig ko pa ang malalakas na sigawan ng aking mga kalaro at kaibigan habang kami ay patuloy na tumatakbo sa dalampasigan. Pati ang dagat ay para bagang nakikisabay sa aming kasiyahan dulot marahil nang malalakas na alon humahampas sa aming mga murang katawan.Matitigil lamang iyon sa isang hudyat ng aking ina dahil dumarating na ang takipsilim. Bago ako matulog noon hinihiling ko na sana huwag nang umikot ang mundo upang hindi maputol ang kaligayahang iyon. Ngunit sadyang ganun talaga ang buhay, ang lahat ay nagbabago. Dati ang alam ko lang kung bakit umiiyak at masaktan ang isang tao ay dahil sa mga palo na natatanggap buhat sa kanilang mga magulang. Ngunit sa paglipas ng panahon, natuklasan ko na na mas may masakit pa pala kaysa sa mga latay na natatangap ko buhat sa kanila. Mas matindi pa pala ang sakit na naidudulot ng kabiguan at mga pagkakamali sa mga desisyon na aking binibitawan. Kapag dumarating ang sandaling iyon, kung maaari lamang muling tumakbo at magtago tulad ng ginagawa ko noong ako ay musmos pa lamang ay gagawin ko ngunit gaya ng sinabi ko hindi na ako bata upang gawin ang lahat ng iyon. Tapos na ang dahon ng aking kamusmusan, ako ngayon ay humaharap sa mas mabigat at malaking responsibilidad na hahamon sa panibagong yugto ng aking buhay.
Masayang basahin ang mga sulatin na naglalarawan sa magulo at makulay kong buhay,Nakakatuwang balikan ang mga larawang marami pa ring bakas ng nakaraan at kasalukuyan. Sa hinaharap alam kong magiging salamin ko ang aking nakaraan upang malampasan ko ang anumang pagsubok na papanday sa aking pagkatao.

2 comments: